Magpakita ng Personal na Interes—Sa Pamamagitan ng Pangangaral Nang Walang Pagtatangi
1 Sa isang pangitain, nakita ni apostol Juan ang isang anghel na lumilipad sa kalagitnaan ng langit at naghahayag ng walang-hanggang mabuting balita sa mga tao ng “bawat bansa at tribo at wika at bayan.” (Apoc. 14:6) Tinutularan ba natin ang halimbawa ng anghel sa pamamagitan ng pangangaral nang walang pagtatangi? Maaaring hindi natin namamalayan na may kinikilingan o kinakampihan pala tayo. Ang ating saloobin sa mga tao ay nakaaapekto sa paraan ng ating paghaharap ng mabuting balita sa kanila. Kung gayon, kailangan nating magpakita ng tunay at maibiging pagmamalasakit kapag nangangaral sa mga taong may iba’t ibang pinagmulan.
2 Suriin ang Inyong Teritoryo: May mga dayuhan ba o mga nagsilikas na nakatira sa inyong teritoryo? Baka hindi sila napag-uukulan ng pansin. Magkusang hanapin sila at higit silang kilalanin. Ano kaya ang kanilang mga pangangailangan at ikinababahala, ang kanilang mga gusto at di-gusto, ang kanilang mga pangamba at mga maling akala? Sikaping ibagay sa kanilang kalagayan ang iyong presentasyon tungkol sa mensahe ng Kaharian. (1 Cor. 9:19-23) Gaya ni apostol Pablo, dapat tayong makadama ng obligasyong maibahagi ang mabuting balita sa lahat ng nasa teritoryo natin, pati na sa mga tagaibang bansa, sa mga iba ang kultura, iba ang wika, at sa napakayayaman.— Roma 1:14.
3 Pero paano kayo makapagpapatotoo sa isa na iba ang wika? Gamitin ang buklet na Good News for People of All Nations. Puwede ka ring magdala ng ilang tract o brosyur sa wikang madalas na ginagamit sa inyong teritoryo. (Tingnan ang Hulyo 2003 ng Ating Ministeryo sa Kaharian, p. 4, par. 2-3.) Karagdagan pa, may ilang mamamahayag na nagsisikap matuto ng pagbati at simpleng presentasyon sa ibang wika. Madalas na humahanga ang mga tao kapag naririnig ang isa na nagsisikap makipag-usap sa kanila sa wika nila, kahit na kaunting-kaunti lamang, at maaaring maakit sila sa mabuting balita dahil dito.
4 Tularan si Jehova: Kapag nagsisikap tayong makausap ang mga taong iba ang pinagmulan, tinutularan natin ang ating di-nagtatanging Diyos, si Jehova, “na ang kalooban ay na ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.”—1 Tim. 2:3, 4.