Kapag Iba ang Wika ng May-bahay
1. Bakit may higit na pangangailangan sa pagtutulungan kapag nangangaral sa teritoryo?
1 Nasusumpungan ng mga mamamahayag ng Kaharian sa buong daigdig ang parami nang paraming taong interesado na nagsasalita ng ibang wika bukod sa wikang ginagamit ng kongregasyon. Upang tulungan ang mga ito sa espirituwal, nasumpungan ng maraming sangay na kailangang bumuo ng mga grupo at kongregasyon na banyaga ang wika. Yamang maraming wika ang malamang na ginagamit sa isang lugar, maaaring ilang kongregasyon ang nangangaral sa iisang teritoryo. Paano maaaring magtulungan ang mga kongregasyon upang matiyak na ang gawaing pangangaral ay naisasagawa ayon sa kaayusan?—1 Cor. 14:33.
2. Kapag nangangaral sa bahay-bahay, paano tayo maaaring makipagtulungan sa ibang grupo o kongregasyon na banyaga ang wika sa ating lugar?
2 Mabuting Pagtutulungan: Kapag nagpapatotoo sa lansangan o sa di-pormal na paraan, dapat lapitan ng mamamahayag ang kahit sino, pati na ang mga maaaring nagsasalita ng ibang wika, at mag-alok ng literatura sa wika na gusto niyang basahin. Gayunman, kapag nagbabahay-bahay sa lugar na ginagawa rin ng ibang grupo o kongregasyon na banyaga ang wika, dapat pagtuunan ng pansin ng mamamahayag ang mga tahanan ng mga taong nagsasalita ng wikang katulad ng ginagamit ng kongregasyong kinauugnayan niya. Kapag nangangaral sa lugar ding iyon ang ibang kongregasyon, napakahalaga na mag-ingat ng maayos na rekord. Dapat makipag-ugnayan sa isa’t isa ang mga tagapangasiwa sa paglilingkod at isaayos ang mga bagay sa paraang kapaki-pakinabang sa lahat. (Kaw. 11:14) Gayunman, kapag ang isang mamamahayag ay nakasumpong sa bahay-bahay ng taong iba ang wika at walang kongregasyon sa wikang iyon sa malapit, dapat sikapin ng mamamahayag na magpatotoo at patuloy na tulungan ang interesadong iyon.
3. Ano ang dapat nating gawin kapag may nakasalubong tayong mga mamamahayag mula sa ibang grupo o kongregasyon na banyaga ang wika na nangangaral din sa teritoryong ginagawa natin?
3 Iisang Gawain: Ano ang dapat gawin kung magkasabay na nangangaral sa iisang lugar ang mga mamamahayag mula sa iba’t ibang kongregasyon? Sabihin pa, anuman ang wika natin, mangingibabaw pa rin ang Kristiyanong pag-ibig at ang lahat ay mababahala pangunahin na sa pangangailangan ng mga tao sa teritoryo. (Juan 13:34, 35) Kaya ang mga nangunguna ay magpapakita ng pagkamakatuwiran at pag-ibig sa pagpapasiya kung aling grupo ang pansamantalang lilipat muna sa ibang teritoryo.—Sant. 3:17, 18.
4. Anong hula ang natutupad ngayon?
4 Inihula ng Bibliya na maririnig ng mga taong may iba’t ibang wika ang mabuting balita. (Apoc. 14:6, 7) Sa pamamagitan ng maingat na pakikipagtulungan ng lahat, maiiwasan ang di-kinakailangang pagdalaw sa isang bahay ng mga mamamahayag mula sa iba’t ibang grupo at kongregasyon na banyaga ang wika. Sa gayon, maraming iba pang tao ang mapaaabutan ng mabuting balita, pati na ang mga nagsasalita ng ibang wika.—Efe. 4:16.