Balikan ang Lahat ng Nagpapakita ng Kahit Kaunting Interes
1 Marami sa atin ang nasa katotohanan ngayon dahil may isa na nakapansin sa positibong pagtugon natin sa mensahe ng Kaharian at matiyagang nagbalik—marahil nang maraming beses—upang linangin ang interes na iyon. Dapat din namang masikap nating balikan ang lahat ng nagpapakita ng kahit kaunting interes. Sa katunayan, kasali sa atas natin na “gumawa ng mga alagad” ang pagdalaw-muli.—Mat. 28:19, 20.
2 Alamin Kung Interesado: Kahit hindi tumanggap ng literatura ang isang tao, baka naman mahahalata sa ekspresyon ng kaniyang mukha, tono ng boses, o sa mga komento niya na kahit paano ay interesado siya sa mensahe ng Kaharian. Batay rito, maaari tayong dumalaw-muli. Isang brother ang dumalaw sa isang lalaki sa loob ng limang sunud-sunod na linggo pero wala siyang naipasakamay na literatura. Sa ikaanim na pagdalaw, tumanggap ng literatura ang lalaki, at napasimulan ang pag-aaral sa Bibliya nang dakong huli.
3 Kung napansin mong interesado ang iyong kausap, balikan siya agad, marahil pagkalipas nang ilang araw. Huwag mong bigyan ng pagkakataon ang “isa na balakyot” na agawin ang naihasik sa puso ng tao. (Mat. 13:19) Tiyaking tuparin ang iyong pangako kung isinaayos mong bumalik sa isang espesipikong panahon.—Mat. 5:37.
4 Sa Pagpapatotoo sa Lansangan: Sinisikap mo bang linangin ang interes ng mga nakakausap mo habang nagpapatotoo sa lansangan o sa di-pormal na paraan? Sa katapusan ng inyong pag-uusap, maaari mong sabihin: “Nasiyahan ako sa pag-uusap natin. Saan kaya kita puwedeng puntahan para makapag-usap tayong muli?” Kapag angkop, maaaring ipasiya ng ilang mamamahayag na ibigay sa interesadong tao ang numero ng kanilang telepono o kunin ang numero ng telepono ng isa’t isa. Kung lagi kang nakikita ng mga tao na nagpapatotoo sa lansangan sa iyo’t iyon ding lugar, maaaring hindi sila magdalawang-isip na ibigay sa iyo ang numero ng kanilang telepono o adres. Kahit hindi nila sabihin sa iyo kung paano sila makokontak, maaari mo pa ring paunlarin ang kanilang interes sa susunod na pagkakataong magkita kayo sa lansangan.
5 Kapag nakikita nating lumalago ang mga halamang dinidiligan at inaalagaan natin, nasisiyahan tayo. Masisiyahan din tayo nang husto sa pamamagitan ng pagdalaw-muli at pagtulong sa mga tao na sumulong sa espirituwal. (1 Cor. 3:6) Gawin mong tunguhin na balikan ang lahat ng nagpapakita ng kahit kaunting interes.