Bagong Programa ng Pansirkitong Asamblea
Paano tayo makatatayong matatag laban sa matinding pagsalansang sa tunay na pagsamba? Paano natin madaraig ang patuloy na pagsisikap ni Satanas na hilahin tayo pabalik sa di-makadiyos na sanlibutan? Sasagutin ng programa ng pansirkitong asamblea para sa taóng 2009 ang napakahahalagang tanong na ito. Ang tema ay “Patuloy na Daigin ng Mabuti ang Masama.” (Roma 12:21) Ano kaya ang maaasahan natin sa programang ito?
Ihaharap ng tagapangasiwa ng distrito ang mga pahayag na “Pinatitibay Upang Daigin ng Mabuti ang Masama,” “Mag-ingat Laban sa Labis na Pagtitiwala sa Sarili!,” “Malapit Nang Magwakas ang Lahat ng Kasamaan!,” at “Patibayin ang Ating Pananampalataya Upang Madaig ang Sanlibutan.” Tatalakayin naman sa atin ng tagapangasiwa ng sirkito ang mga temang “Ngayon Na ang Panahon Upang Manatiling Gising!,” batay sa Roma 13:11-13, at “Huwag Panghinaan ng Loob sa Araw ng Kabagabagan,” salig sa Kawikaan 24:10. Aabangan din natin ang bahagi ng tagapangasiwa ng sirkito na “Pagbibigay-Pansin sa mga Pangangailangan ng Sirkito.” Ang isa pang kapana-panabik na bahagi ay ang “Maaari Ka Bang ‘Maging Abala sa Ministeryong Ito’—Sa Pamamagitan ng Pagpapayunir?” Ang una sa dalawang simposyum ay pinamagatang “Tumayong Matatag Laban sa mga Pakana ng Diyablo.” Tutulong ito sa atin na makilala at itakwil ang tusong mga pakana ng Diyablo sa larangan ng teknolohiya, libangan, at edukasyon. Ipaliliwanag naman sa atin ng simposyum na “Magtamo ng Lakas Upang Labanan si Satanas sa Balakyot na Araw na Ito” kung paano maikakapit nang lubus-lubusan ang kinasihang payo na nasa Efeso 6:10-18.
May tuwirang kaugnayan sa pangangaral ng mensahe ng Kaharian ang pagdaig sa pinakaugat ng kasamaan. (Apoc. 12:17) Hindi nga kataka-takang walang-humpay na sinasalakay ni Satanas ang mga Saksi ni Jehova! (Isa. 43:10, 12) Pero tiyak na mabibigo ang Diyablo dahil determinado tayong “patuloy na daigin ng mabuti ang masama.” Tiyaking madaluhan ang lahat ng apat na sesyon ng pansirkitong asambleang ito upang lubusang makinabang sa inihandang programa.