Bagong Programa ng Araw ng Pantanging Asamblea
Ang tema ng programa ng araw ng pantanging asamblea para sa taóng 2009 ay ‘Patuloy Ninyong Ingatan ang Ministeryo Upang Matupad Ninyo Ito,’ batay sa Colosas 4:17. Bilang mga Kristiyano, dinidibdib natin ang payo na iyan. Tunguhin nating tuparin nang may katapatan ang ating ministeryo, gaya ng ginawa ni Jesus. (Juan 17:14) Nagbigay rin si apostol Pablo ng mahusay na halimbawa para sa atin sa bagay na ito. Determinado siyang tapusin ang kaniyang ministeryo.—Gawa 20:24.
Ipakikita ng bahagi ng tagapangasiwa ng sirkito kung paano nahaharap ng mga mamamahayag ang mga hamon sa kanilang ministeryo. Pagkatapos, itatampok ng pahayag na “Linangin Kung Ano ang Inyong Itinanim” kung paano natin talaga matutulungan ang mga “wastong nakaayon ukol sa buhay na walang hanggan.” (Gawa 13:48) Talata-por-talata namang tatalakayin ng dumadalaw na tagapagsalita ang 2 Corinto 6:1-10 sa pahayag na “Kung Paano Natin Inirerekomenda ang Ating Sarili Bilang mga Ministro.” Sa hapon, ihaharap niya sa mga tagapakinig ang temang “Lubusang Pahalagahan ang Inyong Ministeryo.” Tiyak na mapatitibay ka sa mga bahaging “Nasisiyahan ang Bata’t Matanda sa Ministeryo” at “Mga Kabataang Tumutupad sa Ministeryo.” Ang mga nagnanais sagisagan ang kanilang pag-aalay sa pamamagitan ng bautismo sa tubig sa darating na pansirkitong asamblea o araw ng pantanging asamblea ay dapat magsabi sa punong tagapangasiwa sa lalong madaling panahon. Ang isa pang mahalagang bahagi ng lahat ng ating asamblea at kombensiyon ay ang pagsasaalang-alang sa Ang Bantayan. Dalhin ang iyong kopya na pag-aaralan sa linggo ng araw ng pantanging asamblea.
Upang maingatan natin ang ating ministeryo, tinitiyak nating hindi maaagaw ng ibang interes o gawain ang ipinagkatiwala sa atin ni Jehova. Ang pampatibay-loob mula sa Kasulatan na inilalaan sa pamamagitan ng programang ito ng araw ng pantanging asamblea ay tiyak na tutulong sa atin na maunawaan kung ano ang kailangan nating gawin upang manatiling nakatuon ang ating pansin sa ating ministeryo at maisagawa ito nang lubusan.