Makapagpapasimula Ka ba ng Pag-aaral sa Bibliya sa Oktubre?
1. Ano ang alok sa Oktubre?
1 Ang alok sa Oktubre ay Bantayan at Gumising! Para masubaybayan ang interes, pinasisigla tayong gamitin ang tract na Gusto Mo Bang Malaman ang Katotohanan? at sikaping makapagpasimula ng pag-aaral sa Bibliya. Paano natin ito gagawin sa pagdalaw-muli?
2. Paano natin gagamitin ang tract na Malaman ang Katotohanan para pasimulan ang pag-aaral sa Bibliya kapag dumadalaw-muli sa isa na tumanggap ng mga magasin?
2 Kung Paano Gagamitin ang Tract: Puwedeng sabihin: “Ang mga magasing iniwan ko sa iyo ay tumutulong sa mga tao na suriin ang Bibliya anuman ang kanilang relihiyon o pinagmulan. [Iabot sa may-bahay ang tract na Malaman ang Katotohanan, at tukuyin ang mga tanong sa harap.] Narito ang ilang palaisipang tanong na malinaw na sinasagot ng Bibliya. Naitanong mo na ba ang alinman sa mga ito?” Matapos tumugon ang may-bahay, talakayin ang sagot ng tract sa napili niyang tanong, at basahin ang isa sa binanggit na mga teksto. Ipaliwanag na ilan lamang ito sa itinuturo ng Bibliya, saka iabot sa kaniya ang aklat na Itinuturo ng Bibliya. Pagkatapos ay papiliin siya ng isang kabanata mula sa talaan ng mga nilalaman at saka talakayin ang unang mga parapo roon. O maaaring talakayin ang mismong kabanata ng aklat na may higit pang impormasyon hinggil sa pinag-usapan ninyong tanong sa tract. Narito ang mga reperensiya na puwedeng gamitin:
● Talaga bang nagmamalasakit sa atin ang Diyos? (p. 9-11, par. 6-10)
● Matatapos pa kaya ang digmaan at pagdurusa? (p. 12, par. 12-13)
● Ano ang nangyayari sa atin kapag tayo’y namatay? (p. 59-60, par. 7-8)
● May pag-asa ba ang mga patay? (p. 71, par. 13-15)
● Anong panalangin ang pinakikinggan ng Diyos? (p. 166-167, par. 5-8)
● Paano kaya magiging maligaya ang buhay ko? (p. 9, par. 4-5)
3. Paano natin iaangkop sa kalagayan ang pagpapasimula ng pag-aaral sa Bibliya?
3 Kung hindi ipinahihintulot ng kalagayan na pasimulan ang pag-aaral sa aklat na Itinuturo ng Bibliya sa unang pagdalaw-muli, puwede tayong makipag-iskedyul na bumalik para ipagpatuloy ang pag-uusap. Depende sa interes ng may-bahay, puwede nating talakayin ang iba pang mga tanong sa tract sa susunod na mga pagdalaw bago iharap ang aklat. Gamitin nating mabuti ang kapaki-pakinabang na tract na ito sa Oktubre para makapagpasimula ng pag-aaral sa Bibliya at matulungan ang tapat-pusong mga tao na ‘malaman ang katotohanan.’—Juan 8:31, 32.