Huwag Mag-atubili
1. Saan mo kailangan ang lakas ng loob, at bakit?
1 Nag-atubili ka na bang magpatotoo sa paaralan dahil natakot kang tuyain? Kailangan mo talaga ng lakas ng loob para makapagsalita, lalo na kung mahiyain ka. Ano ang makatutulong sa iyo?
2. Ano ang dapat pag-isipan kapag nangangaral sa paaralan?
2 Pag-isipang Mabuti: Bagaman tama namang isipin na ang paaralan ay personal mong teritoryo, tandaan na hindi mo kailangang makipag-usap sa lahat tungkol sa Bibliya gaya ng ginagawa mo sa pangangaral sa bahay-bahay. Pag-isipang mabuti kung kailan ka mangangaral. (Ecles. 3:1, 7) Maaaring ang paksang tinatalakay sa klase o assignment ay magbukas ng pagkakataong maipahayag mo ang iyong pananampalataya. O baka tanungin ka ng kaeskuwela mo kung bakit hindi ka sumasali sa ilang gawain. Sa pasimula pa lang ng taon ng pag-aaral, ipinaaalam na ng ilang Kristiyano sa kanilang mga guro na mga Saksi ni Jehova sila at binibigyan nila ang kanilang guro ng literatura na nagpapaliwanag ng ating paniniwala. Ang iba nama’y nag-iiwan ng literatura sa ibabaw ng desk nila para makuha ang interes ng mga kaeskuwela nila at magsimula silang magtanong.
3. Paano ka maghahanda para makapagpatotoo sa paaralan?
3 Maging Handa: Kung maghahanda ka, mas magiging kumpiyansa ka. (1 Ped. 3:15) Kaya isipin mo kung anong mga tanong ang maaaring bumangon at kung ano ang isasagot mo. (Kaw. 15:28) Kung posible, mag-iwan sa paaralan ng Bibliya at ilang publikasyon gaya ng mga aklat na Nangangatuwiran at Tanong ng mga Kabataan, para magamit mo kung kinakailangan. Hilingin sa iyong mga magulang na isama ang practice session sa inyong pampamilyang pagsamba.
4. Bakit dapat na patuloy kang magpatotoo sa paaralan?
4 Maging Positibo: Huwag isipin na lagi kang tutuyain ng iyong mga kaeskuwela kung babanggitin mo ang katotohanan. Baka hangaan ka pa nga ng ilan dahil sa iyong lakas ng loob anupat makikinig sila. Ngunit huwag kang panghinaan ng loob kung walang makikinig. Matutuwa si Jehova na nagsikap ka. (Heb. 13:15, 16) Laging hilingin sa kaniya na tulungan kang ‘patuloy na magsalita nang buong katapangan.’ (Gawa 4:29; 2 Tim. 1:7, 8) Tiyak na matutuwa ka kung may makikinig. Baka nga maging lingkod pa siya ni Jehova!