Tanong
◼ Sino ang dapat sumulat ng impormasyon sa mga kupon at kahilingan sa Internet?
Ang ating mga publikasyon ay karaniwan nang may mga kupon na maaaring punan at ipadala sa tanggapang pansangay upang humiling ng literatura o isang pagdalaw mula sa mga Saksi ni Jehova. Bukod diyan, ang ating Web site na www.watchtower.org ay maaaring gamitin upang humiling ng isang pag-aaral sa Bibliya. Ang mga paglalaang ito ay nakatulong sa marami na matuto ng katotohanan. Pero nagkakaproblema kapag ginagamit ito ng mga mamamahayag sa paggawa ng mga kaayusan upang ang kanilang mga kamag-anak o iba pa ay makatanggap ng literatura o madalaw ng mga Saksi.
Ang ilan ay tumanggap ng literatura mula sa tanggapang pansangay bagaman hindi sila humiling nito. Nagreklamo sila at nadama nilang nililigalig sila ng ating organisasyon dahil isinama sila sa listahan ng mga taong maaaring laging padalhan ng literatura o advertisement. Ang mga mamamahayag na nakatanggap ng notice na dalawin ang isang taong hindi naman personal na humiling nito ay nalalagay sa alanganin kapag nainis ang tao. Kaya ang mga kahilingang ginagawa sa ating Web site o sa pamamagitan ng kupon ay dapat manggaling mismo sa mga taong interesado at hindi sa mga mamamahayag na nagnanais na ang kanilang mga kamag-anak o kaibigan ay makatanggap ng literatura o madalaw ng mga Saksi. Kapag ang gayong mga kahilingan ay nalamang ginawa para sa iba, karaniwan nang hindi ito pinoproseso.
Kaya paano natin matutulungan sa espirituwal ang isang kamag-anak o kakilala? Kung gusto mong makatanggap siya ng literatura, bakit hindi mo siya padalhan nito bilang regalo? Kung interesado siya at nais niyang may Saksing dumalaw sa kaniya ngunit hindi mo alam kung paano makikipag-ugnayan sa mga elder sa lokal na kongregasyon doon, dapat kang magsumite ng Please Follow Up (S-43) form sa kalihim ng inyong kongregasyon na magrerepaso nito at magpapadala sa tanggapang pansangay. Gayunman, kung ang taong interesado ay nakakulong sa isang bilangguan, rehabilitation center, o nasa ospital, hindi ka dapat makipag-ugnayan sa tanggapang pansangay alang-alang sa kaniya. Sa halip, himukin mo siyang makipag-ugnayan sa mga kapatid na dumadalaw sa pasilidad o personal na sumulat sa tanggapang pansangay.