Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • km 7/12 p. 4-7
  • Bago Mangaral, Baka Kailangan Mo Munang Maghanap

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bago Mangaral, Baka Kailangan Mo Munang Maghanap
  • Ating Ministeryo sa Kaharian—2012
  • Kaparehong Materyal
  • ‘Pinasinag ni Jehova ang Kaniyang Mukha sa Kanila’
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
  • Maging Alisto sa Paghahanap ng mga Taong Bingi sa Inyong Teritoryo
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2001
  • Pahalagahan ang Ating mga Kapatid na Bingi!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
  • Mahal ng Diyos ang mga Bingi
    Iba Pang Paksa
Iba Pa
Ating Ministeryo sa Kaharian—2012
km 7/12 p. 4-7

Bago Mangaral, Baka Kailangan Mo Munang Maghanap

1. Sa mga lugar na gumagamit ng iba’t ibang wika, bakit hinahati-hati ayon sa wika ang mga iniaatas na teritoryo sa kongregasyon?

1 Noong Pentecostes 33 C.E., matapos tumanggap ng banal na espiritu ang mga alagad ni Jesus, sila’y “nagsimulang magsalita ng iba’t ibang wika” sa mga naroroon mula sa malalayong bahagi ng lupa. (Gawa 2:4) Bilang resulta, mga 3,000 ang nabautismuhan. Kapansin-pansin, waring ang karamihan ng mga bisita ay nagsasalita ng isang karaniwang wika, marahil ay Hebreo o Griego. Pero minabuti ni Jehova na maipangaral sa kanila ang mensahe ng Kaharian sa kanilang katutubong wika. Tiyak na ang isang dahilan ay sapagkat mas madaling tumugon sa mabuting balita ang mga tao kapag ito ay naririnig nila sa kanilang sariling wika. Kaya sa ngayon, ang mga iniaatas na teritoryo sa kongregasyon sa mga lugar na gumagamit ng iba’t ibang wika ay hinahati-hati ayon sa wika. (Organisado, p. 107, par. 1-2) Ang mga grupo na banyaga ang wika ay walang atas na teritoryo, pero nangangaral sila sa mga nagsasalita ng kanilang wika sa teritoryo ng sumusuportang kongregasyon at ng iba pang kalapit na kongregasyon.

2. (a) Ano ang gawaing paghahanap, at saan ito kailangang gawin? (b) Paano maaaring magtulungan ang mga kongregasyon sa paggawa sa teritoryo kung saan iba’t ibang wika ang sinasalita? (c) Ano ang dapat nating gawin kapag may nasumpungan tayong nagpakita ng interes na nagsasalita ng ibang wika?

2 Kung nakatira ka sa isang lugar na iisang wika lang ang sinasalita, makapangangaral ka sa bawat bahay. Pero iba naman ang kalagayan mo kung nakatira ka sa malaking lunsod na iba’t ibang wika ang sinasalita. Maaaring nangangaral din sa lugar na iyon ang mga kongregasyong gumagamit ng ibang wika. Bagaman maaari kang bigyan ng impormasyon ng mga kongregasyon tungkol sa mga nasumpungan nilang nagsasalita ng iyong wika, ang inyong kongregasyon o grupo ang may pangunahing pananagutang humanap ng mga taong mapangangaralan mo. (Tingnan ang kahon na “Magtulungan.”) Kung gayon, kailangan mong makibahagi sa gawaing paghahanap, kung saan magtatanong ka upang hanapin ang mga nagsasalita ng isang espesipikong wika. Paano ito isasagawa?

3. Ano ang mga salik para malaman kung saan maghahanap ang kongregasyon o grupo at kung gaano karaming panahon ang gugugulin sa paggawa nito?

3 Pag-oorganisa sa Gawaing Paghahanap: Ang panahong gugugulin mo sa gawaing paghahanap sa mga lugar kung saan iba’t ibang wika ang sinasalita ay depende sa lokal na mga kalagayan. Halimbawa, ilan ang nagsasalita roon ng wikang iyon? Ilan ang mamamahayag? Ilang adres na ang nailista ng kongregasyon o grupo? Ang kongregasyon ay hindi hinihilingang gumugol ng pare-parehong haba ng oras sa paghahanap sa bawat lugar pero maaari silang magpokus sa mas mataong mga lugar na sakop ng kanilang teritoryo at sa mga lugar na hindi naman masyadong malayo. Gayunman, mahalaga ang pagkakaroon ng maayos at organisadong paghahanap upang mas marami ang mabigyan ng pagkakataong tumawag sa pangalan ni Jehova.—Roma 10:13, 14.

4. (a) Paano dapat organisahin ang gawaing paghahanap? (b) Ano ang ilang paraan para mahanap ang mga taong nagsasalita ng iyong wika?

4 Para hindi madoble ang trabaho, dapat organisahin at pangasiwaan ng lupon ng matatanda, lalo na ng tagapangasiwa sa paglilingkod, ang gawaing paghahanap. (1 Cor. 9:26) Sa mga grupo na banyaga ang wika, maaaring manguna ang isang kuwalipikadong brother, hangga’t maaari isang elder o ministeryal na lingkod na pinili ng lupon ng matatanda ng sumusuportang kongregasyon. Maraming kongregasyon at grupo ang may sistematikong kaayusan sa pagsasagawa ng panimulang paghahanap, marahil gamit ang direktoryo o Internet upang ilista ang mga pangalan na karaniwan sa wikang iyon. Susundan ito ng pagtawag sa telepono o ng pagdalaw upang matiyak kung aling mga adres ang isasama sa teritoryo. Kung praktikal, maaaring isaayos ng lupon ng matatanda ng sumusuportang kongregasyon na makibahagi paminsan-minsan ang buong kongregasyon sa gawaing paghahanap.—Tingnan ang kahon na “Kung Paano Hahanapin ang mga Nagsasalita ng Iyong Wika.”

5. (a) Ano ang ilang mungkahi sa mga mamamahayag na nakikibahagi sa gawaing paghahanap? (b) Ano ang maaari nating sabihin sa mga tao sa ating paghahanap?

5 Dapat na malinaw sa atin ang layunin kung bakit tayo nakikibahagi sa gawaing paghahanap. Yamang ang gawaing ito ay bahagi ng ating ministeryo, karaniwan nang dapat tayong manamit bilang mga ministro. Nakatulong sa marami ang pagpapraktis ng kanilang mga presentasyon at pagsasalita ng wikang gagamitin samantalang naghahanap para mapanatili ang kasiglahan at mapatalas ang kanilang kasanayan sa wika. Maaari nating iulat ang oras na ginugugol natin sa paghahanap ngunit hindi ang oras na ginugol natin sa paghahanda ng mga mapa ng teritoryo at listahan. Kapag may nasumpungan tayong nagsasalita ng wikang iyon, dapat tayong magsikap na ibahagi ang mabuting balita at pagkatapos ay sabihin agad sa tagapangasiwa sa paglilingkod o sa isa na inatasan niya upang maisama ito sa mga rekord ng teritoryo. Gagawin natin ito kahit na hindi interesado ang tao. Bagaman mahalaga ang gawaing paghahanap, dapat tayong maging timbang at makibahagi sa lahat ng pitak ng ministeryo.—Tingnan ang kahon na “Kung Ano ang Sasabihin sa Gawaing Paghahanap.”

6. Ano ang natatanging mga hamon sa paghahanap sa mga taong bingi?

6 Paghahanap sa mga Bingi: Ang paghahanap sa mga taong bingi ay may natatanging mga hamon at nangangailangan ng malaking pagsisikap at tiyaga. Ang taong bingi ay hindi maaaring makilala sa pamamagitan ng ispeling ng kaniyang pangalan, pisikal na mga katangian, o ng kaniyang damit. Isa pa, baka napakaingat ng mga kapamilya o kaibigan anupat atubili silang magbigay ng impormasyon sa mamamahayag na nagtatanong. Ang sumusunod na mga mungkahi sa paghahanap sa mga bingi ay maaaring makatulong din sa paghahanap sa mga taong hindi bingi.

7. (a) Anu-ano ang maaaring itanong sa residensiyal na mga lugar upang mahanap ang mga bingi? (b) Paano natin maaalis ang paghihinala ng may-bahay?

7 Naging matagumpay ang mga kongregasyon at grupo na gumagamit ng sign language sa kanilang pagtatanong sa residensiyal na mga lugar. Maaaring ang pinagtanungan mo sa lugar na iyon ay may kapitbahay, katrabaho, o kaklase na gumagamit ng sign language. Marahil napansin niya ang isang karatula sa kalye na nagsasabing may mga batang bingi sa lugar na iyon. Baka may kamag-anak siyang bingi. Tandaan na ang layunin ng iyong pagdalaw ay maaaring paghinalaan. Gayunman, malaki ang magagawa mo para hindi matakot ang may-bahay kung ikaw ay talagang palakaibigan at ang iyong paliwanag ay maikli, tapat, at magalang. Ang ilan ay nagkaroon ng mabuting resulta sa pamamagitan ng pagpapakita ng Bibliya o iba pang DVD habang tinatanong nila ang may-bahay kung may kilala siyang bingi. Pagkatapos ay sinasabi nila na gusto nilang ibahagi ang pag-asa ng Bibliya sa gayong mga tao. Kung nag-aatubili ang may-bahay sa pagbibigay ng impormasyon, posibleng tanggapin niya ang iyong address card o isang paanyaya para sa pulong ng kongregasyon na ibibigay naman niya sa kaniyang kamag-anak o kaibigang bingi.

8. Paano makatutulong ang isang kalapit na kongregasyon sa sign-language congregation?

8 Isa o dalawang araw sa isang taon, puwedeng anyayahan ng sign language congregation ang isang kalapit na kongregasyon na iba ang wika para tumulong sa kanila sa paghahanap sa isa sa mga bayan o siyudad na sakop ng kanilang malaking teritoryo. Sa pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan na isasagawa ng sign language congregation, maaaring banggitin ang mga tagubilin para sa gawaing ito at magkaroon ng isang pagtatanghal. Isang mamamahayag mula sa sign-language congregation ang iaatas sa bawat grupo at bibigyan sila ng mapa ng isang espesipikong lugar kung saan sila maghahanap.

9. Paano isasagawa ang gawaing paghahanap kung saan nagtitipun-tipon, naglilibang, o tumatanggap ng mga serbisyo ang mga taong bingi?

9 Maaari ding maghanap sa mga lugar kung saan nagtitipun-tipon at naglilibang o tumatanggap ng serbisyo sa komunidad ang mga taong bingi. Ang mga mamamahayag ay dapat magbihis nang angkop sa sitwasyon. Makabubuting makipag-usap sa isa o dalawang taong naroroon at maging maingat sa halip na basta magtanghal sa buong grupo. Kung mabunga ang pag-uusap, marahil maaaring magpalitan sila ng numero ng cellphone at adres.

10. Paano maghahanap ang mga mamamahayag sa mga lugar ng negosyo?

10 Ang isa pang paraan ay gumamit ng mga mapa kung saan makikita ang mga lugar ng negosyo at puntahan ang mga ito sa angkop na panahon. Halimbawa, may mga mapa na makikita roon ang mga gasolinahan. Ang iba naman ay may mga dry cleaner, laundry shop, restawran, hotel, o iba pang negosyo. Kung sa bawat mapa ay may magkakaparehong negosyo, maaaring isang presentasyon lamang ang gamitin ng mga mamamahayag para masanay at maging bihasa sila. Halimbawa, yamang may mga binging tumutuloy rin sa mga hotel, maaaring ipaliwanag natin sa maikli sa desk clerk ang ating gawain at iabot ang inihandang pakete na may DVD at imbitasyon sa pulong ng kongregasyon para ibigay niya sa mga binging guest. Sa ilang lugar ng negosyo, maaaring tanungin lamang natin kung may mga manggagawa o kostumer sila na gumagamit ng sign language. Kung sa teritoryo ay may paaralan para sa mga bingi, maaari tayong mag-alok ng ilang publikasyong nasa DVD para sa kanilang aklatan.

11. Bakit isang mahalagang bahagi ng ministeryo ang gawaing paghahanap?

11 Isang Mahalagang Gawain: Malaking trabaho ang paghahanap sa mga taong nagsasalita ng iyong wika. Isa pa, may mga lugar na mabilis magbago ang kalagayan dahil paiba-iba ang mga taong naninirahan doon, kaya hamon na panatilihing tama ang mga rekord. Pero sa dumaraming lugar, nagiging mahalagang bahagi ng ministeryo ang gawaing paghahanap. Si Jehova, na nag-atas sa atin na mangaral, ay hindi nagtatangi. (Gawa 10:34) Ang kaniyang “kalooban ay na ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Tim. 2:3, 4) Dahil dito, makipagtulungan nawa tayo kay Jehova at sa isa’t isa sa paghahanap sa mga tao ng lahat ng wika na may “mainam at mabuting puso.”—Luc. 8:15.

[Kahon sa pahina 5]

Magtulungan

Kung mangailangan ng tulong ang kongregasyon o grupo sa paghahanap sa mga nagsasalita ng kanilang wika na mapangangaralan nila, ang tagapangasiwa sa paglilingkod ay maaaring makipag-ugnayan sa mga elder ng mga kalapit na kongregasyong iba ang wika. Makabubuti kung makikipag-ugnayan lamang sa mga kongregasyon na hindi masyadong malayo o na maraming tao ang nagsasalita ng kanilang wika. Ipaaalam naman ng mga kongregasyong ito sa kanilang mga mamamahayag na kung may matagpuan silang nagsasalita ng wikang iyon, dapat nilang isulat ang adres at ibigay ito sa tagapangasiwa sa paglilingkod para maipasa sa kongregasyon o grupo na humihingi ng tulong. Ang mga tagapangasiwa sa paglilingkod ng mga kongregasyong sangkot dito ay gagawa ng kaayusang pabor sa kanilang lahat. Isasaayos nila kung paano makukubrehan ang mga teritoryo at aakayin ang mga interesado sa angkop na kongregasyon o grupo.

Kung ang mga mamamahayag ay may matagpuang tao na talagang interesado na nagsasalita ng ibang wika (o bingi), dapat nilang punan agad ang isang Please Follow Up (S-43) form at ibigay ito sa kalihim ng kongregasyon. Makatutulong ito na makatanggap agad ng tulong sa espirituwal ang taong iyon.—Tingnan ang km 5/11 p. 3.

[Kahon sa pahina 6]

Kung Paano Hahanapin ang mga Nagsasalita ng Iyong Wika

• Magtanong sa iba—mga inaaralan sa Bibliya, mga kapamilya nila, katrabaho, at iba pa.

• Gumamit ng direktoryo ng telepono para hanapin ang mga pangalang karaniwan sa wikang iyon. Puwede ring gumamit ng direktoryo mula sa Internet o mga kompanya ng telepono na nakaayos ang mga pangalan ayon sa adres.

• Maingat na magtanong sa mga lugar na nagbibigay ng serbisyo-publiko tulad ng mga aklatan, opisina ng gobyerno, at mga paaralan.

• Tingnan sa mga diyaryo ang mga anunsiyo tungkol sa mga pangmadlang programa na isinaayos ng mga komunidad na gumagamit ng banyagang wika.

• Puntahan ang mga tindahan at mga negosyo na tinatangkilik ng mga komunidad na gumagamit ng banyagang wika.

• Kung pahihintulutan ng pangasiwaan ng mga lugar ng negosyo, unibersidad, o transportasyon kung saan madalas pumunta ang mga taong nagsasalita ng ibang wika, magpuwesto ng mesang paglalagyan ng mga literatura.

• Kung pinahihintulutan ng batas sa inyong bansa, bumili ng commercial directory o program sa computer na puwedeng maghanap sa mga site ng Internet na maaaring i-access ng publiko.

[Kahon sa pahina 7]

Kung Ano ang Sasabihin sa Gawaing Paghahanap

Mawawala ang anumang paghihinala ng kausap mo kung magiging palakaibigan ka, taimtim, at hindi maligoy. Makatutulong din kung ipakikita mo muna ang mga publikasyon sa wika ng taong hinahanap mo.

Pagkatapos bumati, maaari mong sabihin: “Hinahanap po namin ang mga taong nagsasalita ng ․․․․․ para maibahagi namin sa kanila ang pag-asang binabanggit sa Bibliya. May kilala po ba kayo na puwede naming makausap?”

Kapag naghahanap ng mga bingi, maaari mong sabihin: “Kumusta. May gusto po akong ipakita sa inyo. [Gamit ang isang portable DVD player, i-play ang isang talata mula sa New World Translation—On DVD.] Ito ay isang bahagi ng Bibliya sa American Sign Language. Bukod sa Bibliya, may iba pa kaming mga video na dinisenyo para matugunan ang espirituwal na pangangailangan ng mga bingi. Wala itong bayad. May kilala po ba kayong bingi o mahina ang pandinig na gumagamit ng sign language?” Kung walang kilalang bingi ang may-bahay, makabubuting bumanggit ng ilang lugar kung saan maaaring may nakita siyang bingi, gaya sa trabaho, paaralan, o sa kanilang komunidad.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share