Samantalahin ang mga Pagkakataon Mo na Ihayag ang Kaharian!
1. Anong aral ang matututuhan natin kay David?
1 Hindi hinayaan ni Haring David na mahadlangan siya ng kaniyang mga kalagayan sa buhay. Bilang halimbawa, gusto niyang magtayo ng bahay para kay Jehova. Nang pigilan siyang gawin iyon, binago ni David ang kaniyang tunguhin at sa halip ay inihanda ang mga kakailanganin ni Solomon sa pagtatayo ng templo. (1 Hari 8:17-19; 1 Cro. 29:3-9) Imbes na isip-isipin ang hindi niya maaaring gawin, nagpokus si David sa magagawa niya. Paano natin matutularan si David habang naghahanap tayo ng mga paraan na maihayag ang mensahe ng Kaharian?
2. Anong pagsusuri sa sarili ang puwede nating gawin?
2 Gawin ang Magagawa Mo: Marami ang nagpasimple ng kanilang buhay para makapaglingkod bilang auxiliary o regular pioneer. (Mat. 6:22) Magagawa mo rin ba iyan? Suriin at ipanalangin ang iyong kalagayan, at baka makita mong “isang malaking pinto na umaakay sa gawain” ang bukás sa iyo. Kung gayon, samantalahin ang pagkakataong iyon!—1 Cor. 16:8, 9.
3. Anong mga pagkakataon para makapagpatotoo ang maaari nating samantalahin kahit hindi tayo makapagpayunir?
3 Pero paano kung hindi ipinahihintulot ng kalagayan mo na makapagpayunir ka? Maging alisto sa ibang pagkakataon na makapangaral. Halimbawa, kung nakakasalamuha mo sa trabaho ang mga di-kapananampalataya, bakit hindi samantalahin ang angkop na mga pagkakataon para magpatotoo sa kanila? Kung nagpapagamot ka, puwede mo bang samantalahin ang mga pagkakataong magpatotoo sa iyong health-care provider? Tandaan na para sa mga napakalimitado ang magagawa dahil sa edad o sa malubhang karamdaman, may paglalaan na mag-ulat ng 15, 30, o 45 minuto bilang oras sa paglilingkod sa larangan. Sa iyong report bawat buwan, tiyaking isama ang panahong ginugol mo sa di-pormal na pagpapatotoo at ang mga literaturang naipamahagi, pati na ang mga tract at mga imbitasyon sa Memoryal at sa kombensiyon. Magugulat ka kung gaano karaming oras na ang nagugol mo kapag pinagsama-sama ang mga ito.
4. Ano ang determinasyon mo?
4 Anuman ang ating kalagayan, samantalahin natin ang bawat pagkakataong ihayag ang mabuting balita. Sa gayon, masisiyahan tayo dahil ginagawa natin ang ating buong makakaya para sa Kaharian.—Mar. 14:8; Luc. 21:2-4.