Matuto Mula sa Mas Makaranasang mga Mamamahayag
Talagang pinahahalagahan natin ang makaranasang mga mamamahayag sa kongregasyon. Ang ilan ay matagal nang tapat na naglilingkod kay Jehova. Ang iba naman ay nito lang naging mahusay sa ministeryo. Nakita ng mga mamamahayag na ito kung paano pinangangasiwaan ni Jesus ang kongregasyong Kristiyano sa mga huling araw na ito sa pamamagitan ng pagpapalawak ng pangangaral at paggawa ng mga alagad. (Mat. 28:19, 20) Sa pakikibahagi rito, tumatanggap sila ng “lakas na higit sa karaniwan” kapag napapaharap sa personal na mga hamon at pagsubok. (2 Cor. 4:7) Maraming matututuhan mula sa makaranasang mga mamamahayag na ito. Kapag nabigyan ng pagkakataon, natutuwa silang ituro sa iba ang mga natutuhan nila. (Awit 71:18) Kaya dapat tayong humanap ng mga pagkakataong matuto mula sa kanila. Paano?
Sa Ministeryo. Para maging epektibo sa ministeryo, ang mga baguhang mamamahayag ay nangangailangan ng pagsasanay. Napakarami nating matututuhan kung oobserbahan natin ang mga may-gulang na mamamahayag sa kanilang pagmiministeryo. (Tingnan sa Bantayan, Pebrero 15, 2015, ang artikulong “Panatilihin ang Iyong Sigasig sa Ministeryo,” sa ikatlong parapo ng subtitulong “Tulungan ang mga Baguhan.”) Paano ka nakinabang sa paggawang kasama ng mga may-gulang na mamamahayag na ito sa ministeryo?
Puwede mo bang anyayahan ang isang mahusay na mamamahayag na samahan ka sa ministeryo? Kung mahina na ang katawan niya, baka puwedeng sa kaniyang bahay mo idaos paminsan-minsan ang isa sa mga Bible study mo. Pagkatapos ng pag-aaral, tanungin mo ang mamamahayag sa mga naobserbahan niya at humingi ka ng payo.
Maglaan ng Panahon Kasama Nila: Kilalanin ang makaranasang mga mamamahayag sa pamamagitan ng paglalaan ng panahon kasama nila. Yayain ang isa sa kanila sa inyong pampamilyang pagsamba at interbyuhin siya. Kung mahina na ang katawan niya, baka puwedeng sa kanilang bahay na lang ninyo gawin ang pampamilyang pagsamba. Tanungin kung paano niya nalaman ang katotohanan. Anong mga pagpapala ang natanggap niya? Anong mga pagsulong ang nasaksihan niya sa inyong lugar? Anong kagalakan ang nasumpungan niya sa paglilingkod kay Jehova?
Maging maunawain at balanse sa mga inaasahan mo. Tulad natin, ang matagal nang mga mamamahayag ay may iba’t ibang kaloob sa ministeryo. (Roma 12:6-8) Ang ilan ay may-edad na at baka limitado na ang kanilang panahon para masamahan tayo. Pero marami tayong matututuhan sa kanilang karanasan sa tapat na paglilingkod kay Jehova.