-
RomaTulong sa Pag-aaral ng mga Saksi ni Jehova—2019 Edisyon
-
Mga Study Note sa Roma—Kabanata 13Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
tao: O “taong buháy.” Dito, ang salitang Griego na psy·kheʹ ay tumutukoy sa mismong tao.—Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
nakatataas na mga awtoridad: Tumutukoy sa sekular na mga awtoridad. Ang salitang ginamit para sa “mga awtoridad” ay ang anyong pangmaramihan ng salitang Griego na e·xou·siʹa. Posibleng alam ng mga mambabasa ng Griegong Septuagint na ang salitang ito ay iniuugnay sa pamamahala. (Tingnan ang Dan 7:6, 14, 27; 11:5, kung saan ipinanumbas ang e·xou·siʹa sa mga Hebreo at Aramaikong termino na nangangahulugang “karapatang mamahala; pamamahala; kapangyarihang mamahala.”) Sa Luc 12:11, ginamit ito sa ekspresyong “mga opisyal ng gobyerno, at mga awtoridad.” Ang terminong Griego na isinaling “nakatataas” ay kaugnay ng salitang ginamit sa 1Ti 2:2 sa ekspresyong “sa mga hari at sa lahat ng may mataas na posisyon [o “may awtoridad,” tlb.].” Sa ilang konteksto, tumutukoy ito sa pagkakaroon ng kontrol, kapangyarihan, o awtoridad sa iba, pero hindi ito nangangahulugan ng pagiging “pinakamataas.” Makikita iyan sa pagkakagamit ng terminong ito sa Fil 2:3, kung saan pinayuhan ang mga Kristiyano na ituring ang iba na “nakatataas” sa kanila, pero hindi pinakamataas.
ang Diyos ang naglagay sa mga ito sa kani-kanilang posisyon: O “ang Diyos ang naglagay sa mga ito sa relatibo nilang posisyon.” Ibig sabihin, pinahintulutan sila ng Diyos na mamahala. Sa iba’t ibang diksyunaryo, ang salitang Griego na tasʹso na ginamit dito ay nangangahulugang “gumawa ng kaayusan; ilagay sa lugar; isaayos ayon sa pagkakasunod-sunod; mag-atas.” Sa ibang konteksto, ang salitang Griegong ito ay isinaling “nagsaayos.” (Gaw 28:23) Sa Luc 7:8, ito rin ang salitang Griego na ginamit ni Lucas nang iulat niya ang sinabi ng opisyal ng hukbo: “Ako rin ay nasa [isang anyo ng tasʹso] ilalim ng awtoridad ng iba [isang anyo ng e·xou·siʹa, ang salitang ginamit para sa “awtoridad; mga awtoridad” sa Ro 13:1-3], at may hawak din akong mga sundalo.” May nakatataas na opisyal sa kaniya, at may mga sundalo rin sa ilalim ng awtoridad niya; kaya ang “awtoridad” niya ay masasabing relatibo. Ipinapakita nito na ang salitang Griego na tasʹso ay hindi lang laging tumutukoy sa paglalagay sa puwesto. Puwede rin itong tumukoy sa paglalatag ng kaayusan kung saan mahalaga ang pagkakasunod-sunod ng mga bagay. Sa maraming salin ng Ro 13:1, ginamit ang mga ekspresyong gaya ng “itinalaga ng Diyos” o “inatasan ng Diyos,” na para bang ang Diyos mismo ang nag-atas sa sekular na mga tagapamahala. Pero batay sa kahulugan ng salitang Griego, sa konteksto, at sa sinasabi ng ibang bahagi ng Bibliya (Kaw 21:1; Ec 5:8; Dan 4:32; Ju 19:11), ginamit ng Bagong Sanlibutang Salin ang ekspresyong “ang Diyos ang naglagay sa mga ito sa relatibo nilang posisyon.” Ibig sabihin, pinapahintulutan ng Diyos ang gobyerno ng tao na magkaroon ng ‘relatibong’ awtoridad—ang isang tagapamahala ay mas mataas o mas mababa kaysa sa iba, pero ang lahat ay mas mababa kaysa sa Diyos, ang Kataas-taasang Tagapamahala ng uniberso.
-