Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 8/22 p. 20-22
  • Paano Kaya Ako Kikita ng Salapi?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paano Kaya Ako Kikita ng Salapi?
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagsisimula
  • Pagpiprisinta sa Trabaho
  • Sariling Hanapbuhay
  • Manatiling Timbang!
  • Paano Ako Kikita ng Pera?
    Ang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2
  • Dapat ba Akong Magtrabaho Pagkatapos ng Klase?
    Gumising!—1990
  • Ano ang Masama sa Pagkita ng Salapi?
    Gumising!—1997
  • Papaano Ako Makapapasok (at Makapananatili!) sa Trabaho?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 8/22 p. 20-22

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Paano Kaya Ako Kikita ng Salapi?

“Gusto ko ng isang trabahong may malaking kita.”​—Tanya.

MARAMING kabataan ang may saloobing gaya ng kay Tanya. “Gusto kong magkapera para makabili ng kotse at makabili ng mga damit,” sabi ng isang kabataang nagngangalang Sergio. “Ayokong umasa sa aking mga magulang para sa lahat ng bagay.” Ganiyan din ang dahilan ng kabataang si Laurie-Ann sa pagtatrabaho. “Babae ako, at gusto kong mamili,” sabi niya.

Hindi nakapagtataka, kung gayon, na ayon sa magasing U.S.News & World Report, “3 sa 4 na junior at senior sa haiskul [sa Estados Unidos] ang nagtatrabaho ngayon pagkatapos ng klase at sa mga dulo ng sanlinggo.” Sa isang antas, masasalamin dito ang di-timbang na “pag-ibig sa salapi” na palasak sa materyalistikong daigdig sa ngayon. (1 Timoteo 6:10) Gayunman, hindi lahat ng mga kabataang naghahanap ng mapagkakakitaan ay napadaraig sa materyalismo.

Ang “salapi ay pananggalang,” sabi ng Bibliya. (Eclesiastes 7:12) At maaaring may ilang dahilan kung bakit bilang isang kabataang Kristiyano, nagnanais kang kumita ng salapi.a Halimbawa, ang kabataang si Avian ay nagpaliwanag kung bakit siya nagtatrabaho nang dalawang araw sa isang linggo: “Dahil dito ay natutustusan ko ang aking sarili bilang isang regular pioneer [buong-panahong ebanghelisador].”

Maaaring katulad din nito ang mga dahilan kung bakit nais mong magkaroon ng trabahong part-time. Marahil ay may tunguhin ka na makadalo sa isang kombensiyong Kristiyano. O baka kailangan mo ng ilang damit na angkop na maisusuot sa mga pulong sa kongregasyon. Anuman ang kalagayan, ang mga bagay na ito ay nangangailangan ng salapi. Totoo, nangako si Jesus na maglalaan ang Diyos para sa mga ‘humahanap muna sa Kaharian ng Diyos.’ (Mateo 6:33) Ngunit hindi nito hinahadlangan ang pagkukusa mo sa bagay na ito. (Ihambing ang Gawa 18:1-3.) Ano, kung gayon, ang ilang praktikal na hakbang na maaari mong gawin kung kailangan mong kumita ng salapi?

Pagsisimula

Ipagpalagay na pumayag ang iyong mga magulang na magtrabaho ka, ang unang maaari mong gawin ay ang lumapit sa mga kapitbahay, guro, at mga kamag-anak at ipaalam sa kanila na naghahanap ka ng trabaho. Kung nahihiya kang magpatulong sa kanila nang tuwiran, maaaring itanong mo na lamang sa kanila kung ano ang ginawa nila para makapagtrabaho noong sila’y tin-edyer pa. Baka mabigyan ka nila ng nakatutulong na mga ideya. Habang mas maraming tao ang nakaaalam na naghahanap ka ng trabaho, mas maraming pahiwatig at referral ang malamang na makuha mo.

Sumunod, subukin mo ang mga anunsiyo sa pahayagan at mga paskilan ng impormasyon sa mga tindahan, sa inyong paaralan, at sa iba pang pampublikong lugar. “Sa pamamagitan niyan ay nakakuha ako ng trabaho,” sabi ng isang kabataang nagngangalang Dave. “Tumingin ako sa pahayagan, ipinadala sa kanila ang aking résumé sa pamamagitan ng fax, at tinawagan ko sila.” Ngunit alam mo ba na napakaraming trabaho ang hindi iniaanunsiyo? Ayon sa magasing Seventeen, tinatantiya ng ilan na “sindami ng tatlo sa sampung trabaho ang hindi umiiral hanggang sa dumating na lamang ang angkop na tao.” Marahil, maaari mong kumbinsihin ang isang maypatrabaho na kailangan niyang humanap ng trabaho para sa iyo!

Pero paano? ‘Wala akong karanasan,’ baka isipin mo. Buweno, mag-isip kang muli. Nakapag-alaga ka na ba ng iyong nakababatang kapatid nang malayo ang mga magulang mo o nag-alaga ka ng bata para sa iba? Ipinakikita nito na responsable ka. Natulungan mo na ba ang iyong itay sa pagkukumpuni ng kotse? Nagpapakita ito na may hilig ka sa mga makina. Marunong ka bang magmakinilya o gumamit ng computer? O nakakuha ka na ba ng mataas na marka sa isang makabagong proyekto? Ito ay magagandang punto para makakuha ka ng trabaho.

Huwag kaligtaan ang iyong mga libangan at hilig. Halimbawa, kung marunong kang tumugtog ng isang instrumento sa musika, tingnan mo kung may isang bakanteng puwesto sa isang tindahang pangmusika. Kitang-kitang interesado ka sa mga produkto ng tindahan at tiyak na may sapat na kakayahan para sagutin ang mga tanong ng isang parokyano.

Pagpiprisinta sa Trabaho

Ipagpalagay na nakakuha ka ng appointment na mainterbiyu para sa isang trabaho. Pagtuunan mo ng pansin ang iyong pananamit at pag-aayos, sapagkat ang iyong hitsura ay naghahatid ng mensahe. Maaari nitong sabihin na ikaw ay “responsable, malinis, maayos”​—o ang kabaligtaran nito. Praktikal ang Bibliya nang payuhan nito ang mga babaing Kristiyano na ‘gayakan ang kanilang sarili ng damit na mabuti ang pagkakaayos, na may kahinhinan at katinuan ng pag-iisip.’ (1 Timoteo 2:9) Kumakapit din ito sa mga lalaki. Huwag magsuot ng damit na masyadong sunod sa uso o burara kapag pupunta sa isang interbiyu sa trabaho, anumang uri ng trabaho ang nasasangkot.

Malaki rin ang masasabi tungkol sa iyo ng iyong saloobin at paggawi. Sundin ang Ginintuang Tuntunin: Pakitunguhan mo ang iba gaya ng ibig mong maging pakikitungo sa iyo. (Mateo 7:12) Dumating ka nang nasa oras sa iyong appointment. Maging masigla at alisto. Gumawi nang wasto. Nang walang paghahambog o pagmamalabis, ipaliwanag kung bakit inaakala mo na ikaw ay kuwalipikado para sa puwesto. Maging espesipiko.

Inirerekomenda ng ilang eksperto na magdala ka (o patiunang magpadala) ng isang malinis at maayos na résumé. Dapat na kalakip dito ang iyong pangalan, direksiyon, numero ng telepono, layunin sa pagtatrabaho, edukasyon (pati na ang anumang pantanging mga kurso na maaaring natapos mo), karanasan sa dating trabaho (kasali kapuwa ang bayarang trabaho at boluntaryong trabaho), pantanging mga kakayahan, personal na mga hilig at libangan (maaaring ipahiwatig nito ang iyong mga kakayahan), at isang maikling impormasyon na may makukuhang mga reperensiya kung hihingin. Maaari ka ring maghanda ng isang hiwalay na piraso ng papel na doo’y nakatala ang mga pangalan, direksiyon, at numero ng telepono ng ilang indibiduwal na maaaring magrekomenda sa iyo sa trabaho. Sabihin pa, tiyakin na patiunang hiningi mo ang kanilang pahintulot. Maaaring kalakip dito ang mga dating pinagtatrabahuhan, isang guro, isang tagapayo sa paaralan, isang nakatatandang kaibigan​—sinuman na makapagpapatunay sa iyong mga kasanayan, kakayahan, o pagkatao.

Sariling Hanapbuhay

Paano kung sa kabila ng iyong pinakamabuting pagsisikap ay hindi ka pa rin makasumpong ng trabaho? Pangkaraniwan ito sa maraming lupain. Ngunit huwag kang mawalan ng pag-asa. Maaaring ang pagsisimula ng sarili mong negosyo ang siyang sagot dito. Ang mga bentaha? Maaari kang makagawa ng sarili mong iskedyul at makapagtrabaho nang ayon sa ibig mo. Mangyari pa, ang pagkakaroon ng sariling hanapbuhay ay nangangailangan ng pangganyak-sa-sarili, disiplina, at pagkukusa.

Ngunit ano bang uri ng negosyo ang maaari mong simulan? Pag-isipan ang tungkol sa inyong lugar. Kailangan ba ng mga kalakal o serbisyo na walang ibang naglalaan? Halimbawa, ipagpalagay na mahilig ka sa mga hayop. Maaari kang mag-alok ng pagpapaligo o paggupit sa balahibo ng alagang hayop ng iyong mga kapitbahay kapalit ang isang halaga. O baka tumutugtog ka ng isang instrumento sa musika. Maaari kayang maturuan mo ang iba na tumugtog? O baka puwede mong gawin ang trabaho na kadalasang inaayawan ng iba, gaya ng paglilinis ng mga bintana o paglilinis. Ang isang Kristiyano ay hindi nahihiyang gumawa sa pamamagitan ng kaniyang mga kamay. (Efeso 4:28) Baka matuto ka pa nga ng isang bagong kasanayan. Tingnan mo ang mga aklatan kung mayroong mga aklat tungkol sa paggawa ng mga bagay-bagay, o magpaturo ka sa isang kaibigan. Halimbawa, ang kabataang si Joshua ay kumuha ng kurso sa kaligrapiya. Pagkatapos ay nagsimula siya ng isang maliit na negosyo sa pagdidisenyo ng mga imbitasyon sa kasal at mga parti.​—Tingnan ang kahon na “Mga Trabaho na Maaari Mong Likhain.”

Paalaala: Huwag kang magmadaling pumasok sa isang negosyo nang hindi muna pinag-aaralan ang lahat ng magagastos at salik na nasasangkot. (Lucas 14:28-30) Una, ipakipag-usap mo iyon sa iyong mga magulang. Gayundin, kausapin mo ang iba na nagpapatakbo ng katulad na negosyo. Kakailanganin mo bang magbayad ng buwis? Kakailanganin mo bang kumuha ng lisensiya o permiso? Makipag-alam sa lokal na mga awtoridad para sa detalye.​—Roma 13:1-7.

Manatiling Timbang!

Sabihin pa, nariyan ang panganib na tumanggap ka ng trabaho nang higit sa makakaya mo. Ganito ang sabi ni Laurie-Ann tungkol sa ilang kabataang may trabaho: “Hindi na sila gaanong gumagawa ng mga araling-bahay, at pagod na pagod sila para makinig pa sa klase.” Totoo, sa ilang lugar sa daigdig, walang pagpipilian ang mga kabataan kundi ang magtrabaho nang maraming oras upang matulungang makaraos ang kanilang pamilya. Ngunit kung hindi naman ganiyan ang iyong kalagayan, bakit ka magpapakalabis hinggil dito? Ayon sa karamihan ng mga eksperto, ang pagtatrabaho nang higit sa 20 oras bawat linggo samantalang pumapasok sa paaralan ay sobra na at hindi mabuti. Iminumungkahi ng ilan ang paggugol ng hindi lalampas sa walo hanggang sampung oras bawat linggo sa pagtatrabaho.

Kung gugugol ka ng malaking panahon, lakas, at kaliksihan sa isang trabaho pagkatapos ng klase, magsisimulang manghina ang iyong kalusugan, mga marka, at lalo na ang iyong espirituwalidad. Oo, hindi lamang mga nasa hustong gulang ang nasasakal ng “mapanlinlang na kapangyarihan ng kayamanan at ang mga pagnanasa sa iba pang mga bagay.” (Marcos 4:19) Kaya manatili kang timbang. Nagbabala si Solomon laban sa sobrang pagtatrabaho, anupat nagsabi: “Mas mabuti ang sandakot na kapahingahan kaysa dobleng dakot ng pagpapagal at paghahabol sa hangin.”​—Eclesiastes 4:6.

Oo, maaaring kailangan ang pagkita ng salapi. At kung mabuti at makadiyos ang iyong motibo sa paggawa nito, tulad ng kay Avian na nabanggit sa una, makatitiyak ka na pagpapalain ni Jehova ang iyong pagsisikap. Subalit tiyakin na hindi ka natatali nang labis sa iyong trabaho anupat nakaliligtaan mo “ang mga bagay na higit na mahalaga,” samakatuwid nga, ang espirituwal na mga kapakanan. (Filipos 1:10) Bagaman ang salapi ay maaaring maging “pananggalang,” ang kaugnayan mo sa Diyos ang siyang magpapangyari na ikaw ay maging tunay na matagumpay.​—Eclesiastes 7:12; Awit 91:14.

[Talababa]

a Ang mga artikulo na “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . ” na lumabas sa Nobyembre 22, 1990; Disyembre 8, 1990; at Setyembre 22, 1997, na mga isyu ng Gumising! ay tumalakay sa mga bentaha at disbentaha ng mga trabaho pagkatapos ng klase.

[Kahon sa pahina 22]

Mga Trabaho na Maaari Mong Likhain

• Paglilinis ng mga bintana

• Pagbebenta o paghahatid ng pahayagan

• Pagpapala ng niyebe

• Paghahalaman o pag-aalaga ng damuhan

• Pag-aalaga ng bata

• Pagpapakain, pagpapalakad, o pagpapaligo ng mga alagang hayop

• Paglilinis ng mga sapatos

• Pagsusulsi o pamamalantsa ng mga damit

• Pagtatanim at pagbebenta ng ani

• Pagmamanukan o pagbebenta ng itlog

• Pagmamakinilya o paggamit ng computer

• Paggawa ng mga bagay para sa iba

• Paghahatid

• Pagtuturo ng musika o iba pang asignatura

[Larawan sa pahina 21]

Maaaring bumaba ang mga marka mo dahil sa labis na pagtatrabaho

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share