Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Bakit Masyado Akong Nababahala sa Aking Timbang?
“Hindi ko masupil ang pagtatalo sa aking isipan. Gustong kumain ng isang bahagi ng aking katawan, ngunit ang ibang bahagi naman ay ayaw kumain dahil baka tumaba ako nang husto.”—Jaimee.
ANO ang pinangangambahan mo nang higit sa anupaman? Maraming batang babae ang walang pag-aatubiling sasagot: ang pagtaba. Sa katunayan, isiniwalat ng isang surbey na higit na pinangangambahan ng mga kabataang babae sa ngayon ang pagtaba kaysa sa digmaang nuklear, kanser, o kahit ang pagkamatay ng kanilang mga magulang!
Kung minsan ay nagsisimula ang pagkabahala sa timbang ng isa sa napakaagang edad. Kahit bago pa man sila magtin-edyer, sabi ni Dr. Catherine Steiner-Adair, maraming batang babae ang nag-uumpukan ukol sa “usapan sa pagtaba”—kuwentuhan na doo’y isinisiwalat nila ang kinaiinisan ng isa’t isa sa kanilang katawan. Maliwanag, hindi lamang ito basta kuwentuhan. Sa isang surbey sa 2,379 na batang babae, 40 porsiyento ang aktuwal na nagsisikap na magpapayat. At yaong mga sinurbey ay siyam at sampung taóng gulang lamang!
Di-magtatagal, marami sa mga kabataang ito ang masisilo ng kausuhan sa pagdidiyeta. Ang mas masama, ang ilan ay baka matulad sa 20-anyos na si Jenna. Sa taas na limang talampakan at apat na pulgada, ang kabataang babaing ito ay tumitimbang lamang ng 90 libra! “Basta ayaw kong kumain,” ang pahayag ni Jenna. “Ang higit na ikinababahala ko ay na pagkatapos kong gumugol ng tatlong taon sa pagsisikap na pumayat, nang dahil sa pagkain ay tataba akong muli sa loob ng isang buwan.”
Marahil ay maiintindihan mo ang nadarama ni Jenna. Baka ikaw rin ay nagnanais pumayat upang maging kaakit-akit. Sabihin pa, hindi naman masama na mabahala ka sa iyong hitsura. Subalit kay Jenna, halos ikamatay niya ang paghahangad na maging payat. Paano?
Halos Mamatay Na sa Gutom
Si Jenna ay nakikipagpunyagi sa isang mapanganib na sakit na nauugnay sa pagkain na tinatawag na anorexia nervosa. Gayundin si Jaimee, na binanggit sa pambungad. Sa loob ng isang panahon, literal na ginugutom ng mga babaing ito ang kanilang sarili anupat halos ikamatay ito, at hindi lamang sila ang ganito. Tinataya na 1 sa bawat 100 batang babae ang may sakit na anorexia. Nangangahulugan iyan na milyun-milyong kabataang babae ang apektado—marahil maging ang isa na kakilala mo!a
Maaaring magkasakit ng anorexia nang hindi namamalayan. Maaaring magsimula ang isang batang babae sa isang waring di-nakapipinsalang pagdidiyeta, marahil upang magpapayat lamang nang kaunti. Subalit kapag naabot na niya ang kaniyang tunguhin, hindi siya kontento. “Mataba pa rin ako!” ang bulalas niya habang di-nasisiyahang tumitingin sa salamin. Kaya ipapasiya niyang magpapayat pa nang kaunti. Pagkatapos ay nang kaunti pa. At kaunti pa. Nasimulan na ang kagawian, at ang mga binhi ng anorexia ay naihasik na.
Sabihin pa, hindi lahat ng nagdidiyeta ay anorexic. Ang ilan ay makatuwiran namang mabahala sa kanilang timbang, at para sa kanila, ang pagbabawas ng ilang libra ay maaaring kapaki-pakinabang. Subalit maraming batang babae ang may pilipit na pangmalas sa kanilang katawan. Inihahambing ng FDA Consumer ang pagkakaroon ng pilipit na pangmalas sa katawan sa pagtingin sa isang salamin sa fun house. “Mas mataba ang tingin mo sa talagang hitsura mo,” ang sabi ng magasin.
Kaya naman, takot na takot ang anorexic na tumaba—bagaman payat na payat na siya. Baka palagi siyang mag-eehersisyo upang hindi siya tumaba at paulit-ulit na nagtitimbang sa isang araw upang matiyak na hindi siya “umuurong.” Kapag kumakain siya, patikim-tikim lamang siya. O lubusan nang hindi siya kakain. “Araw-araw ay pumapasok ako sa paaralan na dala ang tanghalian na inihanda ng aking ina para sa akin, at halos araw-araw rin ay itinatapon ko ito,” ang sabi ni Heather. “Di-nagtagal ay nasanay na akong hindi kumain anupat kahit gusto ko nang kumain, hindi ko na magawa. Hindi na ako nagugutom.”
Sa simula, natutuwa ang mga anorexic na gaya ni Heather na makitang pumapayat sila. Subalit sa dakong huli ay makapipinsala na ang kawalan ng tamang nutrisyon. Ang anorexic ay nagiging mahiluhin at antukin. Nagsisimulang maapektuhan ang kaniyang gawain sa paaralan. Maaaring huminto ang kaniyang pagreregla.b Sa kalaunan, ang tibok ng kaniyang puso at presyon ng dugo ay maaaring bumaba nang husto. Gayunman, hindi alintana ng anorexic ang anumang panganib. Sa katunayan, ang tanging panganib na nauunawaan niya ay ang muling pagbigat ng kaniyang nabawasang timbang—kahit na isang libra lamang nito.
Subalit hindi lamang ang anorexia ang sakit na nauugnay sa pagkain, ni ito man ang pinakalaganap. Ang bulimia nervosa ay isang salot na nakaaapekto hanggang sa tatlong beses ng dami ng mga batang babaing may anorexia. Pagkatapos ay nariyan pa ang compulsive overeating, na may malapit na kaugnayan sa bulimia. Suriin pa nating mabuti ang mga sakit na ito.
Ang Lihim na Salot
“Ipinagtapat kamakailan ng aking kaibigan na palihim siyang kumukuha ng pagkain at patago itong kinakain. Pagkatapos ay sinasadya niyang isuka ito. Sinasabi niya na dalawang taon na niyang ginagawa ito.” Sa mga salitang ito, inilalarawan ng isang kabataang sumulat sa isang magasing may tudling ukol sa pagpapayo ang mga sintomas na nakakahawig ng sakit na nauugnay sa pagkain na kilala bilang bulimia.
Ang bulimic ay labis na kakain, o uubos ng maraming pagkain sa loob ng maikling panahon. Pagkatapos ay ilalabas niya sa kaniyang katawan ang pagkaing kaniyang kinain, malimit na sa pamamagitan ng sinasadyang pagsuka.c Totoo, ang ideya ng paglalabas sa laman ng sikmura sa ganitong paraan ay maaaring waring nakapandidiri. Gayunman, sumulat ang social worker na si Nancy J. Kolodny: “Habang dumadalas ang iyong labis na pagkain at pagpupurga, lalo itong nagiging madali sa iyo. Ang dati-rating pagkarimarim o pagkatakot pa nga ay madaling nahahalinhan ng di-mapigil na hangaring ulitin ang ganitong mga gawi ng isang bulimic.”
Ang anorexia at bulimia ay tinatawag na “kara at krus ng iisang sensilyo.” Bagaman may magkaibang sintomas ang mga ito, ang mga sakit na ito ay kapuwa pinalulubha ng labis na pagkabahala sa pagkain.d Subalit di-tulad ng anorexia, mas madaling ilihim ang bulimia. Tutal, ang labis na pagkain ay hindi nakababawas sa timbang ng maysakit, at hindi siya tumataba dahil sa pagpupurga. Kaya naman, ang bulimic ay malamang na hindi mataba ni payat, at waring normal naman ang kaniyang kaugalian sa pagkain kapag nasa publiko. “Sa loob ng siyam na taon,” sabi ng isang babaing nagngangalang Lindsey, “kumakain ako nang labis at sumusuka nang hanggang apat at limang beses sa isang araw. . . . Walang sinuman ang nakaaalam na ako’y may bulimia, dahil inilihim ko ito sa likod ng balatkayo ng kahusayan, kaligayahan, at katamtamang timbang ng katawan.”
Subalit naiiba naman ito sa isang tao na may-sakit na compulsive overeating. Tulad ng bulimic, ang taong ito ay minsanang kakain ng maraming pagkain. Ganito ang sabi ng The New Teenage Body Book: “Yamang ang nakagawiang labis na pagkaing ito ay ginagawa nang hindi nagpupurga, ang timbang ng isang compulsive overeater ay nasa pagitan ng kaunti hanggang sa malaking kalabisan ng timbang o katabaan.”
Mga Panganib sa Kalusugan
Ang lahat sa tatlong sakit na nauugnay sa pagkain ay maaaring seryosong magsapanganib sa kalusugan ng isa. Ang anorexia ay maaaring magdulot ng malubhang malnutrisyon, at sa maraming kaso—tinataya ng ilan na hanggang sa 15 porsiyento—ito’y maaaring makamatay. Ang labis na pagkain, ito man ay sinusundan ng pagpupurga o hindi, ay nakasasama sa kalusugan. Sa kalaunan, ang katabaan ay maaaring humantong sa nakamamatay na sakit sa puso at ugat, sa diyabetis, at maging sa ilang anyo ng kanser. Maaaring masira ng sinasadyang pagsusuka ang lalamunan, at ang labis na paggamit ng mga pampadumi at pampaihi, sa pinakagrabeng kalagayan, ay maaaring humantong sa atake sa puso.
Gayunman, mayroon pang isang aspekto ang sakit na nauugnay sa pagkain na kailangang isaalang-alang. Yaong mga may anorexia, bulimia, at compulsive overeating ay karaniwan nang hindi maligaya. May tendensiya silang magkaroon ng kaunting paggalang-sa-sarili at madaling mabalisa at manlumo. Maliwanag, nangangailangan sila ng tulong. Subalit paano matutulungang makaalpas mula sa labis na pagkabahala sa timbang ang mga may sakit na nauugnay sa pagkain? Ang tanong na ito ay sasagutin sa isang artikulo sa hinaharap hinggil sa seryeng ito.
[Mga talababa]
a Nagkakasakit din ng anorexia ang mga lalaki. Gayunman, yamang ang lubhang nakararami sa mga may sakit na anorexia ay mga batang babae, tutukuyin natin ang mga maysakit sa kasariang pambabae.
b Sa paraang pangklinika, ang isang babae ay naririkonisi bilang anorexic kapag ang kaniyang timbang ay mas mababa ng di-kukulangin sa 15 porsiyento kaysa sa normal at siya ay hindi pa nagregla sa loob ng tatlo o higit pang buwan.
c Kasali sa iba pang paraan ng pagpurga ang paggamit ng mga pampadumi o mga pampaihi.
d Ang gawi sa pagkain ng ilang maysakit ay papalit-palit sa pagiging anorexic at bulimic.
[Kahon sa pahina 14]
Isang Pilipit na Pangmalas sa Katawan
Karamihan sa mga batang babae na nababahala sa kanilang timbang ay walang dahilan upang mabahala. Sa isang pag-aaral, 58 porsiyento ng mga batang babae sa pagitan ng 5 at 17 anyos ay naniniwalang sobra ang kanilang timbang, samantalang, ang totoo, 17 porsiyento lamang ang talagang sobra sa timbang. Sa isa pang pag-aaral, 45 porsiyento ng mga babae na talagang kulang sa timbang ang nag-iisip na sila’y totoong mabibigat! Natuklasan ng isang surbey sa Canada na 70 porsiyento ng mga babae sa bansang iyon ay abalang-abala sa kanilang timbang, at 40 porsiyento ang pabagu-bago sa pagdidiyeta—isang nakagawiang pagpapapayat at pagkatapos ay pagpapataba.
Maliwanag, ang isang pilipit na pangmalas sa katawan ay maaaring maging dahilan upang ang ilang batang babae ay labis na mabahala sa isang bagay na hindi naman talaga problema. “Ako’y may kaibigan na umiinom ng malalaking dosis ng pildoras na pandiyeta at may kilala akong ilang batang babae na may anorexia,” sabi ng 16-anyos na si Kristin. Idinagdag pa niya: “Ang totoo, walang mataba sa kanila.”
May mabuting dahilan ang magasing FDA Consumer na magrekomenda: “Sa halip na magdiyeta dahil ginagawa ito ng ‘lahat’ o dahil hindi ka kasimpayat ng gusto mo, alamin muna sa isang doktor o nutrisyonist kung sobra ang iyong timbang o taba sa katawan kung ibabatay sa iyong edad at taas.”
[Larawan sa pahina 15]
Marami sa mga nababahala sa kanilang timbang ay walang dahilan upang mabahala