Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Dapat ba Akong Maglaro ng mga Laro sa Computer o Video?
Napalilibutan ka nila! Subalit hindi ibig sabihin na wala kang kalaban-laban. Tinira mo sila ng mga kanyong laser, walang-awa mong pinagtatagpas ang iyong mga kaaway na gaya ng mga trigo. Ang problema ay, habang binabaril mo, mas dumaraming kaaway ang lumilitaw. Kaya iisa lamang ang mapagpipilian mo kung gusto mong makaligtas—patayin ang lahat ng iyong makita. Habang bumabaril ka, ang mga kaaway ay naglalaho sa pagbulwak ng dugo . . .
“KATUWAAN na para bang nakalalansag ng gulugod, nagwawakwak ng laman, nakapagpapasabog ng ulo”! Ganiyan ang tuwang-tuwang paglalarawan ng isang manunulat sa magasin tungkol sa pinakabagong bersiyon ng popular na laro sa computer. Ang totoo, isa lamang ito sa makabagong mga laro sa computer at video na nagpapahintulot sa mga naglalaro na isagawa ang kanilang nakakakilig sa tuwa na mga imahinasyon. Ang nakaraang mga labas ay waring di-gaanong marahas kung ihahambing sa madugo, kalimitang marahas na may pagkasadistang mga larong ito.
Gayunman, ang mararahas na laro sa video at computer ay talagang napakapopular sa mga kabataan. At sa tinatayang sangkatlo ng lahat ng sambahayan sa Estados Unidos na may gayong uri ng elektronikong sistema ng laro, milyun-milyong kabataan ang nakagagamit ng mga ito. Para naman sa mga kabataan na walang ganitong mga kagamitan sa bahay, maglalakad lamang sila patungo sa bahay ng isang kaibigan o sa isang video arcade upang maglaro ng mga ito.
Kumusta ka naman? Ikaw ba’y natukso nang bumili—o sa paano man ay sumubok mismo—ng ilan sa bagong mga larong ito? Buweno, pagkatapos na masuri ang bagay-bagay, maaaring magdalawang isip ka sa paggawa ng gayon.
Hindi Magkakatulad ang Lahat ng Laro!
Una, liwanagin natin na hindi lahat ng laro sa video o computer ay masama o marahas. Maraming laro ang nakapagtuturo; ang mga ito’y nagtuturo ng gaya ng mga paksang heograpya, matematika, at pagta-type sa paraang nakatutuwa at nakalilibang. Ang ibang laro ay sumusubok sa mga kaliksihan sa pamamagitan ng nakapagpapasiglang laro gaya ng basketball at hockey. Mayroon ding high-tech na palaisipan na umiintriga at humahamon sa isipan.
Sabihin pa, maging ang pinakamahuhusay na laro ay gumugugol ng napakaraming oras. At hinihimok ng Bibliya ang mga Kristiyano na ‘bilhin ang panahon,’ iyon ay, may katalinuhang gamitin sa espirituwal na mga hangarin. (Efeso 5:16) Gayunman, hindi naman hinihiling ng Bibliya na ang bawat sandali’y gugulin sa pagtatrabaho o pag-aaral. Sa kabaligtaran, pinaaalalahanan tayo na may “panahon para sa pagtawa . . . at panahon para maglulukso.” (Eclesiastes 3:4) Kung gagawin sa katamtaman, ang paglalaro ay nakarerepresko at kapaki-pakinabang.
Subalit, dapat nating malaman na marami sa larong ito ay waring nilayon upang sayangin ng mga naglalaro ang napakalaking panahon. Ilan sa mga ito, mga oras ang ginugol upang maging bihasa sa laro sa isang mahirap na antas, bago matuklasan ng naglalaro na ilan pang antas—na talagang mas mahirap at mas masalimuot—ang kailangang gawin bago matapos! May mga laro rin na waring walang gaanong naibibigay na pakinabang pagkatapos ng malaking paghihirap. Sina Dan at Sam, dalawang Kristiyanong magkapatid sa laman, ang sabik na sabik na naglaro ng isang uri ng laro na tumiyak na makatutulong sa kanila na malutas ang mga problema sa matematika. Gayunman, di-nagtagal ay natanto nila na mas madali para sa kanila na gawin ang matematika sa papel kaysa sa iskrin!
Kaya, maging ang mga laro sa computer at video ay makatuwirang kapaki-pakinabang naman, kailangan ang pagiging mapamili. Ganito ang sabi nina Dan at Sam: “Kung maingat ka sa pagpili, karaniwang makasusumpong ka ng mabuting laro.” Kaya, makatuwiran lamang na iwasang gumugol ng napakalaking salapi sa mga laro na magbubunga lamang ng madaling pagkasawa ng isang tao. Hinihimok ng isang magulang ang kaniyang mga anak na itakda ang kanilang mga sarili sa mga laro na makatutulong sa mga asignaturang kanilang pinag-aaralan sa paaralan.
Ang Masamang Panig Nito
Nakalulungkot sabihin, hindi lahat ng laro sa computer at video ay isang di-nakapipinsalang katuwaan—lalo nang di-gaanong nakapagtuturo. Ang karamihan ng mga software na nakalilibang sa ngayon ay nakatuon sa sinasabi ng Bibliya na “mga gawa ng laman”—masasamang gawa na hinahatulan ng Diyos. Kabilang sa gayong hinahatulang “mga gawa” ay ang “pagsasagawa ng espiritismo.” (Galacia 5:19-21) Oo, para sa Diyos na Jehova ang pagsasalamangka ay “karumal-dumal.”—Deuteronomio 18:10-12.
Gayunman, marami sa laro sa ngayon ay nalulukuban ng espiritismo at mahiko! Sa isang laro ang “pag-oorasyon” ay kailangang gamitin upang manalo. Ganito ang tagubilin sa mga naglalaro: “Kapag handa ka nang manggaway, pindutin ang sagisag na kidlat sa ilalim sa gawing kanan ng menu, pagkatapos ay pindutin ang sinumang ibig mong patayin.” Hindi ba ang gayong mga laro ay lumilinang ng nakasasamang pang-uusisa tungkol sa mga makademonyong puwersa?
At kumusta naman ang paghahantad ng iyong sarili sa pagkarami-raming kahindik-hindik na karahasan? Binabanggit ng U.S.News & World Report ang tungkol sa dalawang popular na laro na nagpapakita ng “pagwakwak sa puso ng kalaban” at “mga bampira na bumubutas sa mga tin-edyer na babae na halos walang saplot sa katawan.” Bagaman maaaring ituring lamang ng ilan na hindi nakapipinsalang imahinasyon ang naka-computer na pagtigis ng dugo, nagbababala ang Bibliya sa Awit 11:5: “Si Jehova ang sumisiyasat sa matuwid at gayundin sa balakyot, at ang sinumang umiibig sa karahasan ay tunay na kinapopootan ng Kaniyang kaluluwa.”—Ihambing ang Isaias 2:4.
Posible rin na makita ang malaswang pornograpya sa iskrin ng computer. Ang paghuhubad at lantarang pakikipagtalik ay naging pangkaraniwan nang gayon na lamang anupat ang mga gumagawa ng laro sa Estados Unidos ay naglabas ng mga sistema ng pag-uri upang mababalaan ang mga bumibili ng malalaswang laro. Gayunman, ang ilang nagtitingi ay waring handang kontrolin ang pagbebenta sa mga kabataan. “Ang tanging obligasyon namin ay ibigay sa mga parokyano ang kanilang gusto,” sabi ng isang despatsador ng tindahan. Subalit tanungin mo ang iyong sarili, ‘Ang paghantad ba sa mga larawang nakapupukaw sa sekso ay makatutulong sa akin na ituon ang aking isip sa mga bagay na “matuwid, malinis, kaibig-ibig, at may kagalingan”?’—Filipos 4:8.
Nakagugumon!
Totoo, nagtatalu-talo ang mga dalubhasa kung paano talaga nakaaapekto sa mga kabataan ang mga larong nasa computer. May pagtitiwalang hininuha ng isang pagsusuri, na iniulat ng New Scientist, na ang gayong mga laro “ay hindi siyang ugat ng masamang paggawi.” Gayunman, 97 porsiyento ng mga kabataang sinurbey sa pagsusuring iyon ang “nagpalagay na posibleng magumon sa gayong mga laro.” Sinabi ng mga kabataan na ang mga laro sa arcade ay lalo nang nakapipinsala sapagkat “hinihimok nito ang mga naglalaro na gumastos ng higit na salapi.”
Talaga bang nakagugumon ang mga larong ito? Waring gayon nga, para sa ilang naglalaro. Ganito ang sinabi ng isang kabataan sa Gumising!: “Ang pawang iisipin mo ay matapos ang laro at manalo.” Ganito rin ang katulad na nagunita ng isang kabataang lalaki: “Gumugol ako ng maraming oras para pag-isipan kung paano papatayin ang lahat at magtungo sa susunod na hakbang ng laro.”
Baka isipin mo na hindi ka kailanman mabubuyo sa laro. Subalit isaalang-alang ang paraan ng pag-impluwensiya ng mga palabas sa TV at pelikula sa emosyon ng mga tao—sila’y napaiiyak, ginagalit, o napatatawa nang husto. Isip-isipin din ang isang programa na hindi lamang may napakagandang tagpo, naiibang mga tauhan, at nakabibighaning mga special effect kundi nagagawa kang maging isang bida. Madali bang iwasan na mabuyo nang husto rito? Kaya, hindi kataka-taka na ang ilang naglalaro ay nahihirapan na mapaghiwalay ang imahinasyon sa realidad. Ganito ang gunita ng isang kabataan: “Ang epekto ng paglalaro ng mararahas na laro ay napakasama anupat ang tingin ko sa aking kamay ay baril at itinututok ito sa mga tao.”
May Katalinuhang Pumili
Bagaman hindi naghihigpit ang mga magulang sa paggamit ng computer o mga laro sa video, dapat na isaalang-alang ng mga kabataan ang payo sa Eclesiastes 2:14: “Kung tungkol sa sinumang pantas, ang kaniyang mga mata ay nasa kaniyang ulo.” Nangangahulugan iyan na binabantayan ng pantas kung saan siya patutungo at sinusuri kung ano ang nasa unahan. Totoo, ang daigdig ng libangan sa computer ay nagtataglay na ng pagkarami-raming bagay na salungat sa kaalaman ng Diyos. (Ihambing ang 2 Corinto 10:5.) At sino ang nakaaalam kung ano ang susunod na ililitaw ng mga mahiko ng software? Kaya bago bumili, maglaro, o humiram ng isang laro ang isang kabataan, dapat niyang itanong sa kaniyang sarili, ‘Tungkol ba sa ano ito? Ang pangalan ba nito’y nagpapahiwatig ng okulto? Ang pabalat ba nito ay naglalarawan ng nakapangingilabot na karahasan?’
Sa pinakamabuting kalagayan, makapaglalaan ang elektronikong mga laro ng kapaki-pakinabang na kasiyahan at pagkatuto. Subalit ang mga ito ba’y sulit na umubos ng napakaraming oras ng iyong mahalagang panahon? Ganito ang sabi ng labing-apat na taóng-gulang na si Sam na nabanggit kanina: “Kailanma’y walang maraming sinabi ang aming itay na hindi kami maaaring maglaro ng video. Pero nagtanong siya, ‘Ano ba ang nakatutuwa sa pagpindot sa buton at pagkakita sa isang tao na patakbu-takbo o patalun-talon sa iskrin?’ ” “At ngayon ganiyan na rin ang pangmalas namin dito,” sabi pa ng kapatid niyang si Dan.
Oo, huwag kalimutan na may iba pa—marahil mas kapaki-pakinabang—na mga paraan ng pagbibigay kasiyahan sa iyong sarili, gaya ng pagbabasa, paggawa ng mga sining at gawang-kamay, paglalaro ng nakapagpapalusog na isport, pag-awit, o pagkatuto na tumugtog ng isang instrumento sa musika. Higit na kapaki-pakinabang na gugulin ang iyong panahon na “sanayin mo ang iyong sarili taglay ang maka-Diyos na debosyon bilang iyong tunguhin.” (1 Timoteo 4:7) Ang paggawa ng gayon ay higit na mahalaga kaysa paglalaro ng anumang elektronikong laro.
[Blurb sa pahina 13]
Siyamnapu’t pitong porsiyento ng mga kabataang sinurbey sa isang pagsusuri ang “nagpalagay na posibleng magumon sa gayong mga laro”
[Larawan sa pahina 14]
Ang paglalaro ba ng mararahas na laro sa video ay talagang makasásamâ sa iyo?