Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ko Madadaig ang Bisyo ng Masturbasyon?
“ANG aking pagsuntok ay hindi gaya ng sumusuntok sa hangin,” sulat ng Kristiyanong apostol Pablo. (1 Corinto 9:26) Inihalintulad niya ang pagpupunyaging supilin ang kaniyang mga nasà sa pagkikipaglaban sa boksing. Ang isang boksingero na ang mga suntok ay tumatama lamang sa hangin ay matatalo sa laban. Samakatuwid, upang matagumpay na madaig ang bisyo ng masturbasyon, dapat na nalalaman ng isang tao kung paano wastong itutuon ang kaniyang mga pagsisikap, o “mga suntok.”a
“Ihanda Ninyo ang Inyong Isipan sa Pagkilos”
Ang pakikipagbaka laban sa masturbasyon ay ipinakikipagbaka sa ating isipan. Kaya, ganito ang iminumungkahi ng Bibliya: “Ihanda ninyo ang inyong isipan sa pagkilos; maging mapagpigil sa inyong sarili.” (1 Pedro 1:13, New International Version) Halimbawa, maaaring may mapansin tayong isang bagay na seksuwal na nakapupukaw. Ang isipan ay may hilig na dumoon sa gayong mga kaisipan at hayaang sumilakbo ang damdamin. (Mateo 5:28) Kapag nangyari iyon, ang ating mga katawan ay nahihilig sa seksuwal na gawain. Mientras mas matagal na pinag-iisipan natin ang masamang kaisipan, lalo namang tumitindi ang pisikal na pagnanasang ito. Sa wakas, ang antas ng pagkapukaw sa damdamin ay maaaring humantong sa masturbasyon. Subalit ang isipan ay dapat na magsikap sa ganang sarili at tanggihan ang imoral na ideya. Kung gayon ang gagawin nito, ang pagkapukaw ay lumilipas at ang anumang hirap dahil sa kaigtingan ng katawan ay naglalaho.
Gayunman, ang pagtanggi sa masamang mga kaisipan ay mahirap, lalo na kapag nag-iisa sa gabi. Sa gayon ipinaliliwanag ng isang 17-anyos na kabataan kung anong mga hakbang ang isinasagawa niya: “Una sa lahat, sinisikap kong ‘baguhin ang paksa’ upang iwaksi sa aking isipan ang mga kaisipan na pagmumulan ng pangganyak. Gayundin, ang kabatiran na ang simbuyo ay lilipas din sa wakas ay gumagawa ritong mas madali.” “Ang pagbabago ng paksa” ay maaaring humiling ng higit pa sa basta mental na pagsisikap. Ganito pa ang sabi ng isang babae: “Ang pinakamabuting bagay na dapat gawin ay bumangon sa higaan at maging abala sa paggawa ng ilang uri ng gawain, o marahil ay magmirienda, upang ang iyong isipan ay bumaling sa ibang mga bagay.” Oo, pilitin mo ang iyong sarili na ‘patuloy na pag-isipan ano mang bagay ang karapat-dapat pag-isipan, matuwid, malinis, kaibig-ibig, may mabuting ulat, may kagalingan, at kapuri-puri.’—Filipos 4:8.
Kung ikaw ay hindi makatulog, sikaping tularan ang tapat na si Haring David, na sumulat: “Pagka naaalaala kita [Diyos] sa aking higaan, ginugunita kita sa pagbabantay sa gabi.” (Awit 63:6) Ang pagpilit sa ating isipan na magbulaybulay tungkol sa Diyos at sa kaniyang mga katangian ay puputol sa pagkahalina. “Kayong nagsisiibig kay Jehova, kapootan ninyo ang masama,” sulat ng salmista. (Awit 97:10) Hindi madaling kapootan ang isang bisyo na nagdudulot ng gayong panandaliang kasiyahan sa laman, subalit patuloy na isipin kung paano minamalas ng Diyos ang maruming bisyong ito. Gayunman, dapat ka rin namang . . .
Kumuha ng Pangontrang mga Hakbang
“Ang matalinong tao ay nakakakita ng kasamaan at nagkukubli, ngunit dinadaanan ng walang karanasan at nagtitiis,” sulat ng kinasihang pantas na tao. (Kawikaan 22:3) Sang-ayon sa orihinal na salitang Hebreo, na “matalino,” sa pagkakataong ito ay nangangahulugan ng “pagiging listo, kabilisan ng isipan o unawa.” Ang gayong tao ay patiunang nag-iisip at nalalaman niya kung ano ang magpapalubha sa kalagayan. Kaya, kung masumpungan mo na ang ilang gawain, uri ng pananamit, o pagkain ay seksuwal na pumupukaw sa iyo, kung gayon iwasan mo ang mga iyon.b Iwasan mo na parang salot ang anumang babasahin, mga programa sa TV, o mga pelikula na may pumupukaw-damdamin na mga tema. Huwag patuloy na panoorin ang gayong mga bagay. “Alisin mo ang aking mga mata sa pagtingin ng walang kabuluhan,” dalangin ng salmista. (Awit 119:37) Ang gayong pumupukaw-damdaming mga tanawin ay maiimbak sa iyong isipan at kadalasa’y muling lilitaw kapag ikaw ay nag-iisa.
Lalo nang mahalaga na kumuha ng mga hakbang na ‘magkubli’ sa mga problema sa hinaharap sa mga panahon kapag ikaw marahil ay emosyonal na nasaktan o matamlay, marahil ikaw ay nanlulumo. “Ikaw ba’y nanlulupaypay sa kaarawan ng kasakunaan? Ang iyong kalakasan ay munti,” babala ng Kawikaan 24:10. Nalalaman na sa gayong mga panahon ang iyong panghadlang ay mababa, o “munti,” hangga’t maaari sikapin mong huwag mag-isa sa loob ng mahabang mga yugto ng panahon. Magplano ng isang iskedyul na punô ng nakapagpapatibay na mga gawain na magpapangyari sa iyong isipan na maging abala sa humahamong mga gawain, upang walang gaanong pagkakataon na mahulog sa imoral na mga kaisipan. Pagkatapos ay maging totoong maingat sa kung ano ang inilalagay mo sa iyong isip. Dapat ding gamitin ng isang babae na ang nasà ay nagiging matindi sa ilang panahon sa isang buwan ang praktikal na karunungan upang mapagtagumpayan ang karagdagang mga problema.
Samantalang ang pagkakapit ng naunang mga mungkahi ay makatutulong, nasumpungan ng karamihan ng mga indibiduwal na nadaig ang masamang bisyong ito na ang tunay na lunas ay nag-uugat sa isang malakas na espirituwal na pagsalakay.
Isang Espirituwal na Pagsalakay
Isang 27-anyos na lalaki na nakipagpunyagi sa bisyong ito sapol nang siya ay 11 anyos ay nagtagumpay sa wakas. Papaano? Una sa lahat, maingat na iniwasan niya ang pornograpya. “Pagkatapos ito ay isang patuluyang pagsalakay sa pamamagitan ng paggamit sa lahat ng aking espirituwal na mga kagamitan,” sabi niya. “Binabasa ko ang Bibliya, hindi kukulanging dalawang kabanata araw-araw nang walang eksepsiyon.” Ginawa niya ito nang walang lubay sa loob ng tatlong taon.
Inamin ng iba pang mga Kristiyano na nahihirapang madaig ang bisyong ito na ang kanilang humihinang personal na pag-aaral ng Salita ng Diyos ang tiyak na salik. “Noong isang panahon nagkaroon ako ng lubhang matinding pagnanasang magsagawa ng masturbasyon,” sabi ng isang Kristiyano na ang problema sa masturbasyon ay nagpatuloy pagkatapos ng pag-aasawa. “Nariyan ang panggigipit sa aking trabaho at mula sa maraming iba pang mga bagay anupa’t ang aking personal na pag-aaral ay napabayaan. Nakita ko ang pangangailangan na mag-aral pa nang higit. Ito’y nakatulong, at salamat na lamang at nadaig ko ang pagnanasang ito at hindi na umulit pa.”
“Ang pagkakaroon ng maraming gawain sa Panginoon,” gaya ng gawaing pagtuturo ng Bibliya sa iba, ay nakatutulong din. (1 Corinto 15:58) Isang babae na nadaig ang masturbasyon ang nagsabi: “Isang bagay na ngayo’y talagang nakatutulong sa akin na iwasan ang bisyong ito ay na bilang isang buong-panahong ebanghelisador ang aking isipan at lakas ay nakatutok na lahat sa pagtulong sa iba na magtamo ng sinang-ayunang kaugnayan sa Diyos.”
Sa wakas, upang matulungan sa pagpapanatili ng pagpipigil-sa-sarili sa gabi, ganito ang payo ng isang Kristiyano: “Bago matulog, bumasa ng isang bagay na nauugnay sa espirituwal na mga bagay. Mahalaga na ang huling kaisipan sa araw ay maging espirituwal na kaisipan. Ang panalangin sa panahong ito ay lubha ring nakatutulong.”
Ang Mahalagang Papel ng Panalangin
Oo, ang matagumpay na pakikipagbaka sa masamang bisyong ito ay nangangailangan ng “lakas na higit sa karaniwan.” Ito ay nanggagaling sa Diyos. (2 Corinto 4:7) Sa pamamagitan ng taos-pusong mga panalangin, maaari kang magsumamo sa Diyos para sa lakas na ito. “Buksan ninyo ang nilalaman ng inyong puso sa harap niya [ng Diyos],” sulat ng salmista. (Awit 62:8) Ang Diyos ay nangangako na masusumpungan niyaong lumalapit sa kaniya na may “kalayaan ng pagsasalita” na bibigyan niya sila ng “tulong sa tamang panahon.” (Hebreo 4:16) Isang dalagitang Kristiyano na naproblema dahil sa bisyong ito ang nagsabi: “Ang panalangin ay isang kagyat na tore ng lakas. Ang pananalangin sa panahon na ang pagnanasa ay bumabangon ay tiyak na nakatutulong.” Gayundin, sa paggising at sa buong araw, ipahayag sa Diyos ang iyong pasiya at magsumamo ka sa pagpapalakas ng kaniyang banal na espiritu.—Lucas 11:13.
Ang masikap na mga panalangin ay magpapalapit sa iyo sa Diyos, at kung magkagayon ang Diyos ay magiging tunay at isang personal na Tagatulong. Ang paggunita sa iyong pakikipagkaibigan sa Diyos at ang pagnanais na mapanatili ang “kalayaan ng pagsasalita” ay mahalaga. Gayunman, kung minsan ang isang tao ay hindi mananalangin dahil sa hiya o dahil sa nasusumpungan niya na ang pagkapukaw sa sekso ay lubhang kasiya-siya anupa’t ayaw niyang huminto. Iyan ang panahon na ang gayong mga damdamin ay dapat tanggihan. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Magmatiyaga sa panalangin.” Sa pamamagitan ng pagsamo sa Diyos—humihingi ng tulong sa pagkakataong iyon—karaniwang masusumpungan ng isang tao na ang masamang udyok ay maglalaho.—Roma 12:12.
Tulong Mula sa Iba
Kung ang iyong personal na mga pagsisikap ay hindi matagumpay at nais mo talagang magtagumpay, kung gayon makipag-usap sa isa na makatutulong, gaya sa isang magulang o sa isang tao na espirituwal na kuwalipikado. Isang binatilyong natatalo sa kaniyang pakikipagbaka laban sa masturbasyon ay dumating sa punto na ganap na nawalan ng pag-asa. “Kinausap ko nang sarilinan ang tatay ko isang gabi tungkol dito,” sabi niya. “Sinabi ko ang lahat ng bagay sa kaniya. Umiiyak ako habang sinasabi ko sa kaniya, hiyang-hiya ako. Subalit hindi ko malilimot ang sinabi niya. May nagbibigay-katiyakang ngiti sa kaniyang mukha, sinabi niya: ‘Ipinagmamalaki kita.’ Alam niya kung ano ang naranasan ko upang dumating sa puntong iyon. Walang salita ang higit na nakapagpasigla sa aking diwa at determinasyon.
“Pagkatapos ay ipinakita sa akin ng aking tatay ang ilang kasulatan upang tulungan akong makita na ako ay hindi pa naman ‘lubhang nagpakalabis,’” susog pa ng kabataan, “at saka iba pang mga kasulatan upang tiyakin na naunawaan ko ang kaselangan ng aking masamang landasin. Sinabi niya na ‘panatilihin mong malinis ang munting pisara’ hanggang sa isang tiyak na panahon, at muli na naman namin itong pag-uusapan. Sinabi niya sa akin na huwag ko raw itong hayaang makasira sa akin kapag ako’y bumalik sa dati, basta magpatuloy sa mas mahabang yugto ng panahon nang hindi nagbibigay ng susunod na pagkakataon.” Pagkatapos na lubusang pagtagumpayan ang problema, sabi pa ng binata: “Ang pagkakaroon ng isa na nakababatid sa aking problema at tumutulong sa akin ang pinakamalaking tulong.”
Ang paghingi ng tulong sa isang hinirang na matanda sa kongregasyong Kristiyano ay isa ring malaking tulong sa marami. Kadalasang nasusumpungan ng mga babae na naaasiwang ipakipag-usap ang gayong napakapersonal na mga bagay sa isang lalaki na nakatutulong na magtapat sa isang maygulang na babaing Kristiyano. (Tito 2:3, 4) Ang nakatutulong na kaalaman ng mga indibiduwal na ito ay magpapalakas sa iyo mismong mga pagsisikap na makipagbaka nang matagumpay laban sa masturbasyon. Anong pagkatotoo nga ng kawikaan ng Bibliya: “Ang lalaki [o babae] na may kaalaman ay lumalago sa kapangyarihan. Sapagkat sa pamamagitan ng pantas na pamamatnubay ay makikipagdigma ka, at sa karamihan ng mga tagapayo ay may kaligtasan”!—Kawikaan 24:5, 6.
Pakikitungo Kapag Nagbabalik sa Dati
Pagkatapos gumawa nang puspusan upang mapagtagumpayan ang bisyo, isang kabataan ang bumalik sa dati. Sabi niya: “Ito’y parang isang napakabigat na pasan sa akin. Nadama kong ako’y hindi karapat-dapat. Pagkatapos ako’y nangatuwiran: ‘Grabe na ang nagawa ko. Wala na akong pagsang-ayon ni Jehova sa paanuman, kaya bakit ko hihigpitan ang aking sarili?’” Gayunman, ang isang pagbalik sa dating bisyo ay hindi nangangahulugan na ang isang iyon ay natalo na. Isang 19-anyos na babae na nakipagpunyagi sa bisyong iyan sa loob ng limang taon ay nagsabi: “Sa simula ito ay nangyayari gabi-gabi, subalit sinimulan kong magtiwala kay Jehova nang higit, at sa tulong ng kaniyang espiritu ako ngayon marahil ay anim na beses na lamang nahuhulog sa bisyong ito sa isang taon. Ang samâ-samâ ng pakiramdam ko pagkatapos, subalit sa tuwing nahuhulog ako sa bisyong ito, kapag dumating ang susunod na tukso, ako ay mas malakas.” Kaya unti-unti niyang napagtatagumpayan ang kaniyang pakikipagbaka.
Kapag nangyayari ang pagbabalik sa dati, suriin kung ano ang nagpangyari nito. Isang kabataan, nang siya’y magbalik sa dati, ay nagsabi: “Ako’y nanalangin para sa kapatawaran, at nirepaso ko kung ano ang aking binabasa o pinag-iisipan. Halos sa tuwina ay nakikita ko ang dahilan kung bakit ako ay nagkakamali. Sa ganitong paraan maihihinto ko iyon at itinutuwid ito.” Sa pagsusuri sa dalas ng anumang pagbabalik sa dati, maaaring subaybayan ng isa ang kaniyang pagsulong.
Ang mga Gantimpala ng Isang Mabuting Laban
Nang sa wakas ay mapagtagumpayan niya ang masturbasyon, isang binata ang nagsabi: “Para bang isang pagkalaki-laking pasan ang naalis.” Isa pang kabataan ay nag-ulat: “Mula nang mapagtagumpayan ko ang problema, maaari kong mapanatili ang isang malinis na budhi sa harap ni Jehova, at iyan ay isang bagay na hinding-hindi ko ipagpapalit sa anumang bagay!”
Oo, ang isang mabuting budhi, isang mas mahusay na pagkadama ng halaga sa sarili, isang mas mabuting paggamit ng iyong panahon at emosyonal na mga lakas, walang pagkakataon sa pagsasagawa ng imoralidad sa sekso, at ang mas malapit na kaugnayan sa Diyos ay pawang mga gantimpala ng isang mabuting pakikipagbaka laban sa masturbasyon. “Ako ngayon ay nakaranas ng malaking tuwa sapagkat nadarama kong ‘nasusupil’ ko ang aking sarili pagkatapos ng mahabang pakikipagbaka sa aking sarili,” sabi ng isang kabataang babae na ipinalalagay ang kaniyang sarili na “sugapa” sa masturbasyon. “Ngayon ay batid ko na ang kahalagahan ng pagkapoot sa mga kinapopootan ni Jehova. Ang pinakamalaking tulong ay ang gunitain ang aking kaugnayan sa kaniya. Nakita ko kung gaano kamangmang na hayaang sirain ng masturbasyon ang pinakamahalagang kaugnayan na taglay ko. Maniwala ka, ang pagsisikap na madaig ang bisyong ito ay sulit.” Sa ganitong paraan din naman, dapat sundin ng isa ang payo ni apostol Pablo sa 1 Corinto 9:25-27, na nagsasabi, sa bahagi: “Hinahampas ko ang aking katawan at sinusupil na parang alipin, upang, pagkatapos na makapangaral ako sa iba, ako naman ay huwag itakwil sa paanuman.”
[Mga talababa]
a Ipinakita ng mga labas ng Gumising! noong Setyembre 8 at Nobyembre 8, 1987 kung bakit ang bisyo ay napakahirap alpasan at kung bakit dapat paglabanan ito ng mga Kristiyano.
b Ang Encyclopædia Britannica (1946), nang tinatalakay kung ano ang maaaring sumugpo sa seksuwal na nasà, ay nagsasabi: “Ang pag-iwas sa pagkain ng maraming karne at mga pampalasa, at lalo na ang nakalalasing na mga inumin, ay mahalaga.” Maaaring bawasan ng mga inuming nakalalasing ang pagpipigil ng isa at gawing mas mahirap ang pagpipigil-sa-sarili.
[Kahon sa pahina 23]
Upang matagumpay na madaig ang bisyo ng masturbasyon kinakailangan na ang isa ay (1) tumanggi sa erotikong mga kaisipan, (2) espirituwal na sumalakay sa pamamagitan ng mabuting pag-uugali sa pag-aaral, (3) humingi ng tulong sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin sa tamang panahon, at (4) sa ilang mga kalagayan, makipag-usap sa isang maygulang na Kristiyano tungkol sa problema