Ikaw ba ay Maglilingkod Bilang Isang Auxiliary Payunir sa Abril?
1 Bilang mga Kristiyano ang ating pagsamba kay Jehova ay naglalakip ng pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian at pagtuturo sa iba kung ano ang ating natutuhan. (Mat. 28:19, 20) Sa pamamagitan ng ating pagsunod sa utos ni Jesus tayo sa gayong paraan ay naglilingkod at sumasamba kay Jehova.
PASULUNGIN ANG INYONG PAGLILINGKURAN SA ABRIL
2 Maraming mga mamamahayag ang pumipili ng ilang panahon sa loob ng taon na magkaroon ng mas malaking bahagi sa pangangaral ng mabuting balita na mahalaga sa kaligtasan ng iba. (Roma 10:10-15) Marami ang naglilingkuran bilang mga auxiliary payunir ngayong Marso. Maaari bang mapasulong ninyo ang inyong hain ng papuri kay Jehova bilang isang auxiliary payunir sa Abril? (Heb. 13:15) Taimtim na ba ninyong inisip ang tungkol dito? Ang mga kahilingan ay inilagay sa mga pahina 113 at 114 ng aklat na Ating Ministeryo. Bakit hindi talakayin ito sa inyong kabiyak, sa inyong magulang o sa iba pang mamamahayag sa kongregasyon? Ang lubos na pagtutulungan sa tunguhing ito ay magdudulot ng tagumpay.—Kaw. 15:22.
MGA KAPAKINABANGAN MULA SA PAGLILINGKURANG AUXILIARY PAYUNIR
3 Ang pinasulong na gawain sa larangan ay nagdudulot ng mga personal na kapakinabangan. Nagpapangyari itong maituon ang puso at isip sa mga bagay na maka-Kasulatan. Nagpapalaki ito sa ating espirituwalidad, at ito’y nakikita sa ating saloobin at paggawi. Ang ating kaligayahan ay lumalaki dahilan sa ginagawa natin ang sinasang-ayunan ng Diyos. Sumusulong din ang ating kakayahan na maipahayag ang mabuting balita nang maliwanag. Nagdudulot ng pantanging kagalakan kapag nakapagpasimula tayo ng isang pag-aaral sa Bibliya. Karagdagan pa, ang bunga ng espiritu ay nagiging higit na nakikita sa ating mga buhay. Marami ang nagsabi na ang kanilang kaugnayan sa kanilang pamilya at sa kongregasyon ay sumulong nang sila ay naging higit na aktibo sa paglilingkod sa larangan.
4 Ang kongregasyon ay nakikinabang din naman. Ang ilan na nag-aatubiling mag-auxiliary payunir ay makagagawa nito kapag pinasigla ng iba. Ang iba na hindi makapag-auxiliary payunir ay natutuwang gumawa kasama ng mga payunir upang mapasulong ang kanilang paglilingkuran. Ang espiritu ng pagpapayunir ay maaaring kumalat sa kongregasyon kapag ang mga kapatid ay may kagalakang nagtataguyod sa pantanging gawaing ito. Kaya, kapag ang mga matatanda ay nanguna kapuwa sa pamamagitan ng pagpapasigla sa auxiliary na pagpapayunir at sa pamamagitan ng pakikibahagi dito habang magagawa nila, ang buong kongregasyon ay nakikinabang.
5 Ang mga taong ating pinangangaralan ay nakikinabang din sa sumusulong nating paglilingkuran. Maraming pag-aaral sa Bibliya ang napapasimulan. Mas maraming literatura ang naipamamahagi sa teritoryo. Ang tunay na pagsisikap ay nagagawa upang hanapin ang mga nagbubuntong-hininga at dumadaing sa nangyayari sa sanlibutan. (Ezek. 9:4) Ang pangalan ni Jehova ay naitatanghal sa mga tao upang kanilang malaman na ‘may isang propeta na nasa gitna nila.’—Ezek. 33:33.
MAGPLANO NA NGAYON UPANG MAG-AUXILIARY PAYUNIR SA ABRIL!
6 Para doon sa makagagawa nito, ang auxiliary na pagpapayunir ay isang mainam na paraan upang magkaroon ng mas malaking bahagi sa ministeryo sa larangan sa Abril. Ang mga bakasyon sa paaralan ay magtatamasa ng lubusang bahagi rito. Maging ang ilan na may buong-panahong trabaho ay maaaring mag-auxiliary payunir sa pamamagitan ng paggamit na mabuti sa mga gabi, Sabado at Linggo. Magsagawa na ngayon ng plano para sa pagpapasulong ng paglilingkuran sa Abril!