Paghaharap ng Mabuting Balita—Na Ginagamit ang House-to-House Record
1 “Aking ipinangaral na lubos ang mabuting balita.” (Roma 15:19) Ang mga salitang ito ni Pablo ay nagpapakita kung gaano siya kasipag sa pangangaral, pagtuturo, at paggawa ng mga alagad.
2 Nais nating maging lubusan din sa ating atas na teritoryo. Ang mga buhay ay nakataya sa mapanganib na mga panahong ito. Ang hindi pagbibigay ng babala sa mga tao ay magdudulot ng kasalanan sa dugo. (Ezek. 3:18, 19) Gaya ni Pablo, nanaisin nating makapagsabing tayo’y “malinis sa dugo ng lahat ng mga tao.” (Gawa 20:26) Papaano tayo magiging higit na lubusan sa paggawa ng ating teritoryo? Ang wastong paggamit ng House-to-House Record form ay makatutulong.
KAPAG WALANG SINUMAN SA BAHAY
3 Ang isang kompletong ulat ng mga wala-sa-bahay ay kinakailangan sa mabisang pagkubre sa ating teritoryo. Dapat tayong magsikap na may makausap sa bawa’t tahanan. Kung walang tao sa bahay, dapat tayong gumawa ng pagtatala nito sa house-to-house record. Pagkatapos dapat tayong magbalik at sikaping makapagbigay ng patotoo sa kaninuman sa sambahayang iyon.
4 Upang maabot ang mga wala sa tahanan sa unang pagdalaw, ginagamit ng iba ang kanilang house-to-house record sa pagbabalik sa araw ding iyon. O sinisikap nilang dumalaw sa ibang araw o sa ibang panahon. Nasumpungan ng marami na ang pagdalaw sa gabi ay nagdudulot ng mabubuting resulta. Ang iba ay gumagamit ng telepono o sumusulat kapag hindi naging matagumpay ang ilang pagdalaw sa ibang mga tahanan.
KAPAG NAKASUMPONG NG INTERES
5 Kapag kayo ay nakasumpong ng interesado, mag-ingat ng rekord. Isulat ang pangalan at direksiyon ng tao, at iba pang makatutulong na impormasyon. Kapag hindi ninyo nasumpungang muli ang interesadong tao matapos ang ilang pagsisikap, marahil ay makatutulong kung babaguhin ninyo ang araw o oras ng inyong pagdalaw. Huwag kaagad manghihimagod sa sinumang nagpakita ng interes.
6 Ang apostol Pablo ay nagbigay ng isang mabuting halimbawa sa atin. Siya’y “lubusang nagpatotoo” sa kaniyang atas na teritoryo. Ang wastong paggamit ng house-to-house record ay makatutulong sa atin na gawin din ang gayon. At anong laking kagalakan ang tataglayin natin habang marami pa ang nagiging mga alagad ni Jesu-Kristo! Anupa’t makapagsasabi tayo, gaya ni Pablo: “Ako’y malinis sa dugo ng lahat ng mga tao.”—Gawa 20:21, 26.