Pangangalaga sa Binhi ng Kaharian
1 Ang isang magsasaka ay naghahanda sa lupa at nagtatanim ng binhi, at anong laking kagalakan kapag sumibol na ang binhi! Itinulad ni Jesus “ang salita ng Diyos” sa binhi na itinanim. (Luc. 8:11) Kaya, nanaisin nating magkaroon ng lubusang bahagi sa pagtatanim ng binhi ng Kaharian, taglay ang pag-asa na maabot nito ang mga taong ang puso’y kagaya ng “mabuting lupa” sa ilustrasyon ni Jesus.—Mat. 13:19, 23; Luc. 8:15.
2 Nagkaroon na ba kayo ng pribilehiyong maglagay ng ilang matatandang aklat sa nakaraang buwan, o naranasan na ba ninyo ang ilang kasiyasiyang pakikipag-usap sa Kasulatan sa mga tao sa inyong teritoryo? May magagawa pa ba kayo upang linangin ang kanilang interes sa mensahe ng Kaharian? Ang mga pagdalaw-muli ay isang mabisang paraan upang pangalagaan ang ipinakitang interes. Kadalasang magagawa ang mga ito sa loob ng isa o dalawang araw mula sa unang pakikipag-usap.
3 Sa Pebrero, magkakaroon pa tayo ng pagkakataon na makapag-alok ng matatandang publikasyon. May taglay ang mga ito na maaaring siyang kailangan ng isa upang antigin ang kaniyang pagnanais na sumulong sa espirituwal. Gayundin, maging handa na ibahagi ang ilang punto tungkol sa mga pagpapala na idudulot ng Kaharian sa mga pusong tatanggap.
4 Ang pagiging auxiliary payunir ay maglalaan sa ilan ng pagkakataon na makagawa ng higit na mga pagdalaw-muli at makapagtatag ng mga bagong pag-aaral. Bawa’t taon marami ang nagsasamantala sa pagkakataon na makapag-auxiliary payunir kapag Marso at Abril. Sa taóng ito ay may limang Sabado ang Marso at limang Linggo ang Abril, na isang bentaha para sa mga nagtatrabaho nang buong panahon.
5 Sa ilang kongregasyon, ang buong lupon ng matatanda, mga ministeryal na lingkod, at ang kanilang mga asawa ay nagbibigay ng mainam na halimbawa sa pamamagitan ng pag-aauxiliary payunir. Sa nagdaang Abril may isang kongregasyon na nagkaroon ng 83 mga auxiliary payunir at 12 regular payunir. Anong laking pampatibay para sa lahat sa kongregasyon!
ANG MGA PAGDALAW-MULI AY MAAARING MAGING MGA PAG-AARAL
6 Upang maging mabisa sa mga pagdalaw-muli, kailangang kayo’y magtala sa inyong house-to-house record. Hinahayaan ng ilang mamamahayag na magsalita nang magsalita ang maybahay sa unang pagdalaw upang malaman kung anong mga paksa ang doo’y interesado siya. Kapag siya’y nagpahayag ng maling mga ideya, katalinuhang hindi pansinin ang gayong mga komento sa pasimula, kundi sa halip, itampok ang mga pangako ng Kaharian.
7 Ang pag-aaral sa Bibliya ay siyang pinakapangunahing paraan upang tulungan ang mga tao na makaalam ng mga layunin ng Diyos. Gamitin ang isang punto sa mga publikasyon na kukuha ng interes ng tao. Magtanong at pagkatapos ay ipakita kung papaanong ang literatura ay nagbibigay kaagad ng kasagutan mula sa Bibliya. Maaari ninyong gamitin ang aklat na nailagay sa maybahay o ang isa na taglay na niya.
8 Kung papaanong kasiyasiya ang maghasik ng literal na binhi at pagmasdan ang paglaki ng mga halaman habang inaalagaan ang mga ito, tayo ay magkakamit ng higit na kasiyahan kapag ating nakita “ang salita ng kaharian” na nag-uugat at lumalago sa puso ng mga tinuturuan natin.