Tanong
● Sino ang dapat na mangasiwa sa mga patalastas sa Pulong Ukol sa Paglilingkod?
Ang tunguhin ng bahaging ito ng Pulong Ukol sa Paglilingkod ay upang ipabatid sa kongregasyon ang mahahalagang detalye sa pagsasagawa ng iniatas na ministeryo. Ang ilang mga patalastas ay nagsisilbing paalaala at ito’y magkakatulad linggu-linggo. Gayumpaman, ang lahat ng mga patalastas ay dapat na ipahayag nang maliwanag. Walang alinman dito ang ibibigay nang basta na lamang o ituturing na pangkaraniwang bagay.
Ang ilang mga patalastas ay maaaring kailangang iharap ng isang matanda. Kapag ganito ang kalagayan, pananagutan ng punong tagapangasiwa na isaayos na isang kuwalipikadong kapatid na lalake ang maghaharap ng impormasyon, kahit na ibang kapatid naman ang mangangasiwa sa iba pang naka-eskedyul na patalastas.
Kapag ang sulat na naglalaman ng impormasyon para sa kongregasyon ay nagtataglay ng ibang impormasyon para sa mga matatanda lamang, isang matanda ang dapat na magharap ng impormasyon. Ang ilang sulat mula sa Samahan na naglalaman ng espesipikong tagubilin para sa kongregasyon ay mas mabuting basahin ng isang kuwalipikadong matanda. Ang gayong sulat ay maaaring may kinalaman sa pantanging kampanya sa pagsulat sa kapakanan ng ating mga kapatid na nakakaranas ng pag-uusig. Ang ilang sulat ay naglalaman ng detalyadong impormasyon tungkol sa hinaharap na mga gawaing teokratiko, tulad ng pagdalaw ng tagapangasiwa ng sirkito, mga asamblea, at mga kombensiyon.
May mga pagkakataon na isang mahalagang patalastas hinggil sa kapakanan ng kongregasyon ang kailangang gawin, at ang impormasyon ay dapat na maiharap nang maliwanag. Ang gayong mga patalastas ay makabubuting ibigay ng isang matanda.
Ibinigay man ng mga matatanda o ng mga ministeryal na lingkod, ang mga patalastas ay dapat na gawin nang maliwanag at maikli. Sa pagsunod sa tagubiling ito ay makatitiyak na wastong maipapahayag ang mga instruksiyon sa kongregasyon upang ang lahat ay mapakilos nang pasulong sa pagkakaisa.—Awit 133:1; 1 Cor. 14:8, 9, 40.