Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • sh kab. 1 p. 4-18
  • Bakit Pa Magiging Interesado sa Ibang Relihiyon?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bakit Pa Magiging Interesado sa Ibang Relihiyon?
  • Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Bakit Pa Magsusuri?
  • Papaano Dapat Sukatin ang Relihiyon?
  • ‘Nasisiyahan na Ako sa Aking Relihiyon’
  • Mga Tanong na Humihingi ng Sagot
  • Sapat na ba ang Anumang Relihiyon?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Relihiyon—Papaano Ito Nagsimula?
    Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos
  • Nakalulugod Kaya sa Diyos ang Lahat ng Relihiyon?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Natagpuan Mo Na ba ang Tamang Relihiyon?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
Iba Pa
Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos
sh kab. 1 p. 4-18

Kabanata 1

Bakit Pa Magiging Interesado sa Ibang Relihiyon?

1-7. Ano ang ilang pagkakakilanlan ng iba’t-ibang relihiyon sa daigdig?

SAANMAN kayo naninirahan, tiyak na nakita mismo ninyo ang epekto ng relihiyon sa buhay ng milyunmilyong tao, marahil pati na rin ng sa inyo. Sa mga bansang Hinduismo ang relihiyon, madalas kayong makakakita ng mga tao na nagsasagawa ng puja​—isang seremonya na naglalakip ng mga handog sa kanilang mga diyos, maaaring niyog, mga bulaklak, at mansanas. Sa noo ng mga mananampalataya ay inilalagay ng saserdote ang tilak, isang tuldok na kulay pula o dilaw. Milyunmilyon din ang nagtutungo taun-taon sa ilog Ganges upang magpakalinis sa tubig nito.

2 Sa mga bansang Katoliko, makakakita kayo ng mga taong nagdadasal sa mga simbahan at katedral na may hawak na krusipiho o rosaryo. Ang mga butil ng rosaryo ay ginagamit sa pagbilang ng mga panalangin na iniuukol kay Maria. At hindi mahirap tukuyin kung sino ang madre at pari, dahil sa kanilang itim na kasuotan.

3 Sa mga lupaing Protestante, napakaraming simbahan at kapilya, at kung Linggo ay isinusuot ng mga maninimba ang pinakamagagara nilang damit at dumadalo upang umawit ng mga himno at makinig sa mga sermon. Malimit na ang kanilang mga klero ay naka-terno ng itim at may pantanging kuwelyong pang-klero.

4 Sa mga bansang Islāmiko, maririnig ninyo ang tinig ng mga muezzin, mga tagahiyaw na Muslim na sa maghapo’y limang beses nananawagan mula sa mga minaret, upang ihudyat sa mga mananampalataya ang ṣalat, o rituwal na panalangin. Ang Banal na Qur’ān ang kanilang Islāmikong kasulatan. Ayon sa paniwalang Islāmiko, ito ay inihayag ng Diyos at ibinigay ni anghel Gabriel kay propeta Muḥammad noong ikapitong siglo C.E.

5 Sa mga lansangan ng mga lupaing Budhista, ang mga monghe ng Budhismo, na karaniwan nang nakabata ng kulay-kahel, itim o pula, ay itinuturing na sagisag ng kabanalan. Ang matatandang mga templo na nagtatanghal sa mapayapang Budha ay ebidensiya ng katandaan ng pananampalatayang Budhista.

6 Halos sa Hapon lamang isinasagawa, ang Shinto ay bahagi ng araw-araw na buhay dahil sa mga pampamilyang dambana at mga handog sa ninuno. Kahit makamundong mga bagay ay nakaugalian nang ipanalangin ng mga Hapon, gaya ng pagpasá sa mga eksamen sa eskuwela.

7 Ang isa pang relihiyosong gawain na kilala sa buong daigdig ay yaong mga taong nagbabahay-bahay at nakatayo sa mga lansangan taglay ang Bibliya at mga babasahin ukol sa Bibliya. Dahil sa mga magasing Bantayan at Gumising!, halos lahat ay nakakakilala sa kanila bilang mga Saksi ni Jehova.

8. Ano ang ipinahihiwatig ng kasaysayan ng relihiyosong debosyon?

8 Ano ang ipinahihiwatig ng lubhang sarisaring pandaigdig na relihiyosong kaugaliang ito? Na sa loob ng libulibong taon ang tao ay nakadama ng espirituwal na pangangailangan at pananabik. Nakaraos ang tao sa mga pagsubok at kahirapan, sa mga alinlangan at katanungan, pati na sa hiwaga ng kamatayan. Ang mga relihiyosong damdamin ay ipinahayag sa iba’t-ibang paraan habang ang mga tao ay bumabaling sa Diyos o sa kanilang mga diyos, na naghahanap ng pagpapalà at kaaliwan. Sinisikap din ng relihiyon na tugunan ang mahahalagang tanong na: Bakit tayo naririto? Papaano tayo dapat mamuhay? Ano ang kinabukasang naghihintay sa sangkatauhan?

9. Papaano nagtataglay ang karamihan ng tao ng isang anyo ng relihiyosong debosyon sa kanilang buhay?

9 Sa kabilang dako, milyunmilyon ang walang inaangking relihiyon at paniwala sa isang diyos. Sila’y mga ateyista. Ang iba, mga agnostiko, ay naniniwala na ang Diyos ay hindi kilala at malamang na hindi makikilala. Gayunman, hindi ito nangangahulugan na sila ay walang prinsipyo o moral, kung papaanong ang pagkakaroon ng relihiyon ay hindi nangangahulugan na ang isa ay mayroon nito. Subalit, kung uunawain natin ang relihiyon bilang “debosyon sa isang simulain; mahigpit na pagsunod o katapatan; pagkamaaasahan; banal na saloobin o pagmamahal,” halos lahat, maging mga ateyista at agnostiko, ay masasabing may anyo ng relihiyosong debosyon sa kanilang buhay.​—The Shorter Oxford English Dictionary.

10. Ang relihiyon ba ay may malaking epekto sa makabagong daigdig? Ilarawan.

10 Sa dinamidami ng relihiyon sa daigdig na lubhang pinaliit ng mas mabilis na paglalakbay at komunikasyon, ang epekto ng sarisaring pananampalataya ay nadadama saanman, gustuhin man natin o hindi. Ang hiyaw na narinig noong 1989 dahil sa aklat na The Satanic Verses, na sa palagay ng ilan ay isinulat ng ‘isang apostatang Muslim’ ay malinaw na ebidensiya na ang relihiyosong damdamin ay maaaring madama sa buong daigdig. Nanawagan ang mga pinunong Islāmiko upang ipagbawal ang aklat at sukdulang ipapatay ang may-akda nito. Bakit ganoon na lamang kapusok ang reaksiyon ng mga tao pagdating sa relihiyon?

11. Bakit hindi mali ang pagsusuri sa ibang pananampalataya?

11 Upang masagot ito, dapat unawain ang kasaysayan ng mga relihiyon ng daigdig. Sinabi ni Geoffrey Parrinder sa World Religions​—From Ancient History to the Present: “Ang pag-aaral ng iba’t-ibang relihiyon ay hindi pagtalikod sa sariling pananampalataya, sa halip lalong lumalawak ito kapag nakita kung papaano naghahanap ng katotohanan ang ibang tao at kung papaano sila pinagyaman ng kanilang pagsasaliksik.” Ang kaalaman ay umaakay sa unawa, at ang unawa ay sa pagpaparaya sa mga taong may naiibang pangmalas.

Bakit Pa Magsusuri?

12. Anong mga salik ang karaniwan nang nagpapasiya sa relihiyon ng isa?

12 Naisip o nasabi na ba ninyo, ‘May sarili akong relihiyon. Personal na bagay ito. Hindi ko ito ipinakikipag-usap sa iba’? Totoo, ang relihiyon ay napaka-personal​—halos mula sa pagsilang ang relihiyoso o moral na ideya ay itinatanim ng ating mga magulang at kamag-anak sa ating isipan. Bunga nito, karaniwan na nating sinusunod ang relihiyon ng ating mga magulang at ninuno. Ang relihiyon ay halos tradisyon na ng pamilya. Ano ang resulta? Sa maraming pagkakataon iba ang pumili ng ating relihiyon. Malimit ito ay salig sa kung saan at kung kailan tayo isinilang. O, gaya ng ipinahiwatig ng mananalaysay na si Arnold Toynbee, ang panghahawakan ng tao sa isang partikular na pananampalataya ay malimit na salig sa “kung saang dako siya nagkataong isinilang.”

13, 14. Bakit hindi makatuwirang ipalagay na ang relihiyong kinamulatan ay siya na ngang sinasang-ayunan ng Diyos?

13 Makatuwiran kayang ipalagay na ang relihiyong namana sa oras ng pagsilang ay siya na ngang buong katotohanan? Kung isinilang kayo sa Italya o sa Timog Amerika, kahit hindi ninyo piliin, malamang na kayo ay pinalaki bilang isang Katoliko. Kung sa Indiya kayo isinilang, malamang na agad kayong naging Hindu o, kung mula kayo sa Punjab, marahil ay isa kayong Sikh. Kung taga-Pakistan ang inyong mga magulang, maliwanag na kayo ay isang Muslim. At kung isinilang kayo sa isang bansang Sosyalistiko nitong nakaraang mga dekada, baka wala kayong mapagpipilian kundi ang kayo’y palikihin bilang isang ateyista.​—Galacia 1:13, 14; Gawa 23:6.

14 Kaya, ang relihiyon bang minana sa pagsilang ay siya na ngang tunay, sinang-ayunan ng Diyos? Kung ito ang paniwalang sinunod sa nakalipas na libulibong taon, maraming tao sa ngayon ang magsasagawa pa rin ng shamanismo at sinaunang mga kulto sa pagpaparami, salig sa katuwirang ‘ang mabuti para sa aking mga ninuno ay mabuti na rin kung para sa akin.’

15, 16. Ano ang pakinabang ng pagsusuri sa ibang relihiyon?

15 Dahil sa lubhang pagkakaiba-iba ng mga relihiyosong paniwala na lumitaw sa daigdig sa nakalipas na 6,000 taon, kahit papaano nakapagtuturo at nagpapalawak-ng-isip ang pag-unawa sa paniwala ng iba at kung papaano nagsimula ang mga ito. At baka ito ang magbukas ng tanawin sa mas matibay na pag-asa sa hinaharap.

16 Sa maraming bansa ngayon, dahil sa pandarayuhan at paglipat ng mga populasyon, ang mga taong may iba’t-ibang relihiyon ay nagiging magkakapitbahay. Kaya, ang pag-unawa sa pangmalas ng iba ay maaaring umakay sa higit na makahulugang pakikipagtalastasan at pag-uusap sa pagitan ng mga taong iba’t-iba ang pananampalataya. Marahil, papawi din ito sa poot dahil sa pagkakaiba ng relihiyon. Totoo, maaaring hindi magkasundo ang mga tao sa kanilang mga relihiyosong paniwala, subalit walang dahilan na mapoot sa isa dahil lamang sa siya ay may naiibang pangmalas.​—1 Pedro 3:15; 1 Juan 4:20, 21; Apocalipsis 2:6.

17. Bakit hindi dapat kamuhian ang mga may naiibang paniwala sa relihiyon?

17 Sinabi ng sinaunang batas-Judio: “Huwag mong kapopootan sa puso ang iyong kaanak. Sawayin ang iyong kamag-anak subalit huwag magkakasala dahil sa kaniya. Huwag kang maghihiganti o magtatanim laban sa iyong mga kababayan. Ibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng sarili: Ako ang PANGINOON [si Jehova].” (Levitico 19:17, 18, Ta) Sinabi ng Maytatag ng Kristiyanismo: “Datapwat sinasabi ko sa inyo, Patuloy ninyong ibigin ang inyong mga kaaway, gawan ninyo ng mabuti ang napopoot sa inyo, . . . magiging malaki ang inyong gantimpala, at kayo’y magiging mga anak ng Kataastaasan, sapagkat siya’y magandang-loob sa mga walang-turing at masasama.” (Lucas 6:27, 35) Sa ilalim ng pamagat na “Ang Babae na Dapat Suriin,” ang ganito ring simulain ay isinasaad sa Qur’ān (surah 60:7, MMP): “Marahil kayo at ang itinuturing ninyong kaaway ay pagbabatiin ni Allāh. At si Allāh ay Makapangyarihan; at si Allāh ay Mapagpatawad, Maawain.”

18. Bakit mahalaga kung ano ang paniwala ng isa?

18 Gayumpaman, samantalang mahalaga ang pagpaparaya at unawa, hindi ito nangangahulugan na hindi mahalaga kung ano ang paniwala ng isa. Gaya nga ng sinabi ng mananalaysay na si Geoffrey Parrinder: “Madalas sinasabi na lahat ng relihiyon ay may iisang tunguhin, o magkakatulad na daan tungo sa katotohanan, at na lahat ay nagtuturo pa man din ng magkakahawig na doktrina . . . Subalit ang relihiyon ng sinaunang mga Aztec, na ang tumitibok na puso ng kanilang mga biktima’y inihahandog sa araw, ay tiyak na hindi kasingbuti niyaong sa mapayapang si Budha.” Bukod dito, kung pag-uusapan ang pagsamba, hindi ba Diyos mismo ang dapat magpasiya kung ano ang karapatdapat at kung alin ang hindi?​—Mikas 6:8.

Papaano Dapat Sukatin ang Relihiyon?

19. Papaano dapat maapektuhan ng relihiyon ang paggawi?

19 Bagaman karamihan ng relihiyon ay may kalipunan ng mga paniwala o doktrina, malimit na ito ay bumubuo ng nakalilitong teolohiya, hindi malirip ng unawa ng karaniwang tao. Ngunit ang simulain ng sanhi at epekto ay kumakapit sa bawat kalagayan. Ang mga turo ng relihiyon ay dapat makaimpluwensiya sa pagkatao at araw-araw na gawi ng bawat mananampalataya. Kaya, kahit papaano, ang gawi ng bawat isa ay kasasalaminan ng relihiyosong karanasan ng taong yaon. Ano ang epekto sa inyo ng inyong relihiyon? Ito ba’y nagbubunga ng isang taong mas mabait? Mas bukas-palad, tapat, maamo, mapagparaya, at maawain? Makatuwirang mga tanong ito, sapagkat gaya ng sinabi ng isang dakilang guro sa relihiyon, si Jesu-Kristo: “Bawat mabuting punongkahoy ay nagbubunga ng mabuti, datapwat ang masamang punongkahoy ay nagbubunga ng masama; ang mabuting punongkahoy ay hindi magbubunga ng masama, ni magbubunga ng mabuti ang punongkahoy na masama. Bawat punongkahoy na hindi namumunga ng mabuti ay pinuputol at inihahagis sa apoy. Kaya nga, sa kanilang bunga ay makikilala ang mga taong yaon.”​—Mateo 7:17-20.

20. Anong mga tanong ang bumabangon hinggil sa relihiyon at kasaysayan?

20 Tiyak na ang kasaysayan ng daigdig ay dapat mag-udyok sa atin na mag-isip kung anong papel ang ginampanan ng relihiyon sa maraming digmaan na sumalanta sa sangkatauhan at nagdulot ng di masukat na kahirapan. Bakit nga ba napakaraming tao ang pumatay at namatay sa pangalan ng relihiyon? Ang mga Krusada, ang Inkisisyon, ang mga alitan sa Gitnang Silangan at sa Hilagang Irlandiya, ang pagpapatayan sa pagitan ng Iraq at Iran (1980-88), ang sagupaan ng mga Hindu at Sikh sa Indiya​—lahat ng ito ay tiyak na mag-uudyok sa mga palaisip upang mag-alinlangan sa relihiyosong mga paniwala at pag-uugali.​—Tingnan ang kahon sa ibaba.

21. Ano ang ilang halimbawa ng bunga ng Sangkakristiyanuhan?

21 Kapansinpansin ang pagpapaimbabaw ng Sangkakristiyanuhan sa larangang ito. Sa dalawang digmaang pandaigdig, pinatay ng Katoliko ang kapuwa Katoliko at pumatay ang Protestante ng kapuwa Protestante sa utos ng kanilang mga “Kristiyanong” pinuno sa politika. Ngunit maliwanag na ipinakikita ng Bibliya ang kaibahan ng mga gawa ng laman at ng bunga ng espiritu. Hinggil sa mga gawa ng laman, ay sinasabi nito: “Ang mga ito ay pakikiapid, karumihan, kalibugan, pagsamba sa diyusdiyosan, espiritismo, pag-aalitan, sigalutan, inggitan, bugso ng galit, pagtataniman, pagkabahabahagi, mga hidwang pananampalataya, kapanaghilian, paglalasingan, kalayawan, at mga gaya nito. Tungkol sa mga bagay na ito ay patiuna kong ipinaaalaala sa inyo, gaya ng pagpapaalaala ko noong una, na ang nagsisigawa ng mga bagay na ito ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.” Subalit ito mismo ang pinaggagawa ng di-umano’y mga Kristiyano sa nakalipas na mga siglo, at ang kanilang paggawi ay malimit kunsintihin ng kanilang klero.​—Galacia 5:19-21.

22, 23. Sa kabaligtaran, anong bunga ang dapat iluwal ng tunay na relihiyon?

22 Sa kabaligtaran, ang positibong bunga ng espiritu ay: “pag-ibig, kagalakan, pagpapahinuhod, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil-sa-sarili. Laban sa mga bagay na ito ay walang kautusan.” Lahat ng relihiyon ay dapat magluwal ng ganitong uri ng mapayapang bunga. Ngunit gayon nga ba? Kumusta ang relihiyon ninyo?​—Galacia 5:22, 23.

23 Kaya, ang ilan sa mga tanong natin ay dapat masagot ng pagsusuri ng aklat na ito sa paghahanap ng tao sa Diyos sa pamamagitan ng mga relihiyon ng daigdig. Subalit saan dapat isalig ang paghatol sa isang relihiyon? Kaninong pamantayan ang gagamitin?

‘Nasisiyahan na Ako sa Aking Relihiyon’

24, 25. Anong hamon ang inihaharap sa bawat tao hinggil sa kaniyang relihiyon?

24 Marami ang umiiwas sa pagtatalo sa relihiyon sa pagsasabing, ‘Nasisiyahan na ako sa aking relihiyon. Hindi ako gumagawa ng masama sa iba, at tumutulong ako sa abot-kaya ko.’ Subalit hanggang doon na lamang ba? Sapat na ba ang pansariling pamantayan sa relihiyon?

25 Kung ang relihiyon ay “ang kapahayagan ng paniwala at paggalang sa isang higit-sa-taong kapangyarihan na kinikilala bilang maylikha at tagapamahala ng sansinukob,” gaya ng sinabi ng isang diksiyunaryo, tiyak na ang dapat maging tanong ay, Ang relihiyon ko ba’y kasiyasiya para sa maylikha at tagapamahala ng sansinukob? At, sa kasong ito, karapatan ng Maylikha na ipasiya kung alin ang karapatdapat na paggawi, pagsamba, at doktrina at kung alin naman ang hindi. Upang magawa ito, dapat niyang ihayag sa sangkatauhan ang kaniyang layunin, at ang kapahayagang ito ay dapat na madaling makamit at mapasakamay ng lahat. Bukod dito, ang mga kapahayagan niya, bagaman daandaang taon ang agwat ng pagkakasiwalat, ay dapat na laging nagkakasuwato at di nagbabago. Naghaharap ito ng hamon sa bawat isa​—na suriin ang ebidensiya at patunayan sa sarili kung ano ang talagang kalooban ng Diyos.

26. Aling banal na aklat ang dapat magsilbing panukat sa tunay na pagsamba? At bakit?

26 Isa sa pinakamatatandang aklat na nag-aangkin ng pagkasi ng Diyos ay ang Bibliya. Ito rin ang aklat na naipamahagi at naisalin nang pinakamalaganap sa buong kasaysayan. Halos dalawang libong taon na ngayon, isa sa mga manunulat nito ang nagsabi: “Huwag kayong makiayon sa sistemang ito ng mga bagay, kundi mag-iba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong isip, upang mapatunayan ninyo kung ano ang mabuti at kalugudlugod at sakdal na kalooban ng Diyos.” (Roma 12:2) Saan dapat magmula ang katibayang ito? Sinabi ng manunulat ding yaon: “Lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapakipakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid, sa pagdidisiplina sa katuwiran, upang ang tao ng Diyos ay maging ganap, nasasangkapang lubos sa lahat ng mabuting gawa.” Kaya, ang kinasihang Bibliya ay dapat magsilbing maaasahang panukat sa tunay at karapatdapat na pagsamba.​—2 Timoteo 3:16, 17.

27. (a) Ano ang ilan sa mga banal na kasulatan ng ilan sa mga relihiyon ng daigdig? (b) Papaano dapat ihambing sa Bibliya ang kanilang turo?

27 Ang pinakamatandang bahagi ng Bibliya ay nauna pa sa lahat ng ibang relihiyosong kasulatan sa daigdig. Ang Torah, o unang limang aklat ng Bibliya, ang Batas na isinulat ni Moises sa ilalim ng pagkasi, ay nagmula sa ika-15 at ika-16 na siglo B.C.E. Kung ihahambing, ang mga kasulatang Hindu na Rig-Veda (isang koleksiyon ng mga himno) ay natapos noong mga 900 B.C.E. at hindi ito nag-aangkin ng banal na pagkasi. Ang Budhistang “Canon of the Three Baskets” ay mula sa ikalimang siglo B.C.E. Ang Qur’ān, na di-umano ay padala ng Diyos sa pamamagitan ni anghel Gabriel, ay ginawa noong ikapitong siglo B.C.E. Ang Book of Mormon, na ayon sa ulat ay ibinigay ng isang anghel na nagngangalang Moroni kay Joseph Smith sa Estados Unidos, ay ginawa noong ika-19 na siglo. Kung ang ilan sa mga kathang ito ay kinasihan ng Diyos gaya ng pag-aangkin ng iba, ang relihiyosong patnubay ng mga ito ay hindi dapat sumalungat sa turo ng Bibliya, na siyang orihinal na kinasihang pinagmulan. Dapat ding sumagot ito sa pinakamasalimuot na mga tanong ng tao.

Mga Tanong na Humihingi ng Sagot

28. Ano ang ilan sa mga tanong na humihingi ng sagot?

28 (1) Nasa Bibliya ba ang turo ng maraming relihiyon at siyang pinaniniwalaan ng marami, alalaong baga, na ang tao ay may kaluluwang di-namamatay at na sa oras ng kamatayan ito ay lumilipat sa ibang dako, sa “kabilang-buhay,” langit, impiyerno, o purgatoryo, o na nagbabalik ito sa isang muling pagsilang?

(2) Sinasabi ba ng Bibliya na ang Soberanong Panginoon ng sansinukob ay walang pangalan? Itinuturo ba nito na siya ay iisang Diyos? o tatlong persona sa isang Diyos? o maraming diyos?

(3) Ano ang sinasabi ng Bibliya na orihinal na layunin ng Diyos nang likhain ang tao upang mabuhay sa lupa?

(4) Itinuturo ba ng Bibliya na ang lupa ay mawawasak? O tumutukoy ba lamang ito sa isang wakas, o pagtatapos, ng balakyot na pamamalakad sa daigdig?

(5) Papaano ba talaga makakamit ang panloob na kapayapaan at kaligtasan?

29. (a) Anong saligang simulain ang dapat pumatnubay sa pagsasaliksik sa katotohanan? (b) Anong mga sagot ang inilalaan ng Bibliya sa ating mga tanong?

29 Bawat relihiyon ay may iba’t-ibang sagot, subalit sa pagsasaliksik sa “dalisay na relihiyon,” dapat tayong humantong sa mga pagpapasiya na nais ng Diyos na ating marating. (Santiago 1:27; AS; KJ) Bakit natin masasabi ito? Sapagkat ang ating saligang simulain ay: “Hayaang maging tapat ang Diyos, bagaman ang bawat tao ay masumpungang sinungaling, gaya nga ng nasusulat: ‘Upang ikaw ay ariing-ganap sa iyong mga salita at makapagtagumpay ka kung ikaw ay mahatulan.’ ”​—Roma 3:4.a

30. Ano ang ilan sa mga tanong na isasaalang-alang sa susunod na kabanata?

30 Ngayong may saligan na tayo sa pagsusuri sa mga relihiyon ng daigdig, bumaling tayo sa unang paghahanap ng tao ukol sa espirituwalidad. Ano ang alam natin hinggil sa pasimula ng relihiyon? Anong mga kaugalian ng pagsamba ang itinatag sa gitna ng sinauna at marahil ay primitibong mga tao?

[Mga talababa]

a Kung interesado kayo sa kagyat na tugon ng Bibliya sa mga tanong na ito, iminumungkahi namin na suriin ang sumusunod na teksto: (1) Genesis 1:26; 2:7; Ezekiel 18:4, 20; Levitico 24:17, 18; Mateo 10:28; (2) Deuteronomio 6:4; 1 Corinto 8:4-6; (3) Genesis 1:27, 28; Apocalipsis 21:1-4; (4) Eclesiastes 1:4; Mateo 24:3, 7, 8; (5) Juan 3:16; 17:3; Filipos 2:5-11; 4:6, 7; Hebreo 5:9.

[Blurb sa pahina 16]

Lahat ng relihiyon ay dapat magluwal ng mapayapang bunga. Ngunit ganoon nga ba?

[Kahon sa pahina 14]

Relihiyon, Pag-ibig, at Pagkapoot

▪ “Ang mga relihiyosong digmaan ay nagiging lubhang maalab. Kapag pinag-aagawan ng mga tao ang isang teritoryo sa kapakanan ng kanilang ekonomiya, humahantong ito sa punto na ang gastos ay hindi na sulit sa pagbabaka kaya sila’y nakikipagkompromiso. Kapag ang sanhi ay relihiyoso, ang pakikipagkompromiso at pakikipagkasundo ay waring itinuturing na masama.”​—Roger Shinn, propesor ng sosyal na etika, Union Theological Seminary, Nueba York.

▪ “Ang mga tao ay mag-aaway dahil sa relihiyon, magsusulat sa kapakanan nito, makikipagbaka ukol dito, mamamatay alang-alang dito; kahit ano huwag lang ang mamuhay ayon dito . . . Kapag nahadlangan ng tunay na relihiyon ang isang krimen, ang mga huwad na relihiyon ay may dahilan sa paggawa ng isang libo.”​—Charles Caleb Colton (1825).

▪ “Sapat ang ating relihiyon upang tayo ay mapoot, subalit hindi sapat upang tayo’y mag-ibigan sa isa’t-isa.”​—Jonathan Swift (1667-1745).

▪ “Kailanma’y walang kasamaang magagawa ang tao na kasing-ganap at kasing-ligaya tulad niyaong udyok ng relihiyosong paniniwala.”​—Blaise Pascal (1623-62).

▪ “Ang tunay na layunin ng isang matayog na relihiyon ay na ang mga espirituwal na payo at katotohanan na pinaka-buod nito ay maparating sa mas maraming kaluluwa upang ang bawat isa ay matulungang gumanap sa tunay na layunin ng Tao. Ang tunay na layunin ng Tao ay ang luwalhatiin ang Diyos at magalak sa Kaniya magpakailanman.”​—Arnold Toynbee, mananalaysay.

[Mga larawan sa pahina 4]

Sinasamba ng mga Hindu ang ilog Ganges—tinatawag na Ganga Ma, o Inang Ganga

Ang mga taimtim na Katoliko ay sumasamba kay Maria kapag sila’y nagrorosaryo

Sa ilang bansang Budhista, karamihan ng lalaki ay naglilingkod pansamantala bilang mga mongheng nakabata ng kulay-kahel

Ang mga tapat na lalaking Muslim ay nagtutungo sa Mecca kahit minsan man lamang

[Larawan sa pahina 6]

Mga Saksi ni Jehova, kilala sa buong daigdig dahil sa pangangaral, sa isang lungsod sa Hapón

[Larawan sa pahina 9]

Sanggol na binibinyagan sa isang simbahan ng Sangkakristiyanuhan. Ang relihiyon ba na kinamulatan ay siya na ngang tunay?

[Larawan sa pahina 11]

Tao bilang sakripisyong Aztec—lahat ba ng relihiyon ay talagang “magkakatulad na daan tungo sa katotohanan”?

[Larawan sa pahina 13]

Sa pangalan ng relihiyon, milyun-milyon ang pumatay at napatay

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share