Patuloy na Unahin ang Kaharian
1 Ang pag-una sa Kaharian ng Diyos sa ating buhay at ang patuloy na paggawa niyaon ay hindi madali kapag napapaharap tayo sa mga kagipitan sa ekonomiya o sa iba pang mga suliranin. Paano natin patuloy na uunahin ang Kaharian kapag may bumabangong mga suliranin? Paano kung tayo’y inalok ng isang trabaho na makahahadlang sa ating pagdalo sa mga pulong o sa ating paglilingkod sa larangan? Dapat bang ang Kaharian ay mapasapangalawahing dako sa buhay?
2 Kailangan ang Matibay na Pananampalataya: Kapag ang ating pananampalataya ay sinusubok sa ilalim ng gayong mga kalagayan, hindi natin dapat kalimutan ang pangako ni Jehova at ang katiyakang ibinigay ni Jesus hinggil sa pagsuporta ng Diyos kung ating hahanapin muna ang Kaharian. (Awit 37:25; Mat. 6:31-34) Ang impluwensiya at panggigipit ng sanlibutan ay maaaring magpalabo sa ating pangmalas at makahadlang sa atin na mapanatiling pinakamahalaga sa lahat ang Kaharian. Hinayaan ng ilan ang mga pagkakataon para sa pagkakaroon ng mataas na posisyon sa trabaho o pinansiyal na kapakinabangan na siyang maging pinakapangunahing bagay sa buhay. Gayunman, kagaya ni Pablo, kailangan nating suriin nang may katumpakan kung ano talaga ang mahalaga sa buhay.—Fil. 3:7, 8.
3 Kailangan ba ang mga Pagbabago? Isang mamamahayag ang nagsabi: “Ang puso ko ay nasa aking negosyo—ito ang pinakamamahal ko. Sa palagay ko’y maaari pa rin akong maging isang Saksi habang inilalaan ko ang karamihan ng aking panahon sa mga kapakanan ng negosyo.” Subalit binabagabag siya ng pagkadama na malaki pa ang magagawa niya sa paglilingkod kay Jehova. Sumapit ang panahon, iniwan niya ang negosyo na naging hadlang sa kaniyang espirituwal na pagsulong. Nang kaniyang lubusang mailaan ang kaniyang sarili sa gawaing pang-Kaharian, nasabi niya: “Ngayo’y nadarama kong ang aking buhay ay matagumpay sa mga mata ni Jehova, na siyang tunay na mahalaga.”
4 Kapuri-puri, tinalikuran ng marami ang kanilang sekular na mga karera at mga pagkakataon para sa higit na pinansiyal na mga kapakinabangan, pinasimple ang kanilang buhay, at pumasok sa buong-panahong paglilingkuran. Ginawa ito ng mga kabataan at mga binatang ministeryal na lingkod at matatanda na nagsidalo sa Ministerial Training School at ngayo’y nagtatamasa ng maiinam na pribilehiyo ng paglilingkod. Sa pagtulad sa napakahusay na halimbawa ni Pablo, sila ay tunay na nasisiyahan sa taglay nilang mga pangunahing materyal na pangangailangan.—1 Cor. 11:1; 1 Tim. 6:6-8; Heb. 13:5.
5 Bagaman ang ating pangmalas sa buhay ay maaaring kutyain ng sanlibutan, taglay natin ang pagpapala ni Jehova. (1 Cor. 1:26-31) Hindi ba’t nakapagpapatibay na malaman na gagamitin niya tayo nang lubusan hangga’t maaari at tutulungan tayong maisakatuparan ang ating gawain? Ang ating pagkakataon sa kasalukuyan na ipahayag ang naitatag na Kaharian ng Diyos ay hindi na kailanman mauulit. Kaya ngayon na ang panahon upang patuloy na unahin ang Kaharian sa ating buhay.