Magagawa Natin ang Hinihiling ni Jehova
1. Anu-anong damdamin ang kailangan nating paglabanan kung minsan, at bakit?
1 Ang pagsunod sa mga kautusan at mga simulain ni Jehova ang pinakamahusay na paraan ng pamumuhay sa ngayon, at tumutulong ito upang makapaglatag tayo ng mainam na pundasyon para sa isang walang-hanggang kinabukasan. (Awit 19:7-11; 1 Tim. 6:19) Gayunman, ginigipit tayo nang husto ng sanlibutan ni Satanas. Nakadaragdag pa sa problema ang atin mismong di-sakdal na laman. Sa pagsisikap na tuparin ang ating maka-Kasulatang mga pananagutan, kung minsan ay maaari nating madama na parang hindi na natin kaya ito. (Awit 40:12; 55:1-8) Baka nag-aalinlangan pa nga tayo kung magagawa ba natin ang lahat ng hinihiling sa atin ni Jehova. Sa gayong mga panahon, ano ang makatutulong sa atin na mapanatili ang ating espirituwal na pagkakatimbang?
2. Paanong si Jehova ay makatuwiran sa mga hinihiling niya sa atin?
2 Ang mga Utos ni Jehova ay Hindi Pabigat: Hindi kailanman humihiling sa atin si Jehova ng di-makatuwirang mga kahilingan. Ang kaniyang mga utos ay hindi pabigat kundi sa halip ay para sa ating kapakinabangan. (Deut. 10:12, 13; 1 Juan 5:3) Kinikilala niya ang ating mga kahinaan bilang mga tao, na “inaalaalang tayo ay alabok.” (Awit 103:13, 14) May-kaawaang tinatanggap ng Diyos ang ating buong makakaya upang paglingkuran siya, kahit na ang mga ito ay nalilimitahan ng ating mga kalagayan. (Lev. 5:7, 11; Mar. 14:8) Inaanyayahan niya tayong ihagis sa kaniya ang ating mga pasanin, at tinitiyak niya sa atin na gagawin niyang posible na tayo ay makapanatiling tapat.—Awit 55:22; 1 Cor. 10:13.
3. Paano tayo pinalalakas ni Jehova upang makapagbata?
3 Kailangan ang Pagbabata: Ipinakikita ng mga ulat ng Bibliya hinggil sa mga tagapag-ingat ng katapatan na gaya nina Elias, Jeremias, at Pablo ang pangangailangan ng pagbabata. (Heb. 10:36) Pinalakas sila ni Jehova sa mga panahon ng kapighatian at panghihina ng loob. (1 Hari 19:14-18; Jer. 20:7-11; 2 Cor. 1:8-11) At tayo’y napasisigla ng pagkamatapat ng ating mga kapatid sa makabagong panahon. (1 Ped. 5:9) Makatutulong sa atin ang pagbubulay-bulay sa gayong mga halimbawa upang hindi tayo masiraan ng loob.
4. Bakit mahalagang laging alalahanin ang mga pangako ng Diyos?
4 Ang pag-asa sa mga pangako ng Diyos ay isang “angkla para sa kaluluwa.” (Heb. 6:19) Pinakilos nito sina Abraham at Sara na tanggapin ang kahilingan ni Jehova na lisanin ang kanilang tahanan at ‘manirahan bilang mga dayuhan sa lupang ipinangako.’ Pinalakas nito si Moises na walang-takot na manindigan sa tunay na pagsamba. Pinatibay nito si Jesus na magbata sa isang pahirapang tulos. (Heb. 11:8-10, 13, 24-26; 12:2, 3) Sa katulad na paraan, makatutulong sa atin na manatiling matatag ang pagpapanatiling nagniningas sa ating puso ang pangako ng Diyos tungkol sa isang matuwid na bagong sanlibutan.—2 Ped. 3:11-13.
5. Bakit nakapagpapasiglang alalahanin ang atin mismong nakalipas na mga gawa ng pagkamatapat?
5 Makapagpapasigla rin sa ating paglilingkuran ang pag-alaala sa atin mismong nakalipas na mga gawa ng pagkamatapat, pagsasakripisyo sa sarili, at katapangan. (Heb. 10:32-34) Ipinaaalaala nito sa atin ang kagalakang nararanasan natin kapag ibinibigay natin ang hinihiling sa atin ni Jehova—ang ating buong-kaluluwang debosyon.—Mat. 22:37.