“Ang Inyong Pananalita Nawa ay Laging . . . Tinimplahan ng Asin”
1. Ano ang ibig sabihin ng ‘timplahan ng asin ang ating pananalita’?
1 “Ang inyong pananalita nawa ay laging may kagandahang-loob, na tinimplahan ng asin, upang malaman kung paano kayo dapat magbigay ng sagot sa bawat isa.” (Col. 4:6) Kapag tinimplahan ng asin ang ating pananalita, nangangahulugan ito na pinipili natin ang tamang mga salita at sinasabi ito sa paraang masarap pakinggan. Napakahalaga nito habang nasa ministeryo.
2. Paano nakapagpatotoo si Jesus sa isang Samaritana?
2 Halimbawa ni Jesus: Habang nagpapahinga malapit sa balon, kinausap ni Jesus ang isang Samaritana na nagtungo roon upang umigib ng tubig. Sa kanilang pag-uusap, ilang beses binanggit ng babae ang matagal nang alitan sa pagitan ng mga Judio at mga Samaritano. Sinabi rin niya ang kaniyang paniniwala na ang mga Samaritano ay nagmula kay Jacob, bagaman iginigiit ng mga Judio na ang mga Samaritano ay nagmula sa mga banyaga. Sa halip na kontrahin ang sinabi ng babae, pinanatili ni Jesus na kaayaaya ang pag-uusap. Kaya nakapagpatotoo si Jesus na nakatulong sa babae at sa mga Samaritano sa lunsod.—Juan 4:7-15, 39.
3. Paano natin matutularan ang halimbawa ni Jesus sa ministeryo?
3 Habang nangangaral tayo, dapat nating isaisip ang ating layunin—ang ‘ipahayag ang mabuting balita ng mabubuting bagay.’ (Roma 10:15) Gusto nating sabihin sa may-bahay ang kaakit-akit at nakapagpapatibay na mensahe mula sa Bibliya, at hindi ipadama sa kaniya na hinahatulan natin ang kaniyang paniniwala. Kung mali ang kaniyang pangmalas, hindi natin ito agad itatawag-pansin. May nasabi ba siyang maaari nating sang-ayunan o gamiting batayan para taimtim siyang papurihan? Marahil maaari nating banggitin ang isang teksto sa pagsasabing, “Naisip ba ninyong posible ang binabanggit dito?”
4. Ano ang dapat nating gawin kung masungit ang may-bahay?
4 Paano kung masungit ang may-bahay o malinaw na gusto lamang niyang makipagtalo? Patuloy pa rin tayong maging mahinahon at malumanay sa ating kilos at pananalita. (2 Tim. 2:24, 25) Kung hindi siya interesado sa mensahe ng Kaharian, makabubuting mataktikang magpaalam.—Mat. 7:6; 10:11-14.
5. Ano ang mabuting resulta ng mahinahong sagot ng isang sister?
5 Mabuting Resulta: Nang sikaping magpatotoo ng isang sister sa kaniyang kapitbahay, biglang nagalit ang babae at nagmura. Sa mabait na paraan, sinabi ng ating sister: “Pasensiya na po kayo. Sige po, aalis na po ako.” Makalipas ang dalawang linggo, kumatok ang babae sa pinto ng sister, humingi ng paumanhin sa kaniyang iginawi, at nagsabing gusto na niyang marinig ang sasabihin ng sister. Kadalasang may mabuting resulta ang mahinahong sagot!—Kaw. 15:1; 25:15.
6. Bakit mahalaga sa ministeryo na gumamit tayo ng pananalitang tinimplahan ng asin?
6 Sikaping gumamit ng pananalitang tinimplahan ng asin kapag inihahayag ang mabuting balita. Kahit na ayaw makinig ng may-bahay, baka makinig siya sa susunod na pagdalaw ng mga Saksi ni Jehova.