Nasa Krisis ang mga Bilangguan
“Ang paggawa ng karagdagang mga bilangguan upang lutasin ang suliranin ng krimen ay tulad ng paggawa ng mas marami pang libingan upang lutasin ang isang nakamamatay na sakit.”—ROBERT GANGI, EKSPERTO SA MGA KOREKSIYONAL.
SA ISANG daigdig na doo’y madalas na tinatakpan ng pinagandang mga pananalita ang madilim na bahagi ng katotohanan, ang mga tao ay may mas banayad na panghalili para sa nakapanlulumong salita na “bilangguan.” Mas gustong gamitin ng mga tao ang “penitentiary” o “correctional facility” (sa Ingles), kung saan inilalaan ang “bokasyonal na pagsasanay” at “paglilingkod panlipunan.” Mas gusto pa nga ng mga tao ang terminong “inmate” kaysa sa mapanghamak na salitang “prisoner.” Gayunman, suriin ang nasa likod ng tabing, at makikita mo na ang mga bilangguan ay napapaharap sa malulubhang problema sa ngayon, tulad ng mabilis na pagtaas ng gastos sa pagpapanatili ng mga nagkasala sa loob ng kulungan at ng lalo-pang-lumalaking agwat sa pagitan ng mga tunguhin ng pagbibilanggo at ng aktuwal na mga resulta.
Pinag-aalinlanganan ng ilang tao ang bisa ng mga bilangguan. Napapansin nila na bagaman ang bilang ng mga bilanggo sa buong daigdig ay tumaas sa mahigit na walong milyon, hindi gaanong bumaba ang bilang ng krimen sa maraming lupain. Bukod dito, bagaman ang marami sa mga nasa bilangguan ay naroroon dahil sa mga krimen na may kaugnayan sa droga, ang pagiging laganap ng mga droga sa lansangan ay isa pa ring malubhang suliranin.
Gayunpaman, mas pinipili ng marami ang pagbibilanggo bilang kaparusahan. Nadarama nilang kapag ibinilanggo ang nagkasala, naitataguyod ang katarungan. Isang peryodista ang naglarawan sa kasigasigan sa pagkukulong sa mga kriminal bilang “pagkahumaling sa pagbibilanggo.”
May apat na pangunahing dahilan kung bakit ibinibilanggo ang mga manlalabag-batas: (1) upang parusahan ang mga nagkasala, (2) upang ipagsanggalang ang lipunan, (3) upang maiwasan ang mga krimen sa hinaharap, at (4) upang makapagbagong-buhay ang mga kriminal, anupat tinuturuan sila na maging masunurin sa batas at kapaki-pakinabang sa lipunan kapag nakalaya na sila. Tingnan natin kung naisasakatuparan nga ng mga bilangguan ang mga tunguhing ito.