Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 2/22 p. 10-11
  • Itinaguyod ng Gresya ang mga Karapatan sa Relihiyon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Itinaguyod ng Gresya ang mga Karapatan sa Relihiyon
  • Gumising!—2002
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Naiibang Resulta
  • Nabigo ang Matinding Panggigipit
  • Humanga ang mga Nagmamasid
  • Isang Tampok na Bahagi ng Kombensiyon
  • Mga Kombensiyon—Katunayan ng Ating Pagkakapatiran
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
  • 1987 “Magtiwala kay Jehova” na Pandistritong Kombensiyon
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1987
  • 1998-99 “Ang Daan ng Diyos Ukol sa Buhay” na mga Pandistritong Kombensiyon
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1998
  • 1986 “Banal na Kapayapaan” na Pandistritong Kumbensiyon
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1986
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 2/22 p. 10-11

Itinaguyod ng Gresya ang mga Karapatan sa Relihiyon

SA KAUNA-UNAHANG PAGKAKATAON, pinahintulutan ng pamahalaan ng Gresya noong nakaraang taon na gamitin ng mga Saksi ni Jehova ang isa sa mga ipinagmamalaking dako ng bansa sa mga pasilidad sa isport para sa isang malaking kombensiyon. Iyon ay ang may bubong na Olympic Sportshall, na makapaglalaman ng mga 20,000 tao. Ang air-conditioned na arenang ito ay bahagi ng mga pasilidad na gagamitin sa 2004 Olympic Games sa Atenas.

Kapansin-pansin, noong 1963 at noong 1988, nagsaayos ang mga Saksi upang gamitin ang malalaking pasilidad sa isport sa Atenas para sa kanilang mga kombensiyon. Gayunman, sa dalawang pagkakataong iyon, nagpadala ang mga awtoridad sa mga banta ng Simbahang Griego Ortodokso at tumangging ipagamit ang mga iyon sa mga Saksi.

Isang Naiibang Resulta

Noong Pebrero 2001, humiling ang mga Saksi na gamitin ang Olympic Sportshall​—isa sa iilang may bubong na mga pasilidad na may sapat na laki upang magkasya sila roon. Ngunit nag-isip sila kung mangyayari kayang muli ang nangyari noon. Gaya ng kanilang pangamba, ang unang tugon ng mga awtoridad ay negatibo.

Gayunman, agad nilang nilapitan ang mga opisyal na may matataas na ranggo at may reputasyon sa pagiging makatarungan at walang-kinikilingan. Handa kaya nilang itaguyod ang mga karapatan sa pagsamba at mapayapang pagtitipon ayon sa saligang batas? Sasalansangin kaya nila ang panggigipit ng relihiyon? Gayon nga ang ginawa nila, at isang bagong desisyon ang nagpawalang-bisa sa naunang pagtanggi. Nagbigay-daan ito sa mga Saksi na maisaayos ang kanilang kombensiyon sa Sportshall noong Hulyo 27-29, 2001.

Kasabay nito, ipinahintulot ng mga awtoridad na magamit ng mga Saksi ang isa pang may bubong na pasilidad sa isport na hawak ng pamahalaan, ang Palais de Sport sa Tesalonica.

Nabigo ang Matinding Panggigipit

Nang papalapit na ang unang araw ng kombensiyon sa Atenas, nanatili pa rin ang nakababahalang mga tanong: Paninindigan kaya ng mga awtoridad ang kanilang ipinangako sa kabila ng panggigipit ng mga klerong Ortodokso? At maidaraos kaya ng mga Saksi ang kanilang pagtitipon nang walang paghadlang mula sa tampalasang mga elemento?

Ginamit pa rin ng Simbahang Ortodokso ang matanda nang mga taktika nito sa pagtatangkang mang-impluwensiya at guluhin ang kombensiyon. Isiniwalat ng mga istasyon ng TV na mahigpit na hiniling ng mga klerigong Ortodokso na huwag silang babanggit ng anumang bagay tungkol sa kombensiyon. Gayunman, nang dakong huli, hindi nagtagumpay ang mga pagsisikap ng simbahan.

Kabalintunaan, inakusahan ng Simbahang Ortodokso ang mga Saksi bilang isang palihim na relihiyon. Ngunit sa katunayan, ang simbahan ang nagtangkang humadlang sa publiko na malaman kung ano ang nangyayari sa loob ng Sportshall. Mabuti na lamang, ang malalakas-ang-loob na mga tagapagbalitang mula sa media ay hindi nagpadala sa panggigipit ng mga klero. Nagbigay sila ng malawakan at walang-kinikilingang balita tungkol sa kombensiyon.

Bukod diyan, libu-libong delegado ang nakibahagi sa pagbibigay-alam sa publiko ng tungkol sa kombensiyon at sa pakikipag-usap sa mga ito tungkol sa kanilang mga paniniwala. Saanman sila pumaroon, nakikilala ang mga delegado sa pamamagitan ng kanilang dilaw na mga badge ng kombensiyon. Marami sa mga tao na hindi mga Saksi ni Jehova ang inanyayahan at tumugon ang mga ito, anupat noong huling araw sa Sportshall ay lumaki ang bilang ng mga dumalo tungo sa 15,760. Noong huling dalawang dulong-sanlinggo ng Hulyo, ang mga kombensiyon sa Palais de Sport sa Tesalonica ay may pinagsamang bilang ng mga dumalo na 13,173.

Humanga ang mga Nagmamasid

Nang isang pulutong ng 2,604 na boluntaryo​—lahat ay mga Saksi ni Jehova​—ang dumagsa sa Sportshall, na naglilinis, nagpipinta, at naghahanda para sa kombensiyon, ang mga tagapangasiwa ng arena ay nagsabi: “Pumarito kami para makita ng sarili naming mga mata ang hindi pa kailanman nangyari sa lugar na ito.” Isang tao ang nagkomento: “Dapat na gamitin ninyo ang pasilidad na ito taun-taon upang maayos ito nang husto.”

Si Andreas Vardakis, direktor ng kapakanang pambayan ng Sportshall, ay humanga. “Pinaganda ninyo ang pasilidad na ito,” ang sabi niya. “Mayroon kaming mga tauhan upang magpatakbo sa lugar na ito. Ngunit ang inyong pakikibahagi ang pangunahing impluwensiya kung kaya naging matagumpay ang kombensiyong ito.”

Sa panahon ng kombensiyon, matapos matanto na hindi na niya kailangang magpadala ng mga tao upang pangasiwaan ang mapayapang pulutong, isang direktor ng pulisya ang bumulalas: “Hindi pa ako nakakita ng ganitong pagkamapitagan at kaayusan!”

Isang Tampok na Bahagi ng Kombensiyon

Sa pangwakas na pahayag ng kombensiyon, ipinatalastas na kinilala na ng Ministri ng Pambansang Edukasyon at mga Relihiyon ng Gresya ang mga Saksi ni Jehova bilang “isang kilaláng relihiyon.” Karagdagan pa, opisyal nang kinilala ng Ministri ang pambansang punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Atenas. Ganito ang sinabi sa isang bahagi ng dokumento ng pamahalaan:

“[Ang] Kristiyanong mga Saksi ni Jehova ay itinuturing ng administrasyon bilang isang kilaláng relihiyon . . . lakip na ang lahat ng legal na mga kapakinabangan na dulot nito. Ang nasabing artikulo ng Konstitusyon ay nagsasanggalang sa kalayaan sa pagsamba, sa pamamaraan ng pagpapahayag ng pagsamba, at sa malayang pagpili may kaugnayan sa pamamaraan ng pangangasiwa at organisasyon ng bawat simbahan o relihiyosong pagpupulong. Ang proteksiyong ito ay maliwanag na ipinaaabot sa mga lote at mga pasilidad ng Marousi [ang tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova bilang] isang sagrado at naitalagang dako, na naaalay sa pagsamba sa Diyos. Ang gayong mga pasilidad ay tinatawag na Bethel, iyon ay, ‘Bahay ng Diyos.’”

Ang mga Saksi ni Jehova, gayundin ang lahat ng pabor sa kalayaan sa relihiyon, ay nagpapasalamat sa mga pangyayaring ito. Ang kanilang mga panalangin ay na sana, bilang resulta, maipagpapatuloy ng mga tao ang kanilang Kristiyanong pamumuhay ‘nang payapa at tahimik, na may lubos na makadiyos na debosyon at pagkaseryoso.’​—1 Timoteo 2:1, 2.

[Mga larawan sa pahina 10]

Nagtipon ang mga Saksi sa Olympic Sportshall

[Credit Line]

Harry Bilios

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share