Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 5/8 p. 26-27
  • Parang Puwedeng Kainin!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Parang Puwedeng Kainin!
  • Gumising!—2005
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Paano Gagawing Mas Ligtas ang Pagkain
    Gumising!—2001
  • Kumakain Ka Bang Mabuti sa Espirituwal?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • 1. Maging Matalino sa Pamimili
    Gumising!—2012
  • Nakapagpapalusog na Pagkain Para sa Lahat—Malapit Na!
    Gumising!—2012
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 5/8 p. 26-27

Parang Puwedeng Kainin!

Mula sa manunulat ng Gumising! sa Hapon

NAKATITIG ka sa inaakala mong masarap na pagkain. Natakam ka at nagsimulang maglaway. Gayunman, ang kataka-taka, walang amoy, walang lasa, at walang sustansiya ang “pagkaing” ito. Hindi ito napapanis at hindi kailangang ilagay sa repridyeretor. Ano kaya ito? Sa Hapon, isa lamang ang isasagot sa iyo​—isang modelo ng pagkaing gawa sa plastik. Ang pagkaing gawa sa plastik na vinyl ay modelo ng pagkaing makikita sa menu ng restawran. Ginawa itong eksaktong kasinlaki, kahugis, at kakulay ng aktuwal na pagkain.

Ang mga pandispley na pagkaing ito ay makikita sa maraming anyo​—mula sa tradisyonal na mga putaheng Hapones, gaya ng sushi, hanggang sa mga paboritong pagkain sa Kanluran, gaya ng pizza at ispageti. May mga modelo rin ng mga inumin, pampagana, at panghimagas. Nakagugulat ang pagkakasari-sari nito. Sa katunayan, isang kompanya ang nag-aalok ng mahigit sa 10,000 modelo ng pagkain!

Parang totoo ang mga plastik na modelo ng pagkain. Buong-husay na inilakip dito ang maliliit na detalye​—gaya ng maliliit na umbok sa balat ng hinurnong manok, kalát-kalát na mga buto sa isang hiwa ng pakwan, at bahagyang kurba sa dahon ng letsugas. Subalit paano naging napakapopular sa mga restawran sa Hapon ang mga pagkaing gawa sa plastik?

Sa pagtatapos ng ika-19 na siglo, idinispley ng ilang restawran ang mga sampol ng kanilang mga putahe upang ipakilala sa mga Hapones ang mga pagkain sa ibang bansa. Kaya maaaring makita ng mga nagdaraan ang pagkain nang hindi na sila kailangan pang pumasok sa loob ng restawran. Mangyari pa, inaakit ng mga displey na ito hindi lamang ang mga tao kundi ang mga hayop at langaw rin. Napapanis ang pagkain dahil sa init at halumigmig, at napakagastos ng araw-araw na paghahanda ng mga sampol.

Nang maglaon, ang totoong pagkain ay pinalitan ng mga modelong gawa sa pinatigas at kinulayang pagkit. Pero may malaking disbentaha sa paggamit ng pagkit​—natutunaw ito kapag mainit ang panahon. Nang bandang huli, ang pagkit ay pinalitan ng plastik na vinyl. Sa wakas, narito ang isang produktong bukod sa matibay at nakatatagal sa init ay umaakit din naman ng tamang mga kostumer​—ang mga tao! Subalit paano ginagawa ang plastik na mga modelong ito?

Una, gumagawa ng molde ng pagkain. Halimbawa, ilalagay ang isang piraso ng karne (steak) sa isang parisukat na sisidlan, at pagkatapos ay bubuhusan ito ng silicon hanggang sa lumubog nang husto ang karne. Kapag tumigas na ang molde, itataob ito. Aalisin ang karne, at maiiwan ang bakas nito. Pagkatapos ay ibubuhos sa molde ang vinyl na may kulay at ihuhurno sa temperaturang 82 digri Celsius. Kapag lumamig na, aalisin ang karne na gawa sa plastik. Ngayon ay maaari na itong pinturahan.

Upang makagawa ng sandwich, ang bawat sangkap nito​—tinapay, karne, keso, at letsugas​—ay kailangang imolde nang magkakahiwalay. Pagkatapos nito, ang proseso ay kagaya ng paghahanda ng isang tunay na sandwich. Ang mga sangkap ay patung-patong na ipapalaman sa tinapay. Gayunman, sa plastik na sandwich, nilalagyan ng kola ang bawat piraso upang magdikit.

Masasabing isang anyo ng sining ang paggawa ng plastik na pagkain. “Upang magmukhang totoo ang pagkaing gawa sa plastik, kailangang maingat na pagmasdan ang totoong pagkain,” ang sabi ni Katsuji Kaneyama, na 23 taon nang may ganitong negosyo. “Itinuturing ng mga tao ang pagkain bilang isang bagay na makakain. Itinuturing namin ang pagkain bilang isang bagay na gagawin.”

Kung pagmamasdan mo nang malapitan ang isang mangkok ng bagong lutong kanin ng Hapon, makikita mo ang indibiduwal na mga butil nito. Ipinaliwanag ni Kaneyama na ang kanin sa isang mangkok ay nakaumbok. Upang magaya ito, kailangang imolde nang magkakahiwalay ang bawat butil. Hindi puwedeng basta pagsama-samahin ang mga butil dahil magiging patag lamang ito. Sa halip, kailangang maingat na iposisyon at idikit ang mga butil upang magmukha itong tumpok ng tunay na kanin. Kung gagawing mas mukhang tunay ang pagkain, lalong maaakit ang mga tumititig dito.

Kailangan ang maraming taon ng karanasan upang maging bihasa sa paggawa ng mga pagkaing gawa sa plastik. Maaaring gugulin ng aprentis ang unang ilang taon sa pag-aaral ng saligang mga kasanayan, anupat nagsisimulang magmolde ng mas simpleng mga bagay gaya ng mga kabute. Mga sampung taon ang kailangan bago makagawa ng parang totoong modelo ng bagong-huling isda na may masalimuot na disenyo at kulay. Baka halos 15 taon ang kailanganin bago ka ituring na eksperto sa larangang ito.

Kapag napadaan ka sa isang restawran sa Hapon at makakita ka ng nakadispley na katakam-takam na pagkain, alalahanin ang maingat na pagpapagal na kinailangan upang magawa ito. Baka mag-isip ka kung alin ang nangangailangan ng higit na kasanayan​—ang paghahanda ng totoong pagkain o ang paggawa ng plastik na modelo!

[Kahon sa pahina 27]

Sa Pelikula

Sa susunod na makakita ka ng pagkain sa pelikula, programa sa telebisyon, o patalastas, pagmasdan mo itong mabuti. Maaaring hindi ito totoo. Ayon sa tagaayos ng pagkain na si Chris Oliver na taga-Los Angeles, napakaraming oras ang ginugugol sa shooting ng isang eksena kaya angkop na angkop na gamitin ang mga plastik na modelo ng pagkain. “Mas mahal ito kaysa sa pagbili ng totoong pagkain, subalit mas praktikal naman,” ang sabi niya. Sa katunayan, dahil sa init ng mga ilaw para sa kamera, ang plastik na pagkain ay mahusay na pamalit sa totoong pagkain.

[Larawan sa pahina 26]

Masasabi mo ba kung alin dito ang totoo? (Nasa pahina 27 ang sagot)

Sagot: Ang tunay na pagkain ay nasa bandehado sa kanang kamay ng babae.

[Picture Credit Line sa pahina 26]

Mga larawan sa ibaba: Hachiman Town, Gujyo City, Gifu Prefecture, Japan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share