Gamitin Ito sa Bawat Pagkakataon
1. Saan natin magagamit ang tract na Malaman ang Katotohanan?
1 Ang tract na Gusto Mo Bang Malaman ang Katotohanan? ay dinisenyo para tulungan tayong magpasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya. Mabisang pantulong din ito para maihasik natin sa maraming tao ang binhi ng katotohanan. (Ecles. 11:6) Narito ang ilang mungkahi kung paano natin ito gagamitin.
2. Paano natin gagamitin ang tract para pasimulan ang pag-uusap?
2 Para Pasimulan ang Pag-uusap: Iabot ang tract sa may-bahay, ituro ang anim na tanong sa unang pahina, at itanong: “Alin sa mga tanong na ito ang napag-isipan mo na?” Pagkatapos marinig ang sagot niya, talakayin mula sa tract ang sagot ng Bibliya sa napili niyang tanong at basahin ang isa sa mga binanggit na teksto. Sabihin sa maikli o basahin ang nilalaman ng huling pahina, at ialok ang aklat na Itinuturo ng Bibliya. Kahit tanggihan niya ang aklat, kung tinanggap naman niya ang tract, maaari itong makatulong para mag-ugat ang katotohanan sa kaniyang puso.—Mat. 13:23.
3. Kung abala ang may-bahay, ano ang maaari mong gawin?
3 Kung Abala ang May-bahay: Maaari mong sabihin: “Dahil abala po kayo, iiwan ko na lang po ang tract na ito. Mayroon po itong anim na karaniwang tanong at ipinakikita nito ang tuwirang sagot ng Bibliya. Sa pagbabalik ko, pag-usapan natin ito.”
4. Ano ang maaari nating sabihin sa pag-aalok ng tract sa lansangan?
4 Kapag Nagpapatotoo sa Lansangan: Maaari mong sabihin: “Hello. Naitanong mo na ba ang isa sa mga tanong dito? [Hayaang sumagot.] Ipinakikita rito ang malinaw at kasiya-siyang mga sagot ng Bibliya.” Kung hindi nagmamadali ang kausap, maaari mong talakayin ang isa sa mga sagot mula sa tract at ialok ang aklat na Itinuturo ng Bibliya.
5. Paano natin magagamit paminsan-minsan ang tract sa mga bahay na walang tao?
5 Kung Walang Tao sa Bahay: Sa ilang teritoryo, karaniwan nang nag-iiwan ng literatura ang mga mamamahayag sa mga bahay na walang tao. Kung ginagawa ito ng inyong kongregasyon, bakit hindi rin mag-iwan paminsan-minsan ng tract na Malaman ang Katotohanan? Sa pagbabalik mo, maaari mong sabihin: “Noong pumunta kami dito, hindi ka namin dinatnan, kaya iniwan na lang namin sa pinto mo ang tract na ito. Alin sa mga tanong dito ang gusto mong masagot?”
6. Bakit mabisang pantulong sa pangangaral ang tract na Malaman ang Katotohanan?
6 Ang tract na Malaman ang Katotohanan ay naghaharap sa katotohanan sa simpleng paraan. Nakukuha nito ang interes ng lahat anuman ang kanilang relihiyon at kultura. Napakadali nitong ialok, maging ng mga kabataan at baguhang mamamahayag. Ginagamit mo ba ito sa bawat angkop na pagkakataon?