LIHAM SA MGA TAGA-GALACIA
1 Ako si Pablo, isang apostol na hindi mula sa mga tao o sa pamamagitan man ng isang tao, kundi sa pamamagitan ni Jesu-Kristo+ at ng Diyos na Ama,+ na bumuhay-muli sa kaniya. 2 Ako at ang lahat ng kapatid na kasama ko ay sumusulat sa mga kongregasyon sa Galacia:
3 Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at mula sa Panginoong Jesu-Kristo. 4 Ibinigay niya ang sarili niya para maalis ang mga kasalanan natin+ at mailigtas tayo mula sa masamang sistemang* ito+ ayon sa kalooban ng ating Diyos at Ama,+ 5 na dapat luwalhatiin magpakailanman. Amen.
6 Hindi ako makapaniwala na ngayon pa lang ay tumatalikod* na kayo mula sa Isa na tumawag sa inyo sa pamamagitan ng walang-kapantay na kabaitan ni Kristo at bumabaling na kayo sa ibang uri ng mabuting balita.+ 7 Hindi sa may iba pang mabuting balita kundi may ilan na nanggugulo sa inyo+ at gustong pilipitin ang mabuting balita tungkol sa Kristo. 8 Pero kahit pa isa sa amin o isang anghel mula sa langit ang magpahayag sa inyo ng mabuting balita na iba sa mabuting balita na ipinahayag namin sa inyo, sumpain siya. 9 Gaya ng sinabi na namin, sinasabi ko ulit ngayon: Sumpain ang sinumang nagpapahayag sa inyo ng mabuting balita na iba sa pinaniwalaan ninyo.
10 Pabor nga ba ng tao ang sinisikap kong makuha o pabor ng Diyos? Sinisikap ko bang palugdan ang mga tao? Kung mga tao pa rin ang pinalulugdan ko, hindi ako magiging alipin ni Kristo. 11 Gusto kong malaman ninyo, mga kapatid, na ang mabuting balita na ipinahayag ko sa inyo ay hindi galing sa tao;+ 12 dahil hindi ko ito tinanggap mula sa tao at hindi ito itinuro sa akin ng tao, kundi isiniwalat sa akin ni Jesu-Kristo.
13 Gaya ng alam ninyo, noong nasa Judaismo pa ako,+ pinag-usig ko nang matindi* at ipinahamak ang kongregasyon ng Diyos;+ 14 at sa relihiyong Judaismo, mas masulong ako kaysa sa maraming kaedad ko sa aking bansa, dahil di-hamak na mas masigasig ako sa pagsasagawa ng mga tradisyon ng mga ninuno* ko.+ 15 Pero nang minabuti ng Diyos, na dahilan ng pagsilang ko at tumawag sa akin sa pamamagitan ng kaniyang walang-kapantay na kabaitan,+ 16 na isiwalat ang Anak niya sa pamamagitan ko para maihayag ko sa mga bansa ang mabuting balita tungkol sa kaniya,+ hindi ako agad kumonsulta sa sinumang tao;* 17 hindi rin ako pumunta sa Jerusalem kung saan naroon ang mga apostol na nauna sa akin, kundi pumunta ako sa Arabia at saka bumalik sa Damasco.+
18 Pagkalipas ng tatlong taon, pumunta ako sa Jerusalem+ para dalawin si Cefas,*+ at nanatili akong kasama niya nang 15 araw. 19 Pero hindi ko nakita ang iba pang apostol, maliban kay Santiago+ na kapatid ng Panginoon. 20 Sa harap ng Diyos, tinitiyak ko sa inyo na ang mga isinusulat ko ay hindi kasinungalingan.
21 Pagkatapos, pumunta ako sa mga rehiyon ng Sirya at Cilicia.+ 22 Pero hindi ako personal na nakilala ng mga alagad ni Kristo sa mga kongregasyon sa Judea. 23 Naririnig lang nila dati: “Ang taong umuusig sa atin noon+ ay naghahayag na ngayon ng mabuting balita tungkol sa pananampalatayang dati niyang sinisira.”+ 24 Kaya pinasimulan nilang luwalhatiin ang Diyos dahil sa akin.
2 Pagkalipas ng 14 na taon, bumalik ako sa Jerusalem kasama si Bernabe,+ at isinama ko rin si Tito.+ 2 Bumalik ako dahil sa isang pagsisiwalat, at inilahad ko ang mabuting balita na ipinangangaral ko sa gitna ng mga bansa. Pero sa iginagalang na mga lalaki ko lang ito sinabi, para matiyak ko na ang ministeryong isinasagawa ko o naisagawa na ay may kabuluhan. 3 Gayunman, hindi pinilit na magpatuli ang kasama kong si Tito,+ kahit isa siyang Griego. 4 Pero naging isyu ito dahil sa nagkukunwaring mga kapatid na pumasok nang tahimik+ at nag-espiya para sirain ang kalayaang+ taglay natin bilang mga kaisa ni Kristo Jesus, nang sa gayon ay lubusan nila tayong maging alipin;+ 5 hindi kami nagpasakop sa kanila,+ hindi, kahit isang saglit,* para ang katotohanan ng mabuting balita ay manatili sa inyo.
6 Pero pagdating sa mga taong itinuturing na mahalaga,+ ang totoo, wala namang ibinahaging bago sa akin ang iginagalang na mga lalaking iyon—anuman ang katayuan nila noon ay walang halaga sa akin, dahil ang pananaw ng Diyos ay hindi katulad ng pananaw ng tao. 7 Ang totoo, nang makita nilang ipinagkatiwala sa akin ang pangangaral ng mabuting balita para sa mga di-tuli,+ kung paanong ipinagkatiwala kay Pedro ang pangangaral sa mga tuli— 8 dahil ang nagbigay kay Pedro ng kakayahan para maging apostol sa mga tuli ay nagbigay rin sa akin ng kakayahan para maging apostol sa ibang mga bansa+— 9 at nang malaman nila na tumanggap ako ng walang-kapantay* na kabaitan,+ iniabot ng kinikilalang mga haligi na sina Santiago,+ Cefas,* at Juan ang kanang kamay nila sa amin ni Bernabe,+ na nagpapakitang sang-ayon sila na pumunta kami sa ibang mga bansa at sila naman sa mga tuli. 10 Ang hiling lang nila ay lagi naming isaisip ang mahihirap, at lagi ko itong pinagsisikapang gawin.+
11 Pero nang dumating si Cefas*+ sa Antioquia,+ sinaway ko siya nang harapan,* dahil malinaw na mali ang ginawa niya.* 12 Dahil bago dumating ang mga lalaking isinugo ni Santiago,+ kumakain siyang kasama ng mga tao ng ibang mga bansa;+ pero nang dumating sila, itinigil niya ito at iniwasan ang mga taong iyon, dahil natakot siya sa mga tagasuporta ng pagtutuli.+ 13 Ginaya ng ibang mga Judio ang pagkukunwari niya, kaya kahit si Bernabe ay naimpluwensiyahan nilang magkunwari. 14 Pero nang makita kong hindi sila lumalakad ayon sa katotohanan ng mabuting balita,+ sinabi ko kay Cefas* sa harap nilang lahat: “Kung ikaw, na isang Judio, ay namumuhay na gaya ng mga tao ng ibang mga bansa at hindi gaya ng mga Judio, bakit mo inoobliga ang mga tao ng ibang mga bansa na mamuhay ayon sa kaugalian ng mga Judio?”+
15 Tayo na mga ipinanganak na Judio, at hindi mga makasalanan mula sa ibang mga bansa, 16 ay nakaaalam na ang isang tao ay ipinahahayag na matuwid, hindi dahil sa pagsunod sa kautusan, kundi sa pamamagitan lang ng pananampalataya+ kay Jesu-Kristo.+ Kaya nananampalataya tayo kay Kristo Jesus para maipahayag tayong matuwid dahil sa pananampalataya kay Kristo at hindi sa pagsunod sa kautusan, dahil walang sinumang* maipahahayag na matuwid sa pamamagitan ng pagsunod sa kautusan.+ 17 Pero kung tayo rin ay itinuturing na makasalanan habang sinisikap natin na maipahayag tayong matuwid sa pamamagitan ni Kristo, ibig bang sabihin, si Kristo ay tagapagtaguyod ng kasalanan? Siyempre hindi! 18 Kung itatayo kong muli ang mismong mga bagay na ibinagsak ko, ipinapakita ko na ako ay isang manlalabag-batas. 19 Dahil sa pamamagitan ng Kautusan, namatay ako may kinalaman sa Kautusan,+ nang sa gayon ay mabuhay ako para sa Diyos. 20 Ipinako ako sa tulos kasama ni Kristo.+ Hindi na ako ang nabubuhay,+ kundi si Kristo na kaisa ko. Oo, ang buhay ko ngayon bilang tao ay ayon sa pananampalataya sa Anak ng Diyos,+ na nagmahal sa akin at nagbigay ng sarili niya para sa akin.+ 21 Hindi ko itinatakwil ang walang-kapantay na kabaitan ng Diyos,+ dahil kung magiging matuwid ang tao sa pamamagitan ng kautusan, walang kabuluhan ang pagkamatay ni Kristo.+
3 O mga taga-Galacia na hindi nag-iisip, sino ang nakapanlinlang sa inyo,*+ kahit pa malinaw na inilarawan sa inyo kung paano ipinako si Jesu-Kristo sa tulos?+ 2 Ito ang tanong ko:* Tinanggap ba ninyo ang espiritu dahil sa pagsunod sa kautusan o dahil sa pananampalataya sa mga bagay na narinig ninyo?+ 3 Talaga bang hindi kayo nag-iisip? Matapos ninyong simulan na magpagabay sa espiritu,* tatapusin ba ninyo ang inyong landasin nang nagpapagabay sa laman?+ 4 Dumanas ba kayo ng napakaraming pagdurusa para lang sa wala? Hindi ako naniniwalang walang saysay ang pinagdaanan ninyo. 5 Kung gayon, siya na nagbibigay sa inyo ng espiritu at nagsasagawa ng makapangyarihang mga gawa+ sa gitna ninyo, ginagawa niya ba iyon dahil sa pagsunod ninyo sa kautusan o dahil sa pananampalataya ninyo sa mga bagay na narinig ninyo? 6 Katulad iyan ng nangyari kay Abraham na “nanampalataya kay Jehova,* at dahil dito, itinuring siyang matuwid.”+
7 Tiyak na alam ninyo na ang mga anak ni Abraham ay ang mga nanghahawakan sa pananampalataya.+ 8 Patiunang nakita ng kasulatan na ipahahayag ng Diyos na matuwid ang mga tao ng ibang mga bansa dahil sa pananampalataya, kaya patiuna nitong ipinaalám kay Abraham ang mabuting balitang ito: “Sa pamamagitan mo ay pagpapalain ang lahat ng bansa.”+ 9 Kaya ang mga nanghahawakan sa pananampalataya ay pinagpapala kasama ni Abraham, na may pananampalataya.+
10 Ang lahat ng umaasa sa kautusan ay nasa ilalim ng sumpa, dahil nasusulat: “Sumpain ang sinuman na hindi laging sumusunod sa lahat ng nakasulat sa balumbon ng Kautusan.”+ 11 Bukod diyan, malinaw na walang sinuman ang ipahahayag ng Diyos na matuwid dahil sa pagsunod sa kautusan,+ dahil “ang matuwid ay mabubuhay dahil sa kaniyang pananampalataya.”+ 12 At ang Kautusan ay walang kaugnayan sa pananampalataya, dahil nasusulat: “Ang taong tumutupad sa mga iyon ay mabubuhay dahil sa mga iyon.”+ 13 Binili tayo ni Kristo+ at pinalaya+ mula sa sumpa ng Kautusan nang siya ay maging isang sumpa sa halip na tayo, dahil nasusulat: “Isinumpa ang bawat tao na nakabitin sa tulos.”+ 14 Nangyari ito para matanggap ng ibang mga bansa sa pamamagitan ni Kristo Jesus ang pagpapalang+ ipinangako kay Abraham at para matanggap natin ang ipinangakong espiritu+ sa pamamagitan ng ating pananampalataya.
15 Mga kapatid, gagamit ako ng ilustrasyon na pamilyar sa tao: Kapag nabigyang-bisa na ang isang tipan, kahit ng isang tao lang, hindi ito puwedeng ipawalang-bisa o dagdagan ng sinuman. 16 Ngayon, ang mga pangako ay ibinigay kay Abraham at sa kaniyang supling.*+ Hindi sinabi ng kasulatan na “at sa mga supling* mo,” na marami ang tinutukoy. Ang sabi ay “at sa supling* mo,” na isa lang ang tinutukoy, si Kristo.+ 17 Bilang karagdagan, ang Kautusan, na ibinigay pagkaraan ng 430 taon,+ ay hindi nagpapawalang-bisa sa naunang pakikipagtipan ng Diyos, at hindi nito mapapawi ang pangako niya. 18 Dahil kung ang mana ay nakasalig sa kautusan, hindi na ito nakasalig sa pangako; pero ipinagkaloob ito ng Diyos kay Abraham sa pamamagitan ng isang pangako.+
19 Pero bakit may Kautusan? Idinagdag ito para maging hayag ang mga pagkakasala+ hanggang sa dumating ang pinangakuang supling;*+ at ibinigay ito sa mga anghel,+ na naghayag naman nito sa tulong ng isang tagapamagitan.+ 20 Hindi kailangan ang tagapamagitan kung iisang persona lang ang sangkot, at ang Diyos ay iisa lang. 21 Kung gayon, ang Kautusan ba ay laban sa mga pangako ng Diyos? Siyempre hindi! Dahil kung ang kautusang ibinigay ay makapagbibigay-buhay, puwedeng maituring na matuwid ang isang tao dahil sa pagsunod sa kautusan. 22 Pero ibinigay ng Kasulatan ang lahat ng bagay sa kontrol ng kasalanan, para ang pangakong nakasalig sa pananampalataya kay Jesu-Kristo ay maibigay sa mga nananampalataya.
23 Gayunman, bago dumating ang tunay na pananampalataya, binabantayan tayo ng kautusan at nasa ilalim ng kontrol nito habang hinihintay natin ang pananampalatayang isisiwalat pa lang.+ 24 Kaya ang Kautusan ay naging tagapagbantay* natin na umaakay kay Kristo,+ para maipahayag tayong matuwid dahil sa pananampalataya.+ 25 Pero ngayong dumating na ang pananampalataya,+ wala na tayo sa ilalim ng isang tagapagbantay.*+
26 Ang totoo, kayong lahat ay anak ng Diyos+ dahil sa inyong pananampalataya kay Kristo Jesus;+ 27 dahil tinularan* ninyong lahat si Kristo,+ kayo na nabautismuhan at kaisa na ngayon ni Kristo. 28 Walang pagkakaiba ang Judio at Griego,+ ang alipin at taong malaya,+ at ang lalaki at babae,+ dahil kayong lahat ay nagkakaisa bilang mga tagasunod ni Kristo Jesus.+ 29 Bukod diyan, kung kayo ay kay Kristo, talagang supling* kayo ni Abraham,+ mga tagapagmana+ ayon sa pangako.+
4 Ngayon ay sinasabi ko na hangga’t bata pa ang tagapagmana, wala siyang kaibahan sa isang alipin, kahit siya ang panginoon ng lahat ng bagay; 2 dahil nasa ilalim siya ng mga tagapagbantay at mga katiwala hanggang sa araw na patiunang itinakda ng ama niya. 3 Gayon din tayo; noong mga bata pa tayo, alipin tayo ng mga bagay* sa sanlibutan.+ 4 Pero nang matapos ang itinakdang panahon, isinugo ng Diyos ang Anak niya, na isinilang ng isang babae+ at nasa ilalim ng kautusan,+ 5 para mabili niya at mapalaya ang mga nasa ilalim ng kautusan,+ nang sa gayon ay maampon tayo bilang mga anak.+
6 At dahil kayo ay mga anak, ipinadala ng Diyos sa ating mga puso ang espiritu+ na nasa Anak niya, at sumisigaw ito: “Abba,* Ama!”+ 7 Kaya hindi ka na alipin kundi isang anak; at kung isa kang anak, ginawa ka rin ng Diyos na isang tagapagmana.+
8 Pero noong hindi pa ninyo kilala ang Diyos, alipin kayo ng di-totoong mga diyos. 9 At ngayong nakilala na ninyo ang Diyos, o mas tamang sabihin, ngayong nakilala na kayo ng Diyos, bakit kayo bumabalik sa mahihina+ at walang-kabuluhang* mga bagay at gusto ninyong magpaaliping muli sa mga ito?+ 10 Tinitiyak ninyong maipagdiwang ang mga araw, buwan,+ panahon,* at taon. 11 Natatakot ako na baka nasayang lang ang mga pagsisikap kong tulungan kayo.
12 Mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo na tularan ninyo ako, dahil kagaya rin ninyo ako noon.+ Wala kayong ginawang mali sa akin. 13 Alam ninyo na naipahayag ko sa inyo sa unang pagkakataon ang mabuting balita dahil sa sakit ko. 14 At kahit naging pagsubok sa inyo ang sakit ko, hindi ninyo ako hinamak o kinasuklaman,* kundi tinanggap ninyo akong gaya ng isang anghel ng Diyos, gaya ni Kristo Jesus. 15 Nasaan na ang kaligayahan ninyong iyon? Alam na alam ko na kung puwede lang, dudukitin ninyo noon ang mga mata ninyo para ibigay sa akin.+ 16 Pero ngayon ba ay kaaway na ninyo ako dahil sinasabi ko sa inyo ang totoo? 17 Ginagawa nila ang lahat para makuha ang loob ninyo, pero masama ang motibo nila; gusto nila kayong ihiwalay sa akin para sa kanila kayo sumunod. 18 Wala namang masama kung gusto ng iba na makuha ang loob ninyo kung maganda ang motibo nila, at gayundin, hindi lang kapag kasama ninyo ako. 19 Mahal kong mga anak,+ nakararanas na naman ako ng kirot ng panganganak dahil sa inyo, at mararamdaman ko ito hanggang sa matularan ninyo ang personalidad ni Kristo. 20 Kung puwede lang sanang makasama ko kayo ngayon at maging mas mahinahon ako sa pagsasalita, dahil hindi ko alam ang gagawin sa inyo.
21 Sabihin ninyo sa akin, kayong mga gustong mapasailalim sa kautusan, hindi ba ninyo naririnig ang sinasabi ng Kautusan? 22 Halimbawa, nasusulat na si Abraham ay nagkaroon ng dalawang anak, ang isa ay sa alilang babae+ at ang isa naman ay sa malayang babae;+ 23 nagdalang-tao ang alilang babae sa natural na paraan*+ pero nagdalang-tao ang malayang babae dahil sa pangako.+ 24 Ang mga bagay na ito ay isang makasagisag na drama, dahil ang mga babaeng ito ay sumasagisag sa dalawang tipan. Ang isa ay mula sa Bundok Sinai,+ na nagsilang ng mga anak para sa pagkaalipin, at siya si Hagar. 25 Si Hagar ay sumasagisag sa Sinai,+ isang bundok sa Arabia, at kumakatawan siya sa Jerusalem ngayon, dahil siya* ay aliping kasama ng mga anak* niya. 26 Pero ang Jerusalem sa itaas ay malaya, at siya ang ating ina.
27 Dahil nasusulat: “Magsaya ka, ikaw na babaeng baog na hindi nanganak; humiyaw ka sa kagalakan, ikaw na babaeng hindi nakaranas ng kirot ng panganganak; dahil ang mga anak ng babaeng pinabayaan ay mas marami kaysa sa mga anak ng babaeng may asawa.”+ 28 Kayo, mga kapatid, ay naging anak din dahil sa pangako, gaya ni Isaac.+ 29 Pero kung paanong ang anak na ipinagbuntis sa pamamagitan ng espiritu ay pinag-usig noon ng anak na ipinagbuntis sa natural na paraan,*+ gayon din naman ngayon.+ 30 Gayunman, ano ba ang sinasabi ng kasulatan? “Palayasin mo ang alilang babae at ang anak niya, dahil ang anak ng alilang babae ay hindi kailanman magiging tagapagmanang kasama ng anak ng malayang babae.”+ 31 Kaya, mga kapatid, tayo ay mga anak ng malayang babae, hindi ng isang alilang babae.
5 Pinalaya tayo ni Kristo para matamo ang kalayaang iyon. Kaya maging matatag kayo,+ at huwag ninyong hayaang mapasailalim kayong muli sa pamatok ng pagkaalipin.+
2 Tingnan ninyo, akong si Pablo ay nagsasabi sa inyo na kung magiging tuli kayo, hindi kayo makikinabang sa ginawa ni Kristo.+ 3 At sinasabi kong muli sa bawat isang magpapatuli na may pananagutan siyang sundin ang buong Kautusan.+ 4 Hiwalay kayo kay Kristo, kayong mga nagsisikap na maipahayag na matuwid sa pamamagitan ng kautusan;+ hindi na kayo sakop ng walang-kapantay na kabaitan niya. 5 Pero tayo ay sabik na naghihintay na maging ganap na matuwid sa harap ng Diyos, na posible lang sa pamamagitan ng banal na espiritu at ng ating pananampalataya. 6 Dahil para sa mga kaisa ni Kristo Jesus, walang halaga ang pagiging tuli o di-tuli;+ ang mahalaga ay ang pananampalatayang naipapakita sa pamamagitan ng pag-ibig.
7 Mahusay na ang takbo ninyo noon.+ Sino ang humadlang sa inyo sa patuloy na pagsunod sa katotohanan? 8 Ang pangangatuwiran ng mga humahadlang sa inyo ay hindi mula sa Isa na tumatawag sa inyo. 9 Ang kaunting lebadura* ay nagpapaalsa sa buong masa.+ 10 Nagtitiwala ako na kayong mga kaisa ng Panginoon+ ay sasang-ayon sa akin; pero ang nanggugulo sa inyo,+ kung sinuman siya, ay tatanggap ng hatol na karapat-dapat sa kaniya. 11 Mga kapatid, kung ipinangangaral ko pa rin ang pagtutuli, bakit pa ako pinag-uusig? Kung totoo iyon, hindi na makakatisod ang pahirapang tulos.*+ 12 Magpakapon* na lang sana ang mga lalaking nanggugulo sa inyo.
13 Mga kapatid, pinili kayo para maging malaya; pero huwag sana ninyong gamitin ang kalayaang ito para sundin ang makalamang mga pagnanasa,+ kundi maudyukan sana kayo ng pag-ibig na magpaalipin sa isa’t isa.+ 14 Dahil ang buong Kautusan ay mabubuod* sa isang utos: “Dapat mong mahalin ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.”+ 15 Pero kung patuloy kayong nagkakagatan at nagsasakmalan,+ mag-ingat kayo dahil baka malipol ninyo ang isa’t isa.+
16 Kundi sinasabi ko, patuloy na lumakad ayon sa espiritu+ at hindi ninyo kailanman maisasagawa ang inyong makalamang mga pagnanasa.+ 17 Dahil ang makalamang mga pagnanasa ay laban sa espiritu, at ang espiritu ay laban sa laman; magkalaban ang dalawang ito, kaya hindi ninyo ginagawa ang mga bagay na gusto ninyong gawin.+ 18 Bukod diyan, kung inaakay kayo ng espiritu, wala kayo sa ilalim ng kautusan.
19 Madaling makita ang mga gawa ng laman. Ang mga ito ay seksuwal na imoralidad,*+ karumihan, paggawi nang may kapangahasan,*+ 20 idolatriya, espiritismo,*+ alitan, pag-aaway, selos,* pagsiklab ng galit, pagtatalo, pagkakabaha-bahagi, sekta, 21 inggit, paglalasingan,+ walang-patumanggang pagsasaya, at mga bagay na tulad ng mga ito.+ Gaya ng nasabi ko na sa inyo noon, binababalaan ko ulit kayo na ang nagsasagawa ng gayong mga bagay ay hindi magmamana ng Kaharian ng Diyos.+
22 Pero ang mga katangian na bunga ng espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiis,* kabaitan, kabutihan,+ pananampalataya, 23 kahinahunan, at pagpipigil sa sarili.+ Walang kautusan laban sa ganitong mga bagay. 24 Bukod diyan, ang laman kasama ang makalamang mga pagnanasa at damdamin ay ipinako sa tulos ng mga tagasunod ni Kristo Jesus.+
25 Kung nabubuhay tayo ayon sa espiritu, patuloy rin tayong lumakad* ayon sa espiritu.+ 26 Huwag tayong maging mapagmataas,*+ huwag tayong makipagkompetensiya sa isa’t isa,+ at huwag nating kainggitan ang isa’t isa.
6 Mga kapatid, kung ang isang tao ay makagawa ng maling hakbang nang hindi niya namamalayan, kayong may-gulang na mga Kristiyano* ay magsikap na ibalik sa ayos ang gayong tao sa mahinahong paraan.+ Pero bantayan ninyo ang inyong sarili,+ dahil baka matukso rin kayo.+ 2 Patuloy ninyong dalhin ang mga pasanin ng isa’t isa,+ at sa ganitong paraan, matutupad ninyo ang kautusan ng Kristo.+ 3 Dahil kung iniisip ng sinuman na mahalaga siya pero hindi naman,+ nililinlang niya ang sarili niya. 4 Kundi suriin ng bawat isa ang sarili niyang mga pagkilos.+ Sa gayon, magsasaya siya dahil sa mga nagawa niya, at hindi dahil ikinumpara niya ang sarili niya sa ibang tao.+ 5 Dahil ang bawat isa ang magdadala ng sarili niyang pasan.*+
6 Bukod diyan, ibahagi ng sinumang tinuruan* ng salita ng Diyos ang lahat ng mabubuting bagay sa isa na nagtuturo.*+
7 Huwag ninyong dayain ang sarili ninyo: Hindi puwedeng linlangin ang Diyos. Dahil anuman ang inihahasik ng isang tao, iyon din ang aanihin niya;+ 8 dahil ang naghahasik para sa laman ay mag-aani ng kasiraan mula sa kaniyang laman, pero ang naghahasik para sa espiritu ay mag-aani ng buhay na walang hanggan mula sa espiritu.+ 9 Kaya huwag tayong tumigil* sa paggawa ng mabuti, dahil mag-aani tayo sa takdang panahon kung hindi tayo titigil.*+ 10 Kaya hangga’t may pagkakataon tayo, gumawa tayo ng mabuti sa lahat, pero lalo na sa mga kapananampalataya natin.*
11 Tingnan ninyo kung gaano kalalaki ang letra sa liham na ito, na isinulat ng sarili kong kamay.
12 Ang mga pumipilit sa inyo na magpatuli ay ang mga gustong magkaroon ng magandang impresyon sa harap ng tao, at ginagawa nila ito para hindi sila pag-usigin dahil sa pahirapang tulos* ng Kristo. 13 Dahil hindi naman sumusunod sa Kautusan kahit ang mga nagpatuli.+ Gusto lang nila kayong magpatuli para maipagmalaki nila ang ginawa sa inyong laman. 14 Pero sa bahagi ko, huwag sana akong magmalaki, maliban kung may kaugnayan sa pahirapang tulos* ng ating Panginoong Jesu-Kristo,+ na siyang dahilan kung bakit ang sanlibutan ay patay* sa pananaw ko at ako naman ay patay sa pananaw ng sanlibutan. 15 Dahil hindi mahalaga ang pagiging tuli o di-tuli.+ Ang mahalaga ay ang pagiging bagong nilalang.+ 16 At sa lahat ng lumalakad ayon sa simulaing ito, sumakanila nawa ang kapayapaan at awa, oo, sa Israel ng Diyos.+
17 Mula ngayon, wala na sanang manggulo sa akin, dahil nasa katawan ko ang mga pilat na tanda ng isang alipin ni Jesus.+
18 Mga kapatid, sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan ng ating Panginoong Jesu-Kristo habang nagpapakita kayo ng magagandang katangian.* Amen.
O “panahong.” Tingnan sa Glosari, “Sistema.”
O “nailalayo.”
Lit., “sobra-sobra.”
Lit., “ama.”
Lit., “sa laman at dugo.”
Tinatawag ding Pedro.
Lit., “oras.”
O “di-sana-nararapat.”
Tinatawag ding Pedro.
Tinatawag ding Pedro.
O “kinompronta ko siya.”
O “dahil nararapat siyang hatulan.”
Tinatawag ding Pedro.
Lit., “laman na.”
O “ang nakapaglagay sa inyo sa ilalim ng masamang impluwensiyang ito.”
O “ang gusto kong malaman.”
O “simulan ang espirituwal na landasin.” Lit., “magsimula sa espiritu.”
Tingnan ang Ap. A5.
Lit., “binhi.”
Lit., “mga binhi.”
Lit., “binhi.”
Lit., “binhi.”
O “tagapagturo.”
O “tagapagturo.”
Lit., “isinuot.”
Lit., “binhi.”
O “ng panimulang mga bagay.”
Salitang Hebreo o Aramaiko na ang ibig sabihin ay “O Ama!”
O “malapulubing.”
Mga panahon ng kapistahan.
O “dinuraan.”
Lit., “ayon sa laman.”
Lunsod ng Jerusalem.
Mga naninirahan sa lunsod.
Lit., “ayon sa laman.”
O “pampaalsa.”
Tingnan sa Glosari.
O “Maging bating,” sa gayon, hindi na sila kuwalipikadong isagawa ang kautusang itinataguyod nila.
O posibleng “natutupad.”
Sa Griego, por·neiʹa. Tingnan sa Glosari.
O “paggawi nang walang kahihiyan.” Sa Griego, a·selʹgei·a. Tingnan sa Glosari.
O “pangkukulam; pagdodroga.”
O “paninibugho.”
O “mahabang pagtitiis.”
O “lumakad nang maayos.”
O “mayabang; egotistiko.”
O “kayong may espirituwal na kuwalipikasyon.”
O “pananagutan.”
O “tinuruan nang bibigan.”
O “nagtuturo nang bibigan.”
O “manghimagod.”
O “manghihimagod.”
O “mga may kaugnayan sa atin sa pananampalataya.”
Tingnan sa Glosari.
Tingnan sa Glosari.
O “ipinako sa tulos.”
O “saloobin.”