Pagmamasid sa Daigdig
Mamamatay na mga Nakaligtas
Tinataya ng BMA (British Medical Association) na halos kalahati ng populasyon ng Britaniya, 28 milyon katao, ang mamamatay sa isang malaking pagsalakay na nuklear at na ang karagdagang 6 na milyon ay malubhang mapipinsala. Gayunman, sa halip na gamutin, ang ilang biktimang malubhang napinsala ay maaaring patayin na lang dahil sa awa, ayon sa report ng BMA. Ang Asosasyon ay nagsasabi: “Wala kaming nakikitang tiyakang lunas sa problema ng pagpatay dahil sa awa sa mga makakaligtas na daranas lamang ng katakut-takot na hirap na susundan ng tiyak na kamatayan.” Sa buod nito tungkol sa mga natuklasan ng BMA, napansin ng The Times ng London na “ang mga matatanda na ay magkakaroon ng pinakamaliit na pag-asa sa emergency na paggamot,” yamang hangga’t maaari maraming mga bata “ang ililigtas sapagkat ang pagkakait sa kanila ng medikal na pangangalaga ay malamang na magkaroon ng ‘mapangwasak’ na epekto sa moral ng iba pang nakaligtas.”
Ginhawa sa Panlulumo
“Ang ehersisyong aerobic gaya ng mabilis na paglalakad at jogging ay maaaring maging isang mabisang paggamot sa mga taong dumaranas ng katamtamang panlulumo,” ulat ng The Toronto Star. Nagkukomento tungkol sa isang pag-aaral na isinagawa ng University of Glasgow, iminungkahi ni Nanette Mutrie, tagalektyur sa departamento ng edukasyon sa pagpapalakas ng katawan ng pamantasan, na ang mga manggagamot na may mga pasyenteng may sintomas ng panlulumo ay “makabubuting payuhan sila na magsagawa ng isang programa ng ehersisyo.” Ang dahilan para sa positibong mga epekto ng ehersisyong aerobic ay hindi makita ng mga mananaliksik, subalit binanggit ng ulat ng Star ang mungkahi ni Mutrie na “ang mas mabilis na tibok ng puso at pagkuha ng oksiheno ay maaaring magpangyari sa paglalabas ng mga kemikal na nagbabago-kalooban na gaya ng mga endorphin o na ang maindayog na kalikasan ng aerobics ay maaaring magpasigla sa pakiramdam ng isang tao.”
“Tikman ang Kaibahan”
“Halikan mo ang isang hindi naninigarilyo, at tikman ang kaibahan.” Ang sawikaing ito ay iminungkahi ng parlamentong Europeo sa Strasbourg, Pransiya, bilang bahagi ng isang ipinanukalang kampaniya laban sa paninigarilyo, itinatampok ang “kawalan ng prestihiyo sa lipunan.” Iminungkahi rin ng parlamento sa mga membrong bansa nito ang sumusunod na karagdagang hakbang laban sa paninigarilyo: ganap na pagbabawal sa pag-aanunsiyo ng tabako sa lahat ng anyo ng media; pagbabawal sa pagbibenta ng droga sa mga kabataan na wala pang 16 anyos; pag-aalis sa lahat ng mga makina ng sigarilyo; pagbabawal sa paninigarilyo sa lahat ng mga gusali, paaralan, at dako ng isports ng gobyerno; at isang kampaniyang impormasyon tungkol sa pag-iingat sa kanser.
Dahilan sa Kuryente
Ipinakikita ng mga pag-aaral na isinagawa sa Sweden at sa Estados Unidos na ang mga kaso ng kanser ay dalawang beses na mas madalas sa mga bahay na malapit sa mga linya ng kuryente na may mataas na boltahe kaysa mga bahay na nasa ibang dako. Sa dako ng Stockholm, halimbawa, “3 porsiyento ng mga taong may kanser ay nakatira sa layo na 150 metro sa 200,000-boltaheng mga linya ng kuryente,” sabi ng magasing Pranses na L’Express, samantalang 1.3 porsiyento lamang ng pangkalahatang populasyon ang nakatira malapit sa gayong mga linya na mataas-ang-boltahe. Bagaman tila mayroong kaugnayan sa pagitan ng low-frequency electric fields at ng ilang uri ng kanser, hindi alam ng mga mananaliksik kung bakit. Gayunman, ayon sa L’Express, nalalaman na ang uring ito ng “radyasyon ay binabago nang kaunti ang paraan ng paggawa ng kalsiyum ng mga himaymay ng utak . . . at pinabibilis ang paglabas ng ilang enzyme . . . na lalo pang nagpapalaki sa mga tumor.”
Paglalagay ng Pisì ng Bingwit
Ang mga banggaan sa pagitan ng mga ibon at eruplano ay maaaring mangahulugan ng magastos na mga aksidente. Gayunman, para sa Haneda Airport sa Tokyo, ang mga pisì ng bingwit ang pinakamabisa sa pagtataboy sa mga patakbuhan (runway) nito ng mga ibon na nakikipagpaligsahan sa mga eruplano sa pamamahala sa himpapawid. Ang dating mga pagsisikap na gumagamit ng mga riple at nakarekord na mga tili ng kamatayan ng mga ibon ay hindi nagtaboy sa libu-libong humahapon na mga sea gull. Iminungkahi ng isang empleado sa paliparan, na nakabalita na itinaboy ng mga pisì ng bingwit ang mga uwak mula sa isang tapunan ng basura, ang paglalagay ng mga pisì ng bingwit sa ibayo ng approach-light ng tulay kung saan humahapon ang mga ibon. Kataka-taka, ang mga kawan ng sea gull ay naglaho. Napansin ng isang mananaliksik sa Japan Wild Bird Society na ayaw na ayaw ng mga ibon ang mga pisì ng bingwit “sapagkat ito ay nagkakabuhul-buhol sa kanilang mga paa at pakpak.”
Nagtatrabahong mga Bata
Sa maraming bansa sa Third World, dahil sa nagbabagong mga saloobin at lumulubhang mga kalagayan sa kabuhayan parami nang paraming mga bata ang napipilitang huminto sa pag-aaral at magtrabaho. Sang-ayon sa bilang na inilathala ng ILO (International Labor Organization), isang ahensiya ng United Nations na base sa Geneva, Switzerland, hindi kukulangin sa 100,000,000 mga batang wala pang 15 anyos (marahil doble ng bilang na iyan) ay nagtatrabaho sa buong daigdig. Kahit na kung ang mga paaralan ay walang bayad sa kanilang bansa, ang mga bata ay hindi pumapasok sapagkat inaakala ng kanilang mga magulang na hindi naman babaguhin nito ang pag-asa sa trabaho ng kanilang mga anak sa hinaharap. Sinasabi ng ILO na ang pagsasamantala sa mga bata ay hindi “maaalis ni masasawata man sa malapit na hinaharap.”
Nakamamatay na mga Dulo ng Sanlinggo
Ang rural na mga dako sa Alemanya ay dumaranas ng mabilis na dami ng nakamamatay na mga dulo ng sanlinggo dahil sa mga aksidente sa kotse. “Yaong mga namamatay at malubhang nasusugatan ay karaniwang walang pang 20 anyos, at iilan lamang sa kanila ang may lisensiya sa pagmamaneho na mahigit sa isang taon,” ulat ng pahayagang Aleman na Schweinfurter Tagblatt. Gayon na lamang kalubha ang kalagayan anupa’t ang gobyerno ay naglabas ng isang kasulatan na pinamagatang “Mga Aksidente sa Trapiko na Kinasasangkutan ng mga Kabataan Pagkatapos ng Sosyal na mga Pagtitipon.” Karagdagan pa sa walang karanasang mga tsuper, ang siksikang mga kotse at pagmamaneho sa ilalim ng impluwensiya ng alak ay binanggit bilang mga salik sa mga aksidente.
Pag-aaral sa Panahon
“Ginugugol ng karamihang mga tao ang halos limang taon ng kanilang buhay sa pagtayo sa mga pila at anim na buwan sa pag-upo sa trapiko,” sabi ng isang report sa The Express na pahayagan ng Easton, Pennsylvania. Sang-ayon sa report, ipinakikita rin ng mga pag-aaral na isinagawa ng kasangguniang kompaniya ng Priority Management na “ang karaniwang tao ay gumugugol ng isang taon sa paghahanap sa mga bagay na wala sa lugar, . . . walong buwan sa pagbubukas ng basurang mga sulat, . . . at dalawang taon sa pagsisikap na tawagan sa telepono ang mga taong tila ba wala sa bahay.” Papaano ba makapagtitipid ng panahon at bawasan ang kaigtingan? Kabilang sa mga mungkahing ibinigay ay: Planuhin ang mga panahon at ruta sa paglalakbay upang iwasan ang mga pagkaantala; magkaroon ng mga babasahin at iba pang mga proyektong magagawa samantalang naghihintay; magkaroon ng takdang dako para sa lahat ng bagay, lalo na yaong madalas gamitin; at gumawa ng isang talaan sa pagtatapos ng bawat araw ng pinakamahalagang mga bagay na dapat gawin sa susunod na araw. Sa kabilang dako, binanggit ng pag-aaral na ‘ang karaniwang mag-asawa ay gumugugol ng apat na minuto isang araw sa makahulugang pag-uusap, at ang mag-asawang nagtatrabaho ay gumugugol ng 30 segundo isang araw sa pakikipag-usap sa kanilang mga anak.’ Sabi ng presidente ng kompaniya, si Michael Fortino: “Sinasabi ng karamihan ng mga tao na ang kani-kanilang mga pamilya ay mahalaga, gayunman hindi sila namumuhay ng gayon.”
Asunto sa AIDS
Iginigiit na ang mga doktor sa Navy ang nagbigay sa kaniyang maybahay ng isang pagsasalin ng dugo mula sa isang nagkaloob na homoseksuwal na may virus ng AIDS, idinemanda ng isang opisyal ng U.S. Marine ang gobyernong pederal ng $55 milyon. Gaya ng iniulat sa The New York Times, iginiit ni Chief Warrant Officer Martin Gaffney sa asunto “na hindi wasto ang pangangasiwa ng Navy sa pagdadalang-tao ng kaniyang asawa anupa’t ang kanilang sanggol ay ipinanganak na patay, pagkatapos ay binigyan nila ang kaniyang asawa ng isang pagsasalin ng dugo na nagdala ng virus ng AIDS sa kaniyang asawa, pagkatapos sa kaniya at sa isang anak na lalaki na ipinanganak nang dakong huli.” Si John, ang 13-buwang-gulang na anak, ay namatay noong 1986. Ang kaniyang asawa, si Mutsuko, ay namatay nang sumunod na taon. Sinasabi ni Gaffney na siya ay nagdemanda upang paglaanan ang kaniyang apat-na-taóng-gulang na anak, si Maureene, na malamang na maging ulila.
Mga Sugapa sa Bibliya
Sang-ayon sa mga tuntunin ng opisyal, ang bawat bilanggo sa mga piitan ng Britaniya ay may karapatan sa isang libreng Bibliya kung sila’y hihiling nito. Kamakailan, napansin ng mga kapilyan sa piitan sa Leeds na mas maraming bilanggo ang humihiling ng mga Bibliya. Marahil isang pagsulong sa espirituwalidad sa gitna ng mga bilanggo? Hindi naman. Maliwanag na ginagamit ng maraming bilanggo ang papel ng Bibliya sa pagrurolyo ng mga sigarilyo, ulat ng Daily Express ng Scotland. Sa isang pagsisikap na iligtas ang mga Bibliya, ang mga kapilyan ay bumili ng panustos na papel ng sigarilyo para sa mga bilanggo. Subalit wari bang ang mapagpipiliang ito ay hindi kasiya-siya. Gaya ng sabi ng isang dating bilanggo: “Ang kalidad ng papel sa mahusay na aklat ay mas mabuti kaysa mga papel ng sigarilyo.”