Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 6/22 p. 10-11
  • Makipagkilala sa Tapir

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Makipagkilala sa Tapir
  • Gumising!—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Nanganganib Malipol
  • “Hari ng Kagubatan” sa Kanlurang Hemisperyo
    Gumising!—2010
  • Ang Mailap na Pusang Gubat
    Gumising!—1990
  • “Nawawalang Paraiso” ng Bolivia
    Gumising!—2009
  • Asin—Isang Mahalagang Produkto
    Gumising!—2002
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 6/22 p. 10-11

Makipagkilala sa Tapir

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Brazil

MALAMANG na hindi ka pa nakakita ng tapir, sapagkat ang maamong hayop na ito ay masusumpungan lamang sa liblib na mga dako sa Sentral at Timog Amerika at sa gawing timog ng Asia. Ang tapir ay halos kasinlaki ng isang asno, ngunit may maiikling paa, mas mukhang baboy ito. Ang mga bisirong tapir ay inilarawan ng isang soologo na parang “tumpok ng mga pakwan na may paa.”

Ang mga tapir ay umaabot ng mula 1.8 metro hanggang 2.4 metro sa haba at mula 0.8 metro hanggang 0.9 metro ang taas, at tumitimbang ng mula 230 kilo hanggang 290 kilo. Ang kanilang matatabang katawan ay may makapal na leeg at maikling buntot. Maliit ang kanilang mata at mahina ang kanilang paningin. Ang nguso ay nakausli upang mag-anyo ng isang maikli’t nakikilos na nguso na ginagamit kapag ang mga tapir ay nanginginain. “Sa lahat ng malalaking hayop sa daigdig,” sabi ng The International Wildlife Encyclopedia, “sila marahil ang walang kalaban-laban.”

Karaniwan na, ang matatakuting hayop ay mananatili sa pinakamakapal na bahagi ng gubat, sa gayo’y naiiwasan ang potensiyal na mga kaaway, gaya ng jaguar o tigre. Kapag ang jaguar ay sumusunggab sa isang tapir, ang tapir ay sinasabing agad-agad na tumatakbo sa makapal na palumpon ng gubat. Ang jaguar sa gayon ay hindi makapasok sa masukal na kagubatan. Dahil sa makapal na balat nito, na madaling maghilom, ang tapir ay karaniwang hindi naman kritikal na nasusugatan.

Ang mga tapir ay laging nakatira malapit sa ilog o lawa, at ang kalakhang bahagi ng kanilang panahon ay ginugugol sa paglangoy at pagpapagilas sa tubig, gayundin sa paglulubalob sa putik. Nakapagpapaginhawa ito sa kanila mula sa init at nagsasanggalang ito sa kanila laban sa nakaiinis na mga insekto na karaniwan sa tropiko. Sa kabila ng kanilang mabigat na katawan, sila ay maaari, kung kinakailangan, na tumakbo nang matulin. Ang kanilang malakas at siksik na katawan na may maikling leeg ay angkop na angkop sa kanilang kapaligiran, hinahayaan silang madaling makapasok sa masukal na pananim.

Ang tatlong klase ng tapir​—ang Baird’s, Braziliano, at bundok—​ay masusumpungan sa Timog at Sentral Amerika, samantalang ang Malayan tapir ay naninirahan sa Timog-silangang Asia. Ang mga fossil na nasumpungan sa Europa, Tsina, at sa Estados Unidos ay nagpapatunay na dati ang mga tapir ay umiral sa buong daigdig.

Ang mga tapir ay karaniwang mga hayop na mahilig mag-isa. Namumuhay silang mag-isa o pares-pares, at bihirang makita ang mahigit sa tatlo sa kanila na magkakasama maliban sa mga zoo. Kahit na roon hindi nila gaanong pinapansin ang isa’t isa. Sila’y mga vegetarian, mababang pananim lamang sa lupa o mga pananim sa tubig ang kinakain. Mahilig sila sa asin at maglalakbay sila ng malalayong distansiya upang makatikim lamang ng asin. Ang karaniwang panggabing mga hayop na ito ay maaaring mabuhay ng kasinghaba ng 30 taon.

Ang mga tapir ay waring nagpaparami sa anumang panahon, at ang mga bisirong tapir ay isahang isinisilang pagkatapos ng halos 13 buwan ng pagbubuntis. Ang bisirong mga tapir ay may mamula-mula’t kayumangging balahibo na batik-batik at guhitan naman na dilaw at puti, mahusay na balatkayo sa malamlam na liwanag ng tropikal na kagubatan. Ang kulay na ito ay karaniwang naglalaho bago matapos ang unang taon; pagkatapos niyan ang Malayan tapir ay itim na may malapad na puting guhit sa tagiliran nito, samantalang ang mga tapir sa Timog Amerika ay matingkad na abo o kayumanggi.

Nanganganib Malipol

Ang mga tapir ay binabaril ng tao para sa pagkain, kalimitan sa gabi kapag ang mga hayop ay pinakaaktibo. Kung minsan ang asin ay ikinakalat upang akitin ang hayop. Pagkatapos himurin ang asin, ang tapir ay nagtutungo sa pinakamalapit na daloy ng tubig. Upang gawin itong mas madaling target, sisilawin ng mga mangangaso ng liwanag ang mga mata nito, pansamantala itong binubulag.

Ang karne, na hindi naglalaman ng maraming taba, ay kadalasang bina-barbecue at sinasabing masarap. Ang matibay, matigas na balat ay mahalaga rin; ito ay ginagamit na latigo, panilo, at kabisada ng kabayo. Kung minsan inaalagaan ng mga Braziliano at mga Indiyan ang tapir bilang isang alagang hayop.

Dahil sa binabaril sila ng tao para sa pagkain o isport, at lalo na dahil sa pinuputol ng tao ang kanilang tirahang gubat, ang mga tapir ay naging bihira sa maraming dako kung saan napakarami nila dati. Kaya, ang bundok, Baird’s, at Malayan tapir ay itinala ngayon bilang nanganganib malipol na uri.

Bagaman ang tsansa ng isang tao na makipagkilala sa isang tapir sa gubat ay lubhang nabawasan, bakit hindi mo tiyakin na tingnan ang isa nito sa susunod na pagdalaw mo sa zoo?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share