MAY PAG-ASA PA BA ANG PLANETA NATIN?
HANGIN
KAILANGAN natin ng hangin, pero hindi lang para makahinga. Pinoprotektahan ng hangin ang planeta natin mula sa nakakasamáng radiation ng araw. Kung walang hangin, magiging sobrang lamig sa buong mundo.
Nanganganib ang Hangin
Nanganganib ang buhay sa lupa dahil sa polusyon sa hangin. Isang porsiyento lang ng populasyon ng mundo ang nakakalanghap ng hangin na ayon sa World Health Organization ay ligtas.
Ang polusyon sa hangin ay puwedeng maging dahilan ng respiratory disease, lung cancer, at sakit sa puso. Ito rin ang dahilan ng maagang pagkamatay ng mga 7,000,000 tao taon-taon.
Ating Planeta—Dinisenyo Para Manatili
May likas na kakayahan ang planeta natin na maglaan ng malinis na hangin sa lahat ng buhay na nilalang. Pero posible lang iyan kung hindi sobra-sobra ang polusyong ginagawa ng tao. Tingnan ang ilang halimbawa.
Alam na alam natin ang kakayahan ng mga gubat na mag-absorb ng carbon dioxide mula sa hangin. Pero hindi alam ng karamihan na higit pa ang nagagawa ng mga bakawan sa tabi ng dalampasigan. Malaki ang nagagawa ng mga bakawan kasi halos limang beses na mas maraming carbon dioxide ang naa-absorb nila kaysa sa mga tropical forest.
Ayon sa pag-aaral kamakailan, hindi lang basta naaalis ng ilang malalaking lumot gaya ng kelp ang carbon dioxide mula sa atmospera; ibinabaón din nila ito. Dahil may hangin ang mga bladder ng blade ng kelp, nakakalutang sila hanggang sa malalayong distansiya. Kapag malayo na sa pampang ang mga kelp, sumasabog ang mga bladder nito, at ang kelp na punô ng carbon dioxide ay lumulubog sa sahig ng dagat. Lumilitaw na mananatili itong nakabaon sa loob ng napakaraming taon.
Noong magka-lockdown sa panahon ng COVID-19 pandemic, nakita ang kakayahan ng atmospera na maka-recover mula sa matinding polusyon. Noong 2020, may panahon na halos wala nang inilalabas na polusyon ang mga pabrika at sasakyan sa buong mundo. Agad na luminis ang hangin. Ayon sa “2020 World Air Quality Report,” mahigit 80 porsiyento ng mga bansa na kasama sa report ang nagsabing luminis ang hangin nila di-nagtagal matapos ipatupad ang lockdown.
Ang Pagsisikap ng Tao
Makakatulong ang pagbibiyahe gamit ang bisikleta para makabawas sa polusyon sa hangin
Patuloy na sinasabi ng mga gobyerno sa mga negosyante na bawasan ang polusyon sa hangin. Patuloy ring nakakadiskubre ang mga scientist ng mga bagong paraan para maalis ang masamang epekto ng polusyon. Halimbawa, may isang paraan kung saan gumagamit ng mga baktirya para ang mga dumi na nagiging dahilan ng polusyon ay maging di-nakakalasong substansiya. Inirerekomenda rin ng mga eksperto na maglakad o magbisikleta ang mga tao imbes na magmaneho at na sikaping bawasan ang ginagamit nilang kuryente sa bahay.
Binibigyan ng ilang gobyerno ang mga mamamayan nila ng modernong kalan para makabawas sa polusyon sa hangin, pero marami pa rin ang wala nito
Pero hindi iyan sapat ayon sa report noong 2022 na pinagsama-sama ng mga internasyonal na ahensiya, gaya ng World Health Organization at World Bank.
Sinasabi ng report na noong 2020, mga one third ng populasyon sa mundo ang gumagamit ng mga panluto o nagluluto sa paraang nakakadagdag ng polusyon. Sa maraming lugar, iilan lang ang may pambili ng mga bagong kalan o may nagagamit na mga alternatibong fuel.
Pag-asa Mula sa Bibliya
“Ito ang sinabi ng tunay na Diyos, si Jehova, ang Maylalang ng langit at . . . ang naglatag ng lupa at ng bunga nito, ang nagbigay ng hininga sa mga taong naroon.”—Isaias 42:5.
Ang Diyos ang gumawa ng hangin na nilalanghap natin at ng likas na mga cycle na naglilinis dito, at walang hanggan ang kapangyarihan at pag-ibig niya sa mga tao. Kaya makatuwiran bang isipin na wala siyang gagawin tungkol sa polusyon ng ating hangin? Tingnan ang artikulong “Ipinangako ng Diyos na Mananatili ang Planeta Natin.”