Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w89 10/1 p. 27-29
  • ‘Maliban na si Jehova ang Nagtatayo ng Bahay . . .’

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • ‘Maliban na si Jehova ang Nagtatayo ng Bahay . . .’
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagtatayo ng Bahay
  • Matagumpay na Pagtatayo ng Pamilya
  • Pagsasanay sa Mismong Pagtatayo
  • Gawing Pakay ang Pagkakaisa ng Pamilya
  • Pagtatayo ng Isang Pamilyang May Matibay na Espirituwalidad
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
  • Isinasabalikat ang Pananagutan ng Pangangalaga sa Pamilya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Ang Pamilyang Kristiyano ay Magkakasámang Gumagawa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Malalaking Pamilya na Nagkakaisa sa Paglilingkod sa Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
w89 10/1 p. 27-29

‘Maliban na si Jehova ang Nagtatayo ng Bahay . . .’

SAAN ka man naninirahan, saan man iyon may dako, para sa iyo, ay tahanan. Ang mga kausuhan ng tirahan at mga paraan ng pagtatayo ay nagkakaiba-iba. Mga kubo na yari sa putik at iba pang mga materyales, mga tirahang yari sa troso, mga bahay na kongkretong prefabricated​—halos walang katapusan ang maaaring banggitin. Ang iba’y nasisiyahan na tumahan kahit sa isang kubong inatipan ng damo gaya rin ng iba na nasisiyahan sa higit na nakaririwasang tirahan. Bakit nga gayon?

Ang pagkadama mo ng kaginhawahan, pagiging kontento, ay depende ang kalakhang bahagi sa iyong kasambahay. (Kawikaan 18:24) Bagaman ang sanlibutan ay nag-aalok ng lahat ng kayamanan at karangyaan, ang tahanan ay isang dako na doo’y kusang ninanais ng isang tao na umuwi upang tamasahin ang kapayapaan at kaaliwan. Subalit, batay sa mga ulat tungkol sa modernong-panahong buhay sa tahanan, walang garantiya na ang isang tao’y palaging makasusumpong ng kapayapaan at kaaliwan sa tahanan. Sa kalakhang bahagi, yaong mga kasambahay mo​—ang iyong pamilya​—ay maaaring kapiling mo sa kapayapaan o dili kaya’y siyang sumisira ng kapayapaan doon. Kung gayon, ano nga ba ang lihim ng pagtatayo ng isang maligayang, mapayapang tahanan?

Pagtatayo ng Bahay

‘Maliban na si Jehova mismo ang nagtatayo ng bahay, walang kabuluhan ang masikap na pagpapagal doon ng nagsisipagtayo,’ ang sabi ng unang talata ng Awit 127. Yaong mga nakikibahagi sa pagtatayo ng mga gusali para sa pagsamba sa tunay na Diyos, si Jehova, ang makapagpapatunay nito. Bagaman dalubhasang manggagawa ang kusang naghahandog ng kanilang panahon at lakas para sa mabilis na pagtatayo ng magagandang Kingdom Hall, ang pagpapala ni Jehova ang garantiya ng tagumpay. Maging ang mga tagapagmasid man ay kadalasang nakakapansin na may isang pambihirang bagay na gumagana. Halimbawa, isang magasin ang nag-ulat tungkol sa isa sa gayong proyekto sa Colchester, Inglatera, at ginamit ang titulong “Si Jehova ang Nagtataas ng Bubong.”

Gayunman, ang tagumpay sa pagpapagal bukod sa mga proyekto ng literal na pagtatayo ng mga gusali ay depende rin sa pagpapala ni Jehova. Isaalang-alang ang mga salita ni Solomon sa ikatlong talata ng Awit 127: “Narito! Ang mga anak ay mana mula kay Jehova; ang bunga ng bahay-bata ay isang gantimpala.” Si Jehova ay isa ring Tagapagtayo na walang katulad kung tungkol sa mga pamilya, at ang mga magulang ay may kahanga-hangang pribilehiyo na maging kaniyang mga kamanggagawa, o mga kasamahan sa paggawa.a (Hebreo 11:10) Papaano masasamantala ng mga magulang na Kristiyano ang pinagpalang pagsasamang ito at matagumpay na makapagtayo ng isang maligaya, mapayapang pamilya, na nagdadala ng karangalan sa Maylikha, si Jehova?

Matagumpay na Pagtatayo ng Pamilya

Ang isang mahalagang elemento sa matagumpay na pagtatayo ay isang magandang plano ng arkitekto o blueprint. Sa pagtatayo ng mga kabataang pupuri sa Diyos, walang lalong pinakamainam na blueprint o plano kundi ang kaniyang kinasihang Salita, ang Bibliya. (2 Timoteo 3:16, 17) “Sanayin mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran; kahit tumanda man siya ay hindi niya hihiwalayan,” ayon sa isinulat ni Solomon. (Kawikaan 22:6) Ang “daan na dapat niyang lakaran” ay yaong daan ni Jehova, at pagka ito’y nilalakaran ng mga magulang, sila ay naghahandog sa mga anak ng pagkakataong ang mga ito’y lumaki na mga tapat na lingkod ng Diyos.

Para sa matibay na pagtatayo ay kailangan ang matibay na mga materyales sa pagtatayo. Isang Aprikanong dumalaw sa Europa ang nahirapang maniwala na ang iba sa mga gusaling kaniyang nakita roon ay daan-daang taon na ang edad. Nahayag sa kaniya na matitibay na materyales ang ginamit sa mga gusaling ito. Sa kabilang dako, pagka ang mga tagapagtayo’y gumamit ng mga palsong materyales, ang resulta kadalasan na ay nakapipinsala, nakamamatay pa nga. Magkakatotoo rin ito sa pagpapalaki ng mga anak.

Sa paglilihi sa kanila, ang mga bata ay tumatanggap ng isang henetikong pamana na lipos ng di-kasakdalan dahil sa kasalanan. (Awit 51:5) Sa ibang pananalita, sila’y may depekto na sa unang-una pa lamang. Ang mga magulang na Kristiyano ay kailangang sumalunga rito sa pamamagitan ng pagsisikap na maitayo sa kanilang mga supling yaong mga nananatiling, maka-Diyos na mga katangian. (1 Corinto 3:10-15) Maliban sa ganito ang gawin, gaano mang laki ng pagpapagal ng mga magulang sa mga ibang pitak ng buhay, tulad baga ng pagbibigay sa kanilang mga anak ng pinakamagagaling na pagkain, pananamit, at tirahan, nagiging walang kabuluhan din ang kanilang pagpapagal sa pagtatayo.

Kaya naman ang maka-Diyos na payo sa mga magulang, lalo na sa mga ama, ay: “Patuloy na palakihin sila [ang mga anak] sa disiplina at pangkaisipang-patnubay ni Jehova.” (Efeso 6:4) Sa disiplina at pangkaisipang-patnubay ni Jehova ay kasangkot ang pinakamagagaling na plano at mga materyales sa pagtatayo. Ang paggamit sa mga iyan ay magbubunga ng walang-hanggang kapakinabangan sa buong pamilya.

Pagsasanay sa Mismong Pagtatayo

Sa kabila ng pinakamagagaling na plano, laging may nagaganap na di-inaasahang mga pangyayari sa panahon ng anumang pagtatayo. Sa katulad na paraan, ang mga magulang ay kailangang matutong makita nila antimano ang di-inaasahang mga problema sa araw-araw na pamumuhay ng pamilya at maging handa na harapin ang mga iyon. Papaano nga magagawa ito?

Mabuting komunikasyon sa pagitan ng dalawang magulang ang kailangan. Pagka ang ama at ina ay may kasamang panalangin na magkasamang tumatalakay sa progreso ng mga anak, sila’y makasusumpong ng mga ilang lugar doon na kung saan kailangang magbigay ng komendasyon at may mga lugar naman na kung saan kailangan ang higit pang “pagtatayo.” Minsang makilala ang gayong mga kahinaan, maaaring kumilos na magkasama ang mga magulang at gumawa ng angkop na mga hakbang upang malunasan ang problema.

Subalit marahil ikaw ay may malaking pamilya, at marahil itatanong mo: ‘Papaano natin maiaangkop ang ating mga pagsisikap sa indibiduwal na mga pangangailangan ng ating maraming mga anak?’ Bakit hindi magbigay ng pagsasanay sa mismong pagtatayo upang ang inyong mga anak ay makipagtulungan sa isa’t isa? Ang mga aprendise ay mga taon ang binibilang sa pag-aaral upang matuto ng mga gawain para sa mga dalubhasa sa tulong ng mga maestrong manggagawa. Baka posible na sa inyong pampamilyang pag-aaral, maaari ninyong subukin na himukin ang inyong mga anak na tinedyer na magpaliwanag ng mga ilang bagay-bagay sa mga nakababatang kapatid. Ang pagiging mapagtapat, pagpili ng mga kaibigan, paglaban sa masasamang impluwensiya sa paaralan, at iba pa, ay mga paksa na kapuwa ang nakatatanda at nakababatang mga anak ay makapaglalahad na mainam. Sa pamamagitan ng pag-aatas sa nakatatandang mga anak ng ganiyang tunay-sa-buhay na mga proyekto, inyong matutulungan sila na pasulungin ang kanilang mga kakayahang umunawa at magturo samantalang nagtuturo sa nakababatang mga kapatid nila ng kailangang malaman nila. (Hebreo 5:14) Ito’y may karagdagang pakinabang na pagpapaunlad ng isang tunay na magandang pagsasamahan sa gitna ng magkakapatid.

Baka naman ang inyong pamilya ay maliit lamang, mayroon lamang kayong iisang anak. Kung gayon, kayo’y may maraming pagkakataon na makilala at maunawaan ang inyong anak. Gayunman, mag-ingat laban sa panganib na palakihin sa layaw ang inyong anak na anupa’t siya na lamang ang sentro ng atensiyon. Kayo’y tatlo, di ba? Kaya magtulung-tulong kayo sa paggawa ng mga bagay-bagay. Ito’y magtuturo sa kaniya na makipag-usap sa iba at ibaling sa labas ang kaniyang atensiyon, sa gayo’y iniiwasan na siya’y maging makaako.

Gawing Pakay ang Pagkakaisa ng Pamilya

Mangyari pa, higit pa ang kailangan sa pagtatayo ng isang pamilya kung ihahambing sa pagdaraos ng isang pag-aaral sa Bibliya at pagbibigay ng payo at disiplina. Si Solomon ay nagsabi: “Walang lalong maigi sa isang tao kundi kumain at uminom nga at pagalaking mabuti ang kaniyang kaluluwa sa kaniyang pinagpagalan.” (Eclesiastes 2:24) Tiyak na nasasarapan ang inyong pamilya sa kanilang kinakain pagka iyon ay inihanda na mainam. Inyo bang isinasaayos na kayong mag-anak ay magsalu-salo sa pagkain? Baka ito ay hindi laging posible pagka ang iba’t ibang miyembro ng pamilya ay wala at nasa kani-kanilang trabaho, nasa paaralan, o gumagawa ng iba pang mga bagay. Subalit, karaniwan nang may isa man lamang pagkakataon sa maghapon na kayo’y maaaring magsalu-salo ng pagkain bilang isang pamilya. Ano ang maaaring magdulot ng isang kaaya-ayang kapaligiran pagka nagsasalu-salo ang pamilya?

Isang kapatid ang gumagamit sa okasyong iyon upang magbangon ng isang tanong sa Bibliya para talakayin ng lahat ng mga naroroon. Siyempre pa, kaniyang iniiwasan na mapahiya yaong mga marahil ay hindi nakakaalam ng sagot. Ang mga iba naman ay nagkukuwento ng kanilang mga karanasan sa ministeryo sa larangan. Sa pagbibigay-pansin sa espirituwal na mga bagay, ang mga oras ng pagkain ay nagiging okasyon para mapatibay ang buong pamilya. (Tingnan ang Roma 14:19.) Totoo, sa mga ilang panig ng daigdig, hindi kaugalian ang mag-usapan sa panahon ng pagkain. Gayunman, ang kusang pagsisikap na mapairal ang isang maligayang kapaligiran ay mahalaga. Ang Kawikaan 15:17 ay nagsasabi: “Maigi ang pagkaing gulay na may pag-ibig kaysa matabang baka at may pagkakapootan.”

Ang paglilibang at pansamantalang pagbabago ng gawain ay mayroon ding kani-kaniyang dako sa buhay ng isang pamilyang Kristiyano. Ang matalinong mga magulang ay nagsasamantala sa gayong mga pagkakataon upang mapatibay ang kanilang pamilya bilang isang teokratikong yunit. Sa papaano?

Bagaman madali na pabayaang ang mga anak ay magkani-kaniyang lakad at sundin ang kanilang sariling mga kagustuhan, ito’y mapanganib. Halimbawa, isang malaking kawalang-muwang ang payagang ang mga bata’y totoong mahumaling sa isports na nagsisilbing panganib sa buhay o sa kanilang katawan! (1 Timoteo 4:8) Hangga’t maaari, piliin ang mga aktibidades na kasangkot ang bawat miyembro ng pamilya. Maaaring hilingin ng ama ang kani-kanilang opinyon at mga ideya at atasan ang bawat isa ng kani-kanilang dapat gawin bilang paghahanda.

Kayo ba bilang isang pamilya ay maaaring magpalawak ng inyong pag-ibig at anyayahan ang mga ibang miyembro ng kongregasyon na makibahagi sa inyong mga kagalakan bilang isang pamilya? Ang nakatatandang mga miyembro ng kongregasyon ay kalimitang natutuwa na makibahagi sa espiritu ng pamilya, lalo na kapag ang kanilang sariling pamilya ay hindi nila kasama o kaya’y hindi namumuhay ayon sa mga prinsipyong Kristiyano. (Santiago 1:27) Sa maraming kongregasyon, may mga pamilyang may iisang magulang. Taglay ang nararapat na pagpapakundangan sa pagkaulong teokratiko at taglay ang paggalang na nararapat sa Kristiyano, ang matatanda at ang mga iba pa ay maaaring maghandog ng espirituwal na pagkupkop sa mga miyembro ng gayong mga pamilya. (Isaias 32:1) Marami sa “ulilang batang lalaki” ang lumaki at lumabas na isang timbang na ulo ng sambahayan dahil sa maibiging interes na ipinakita ng isang may-gulang na adultong Kristiyano.​—Awit 82:3.

Ang pagtatayo ng isang sambahayang Kristiyano ay nangangailangan ng pagpapagal. Subalit sa tulong ni Jehova, tunay na mauunawaan mo na “ang mga anak ay isang mana kay Jehova; ang bunga ng bahay-bata ay isang gantimpala.” (Awit 127:1, 3) Sila’y maaaring maging isang kapurihan hindi lamang sa isang magulang na Kristiyano kundi pati na rin sa kanilang Manlilikha, ang Diyos na Jehova.

[Talababa]

a Sa aktuwal, ang mga salitang Hebreo para sa “mga nagsisipagtayo” (Aw 127 talatang 1) at “mga anak” (Aw 127 talatang 3) ay kapuwa inaakalang galing sa ugat na nangangahulugang “magtayo.” Isa pa, sa Hebreo ang salitang “bahay” ay maaaring tumukoy alinman sa isang “tirahang dako” o isang “pamilya.” (2 Samuel 7:11, 16; Mikas 1:5) Samakatuwid, ang pagtatayo ng isang bahay ay kaugnay ng pagtatayo ng isang pamilya. Ang pagpapala ni Jehova ay kailangan sa dalawang bagay na iyan.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share