Ang Kahulugan ng mga Balita
“Pinakamapanganib na Sustansiya”
Mga asuntong inihain ng mga pasyenteng nahawahan ng isang nakamamatay na sakit dahil sa pagsasalin ng dugo ang nagpasok ng isang bagong antas ng pagkabahala sa maraming bangko ng dugo. Nang kalagitnaan ng 1989 mahigit na 300 asunto ang iniulat na inihain laban sa mga bangko ng dugo sa Estados Unidos. Si Gilbert Clark, executive director ng American Association of Blood Banks, ay umamin na “ang publiko’y nagnanais ng lubusang ligtas na dugo,” ngunit kaniyang inamin na ito’y hindi maaaring magarantiyahan.
Gayundin, ang Parade Magazine ay nag-uulat na inaamin ng espesyalista sa dugo na si Dr. Charles Huggins na ang dugo ay “kailangang ituring na tiyakang di-ligtas.” Kaniyang tinukoy ang dugo bilang “ang pinakamapanganib na sustansiyang ating ginagamit sa medisina.” Sapol noong kaagahan ng 1989 ang bilang ng mga bangko ng dugo ng nakahahawang mga sakit na sinubok sa karaniwang paraan ay dumami hanggang sa lima (HTLV-I, may kaugnayan sa adultong T-cell leukemia, syphilis, hepatitis B, AIDS, at hepatitis C). Gayunman, sang-ayon sa autoridad ng American Red Cross na si S. Gerald Sandler, “waring ang kailangan ay kaunting panahon lamang hanggang sa makakita tayo ng isa pang pambihirang sakit na ikinakalat ng pagsasalin ng dugo.” Sa kabila ng ganiyang nakamamatay na potensiyal, mga apat na milyong katao sa Hilagang Amerika ang inaasahang magpapasalin ng dugo sa 1990. Sang-ayon sa kolumnista ng pahayagang si W. Gifford-Jones, ang suliranin ay na “maliban sa mga Saksi ni Jehova, sa karamihan ng pasyente ay di-kailanman tinatalakay ang posibilidad ng pagsasalin ng dugo.”
Sa loob ng kung ilang mga dekada ang mga Saksi ni Jehova ay buong-katapatang ‘umiiwas sa dugo’ sa anumang anyo gaya ng iniuutos ng Salita ng Diyos sa Gawa 15:28, 29; 21:25. Ang proteksiyon na ibinigay nito sa kanila buhat sa nakamamatay na mga sakit na isinasalin sa pamamagitan ng pagsasalin ng dugo ay nagpapakita lamang ng kawastuan ng kanilang pagsunod sa mga batas ng Diyos na Jehova.
Nawala na Lamang Nang Walang-kaabug-abog?
Si Joachim Cardinal Meisner, isang kontrobersiyal na tao nang siya’y pasinayaan noong nakaraang Pebrero bilang bagong arsobispo ng Cologne, Alemanya, ay nagsabi kamakailan na ang kaniyang pinakamalaking pangamba ay na baka balang araw ang simbahan ay tuluyang “mawala na—at marahil hindi na mapansin ng lipunan.” Sang-ayon sa peryodikong Aleman na Rheinische Post, sinabi ni Meisner: “Ikinalulungkot ng aking kaluluwa na sumapit ang lipunan sa pangmalas na ang simbahan ay walang kabuluhan.” Ang isang posibleng dahilan, aniya, ay dahil sa “tayo’y totoong masalita tungkol sa lupa at hindi gaano tungkol sa langit, totoong masalita tungkol sa kasalukuyan at di-gaano tungkol sa walang-hanggan.”
Sa kanilang pakikipanig sa makapulitika at makakomersiyong mga elemento ng mundo sa halip na magtiwala sa makalangit na kapangyarihan upang lumutas ng mga suliranin ng daigdig, tunay nga na pinabulaanan ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ang kanilang pag-aangkin na sila’y kumakatawan sa mga kapakanan ng Diyos. Ito’y magbubunga ng malubha. Sang-ayon sa Bibliya, hindi na magtatagal at lahat ng huwad na relihiyon ay mawawala na—isang pangyayari na mapapansin ng “mga hari sa lupa” at ng “naglalakbay na mga mangangalakal ng lupa,” na magsisitangis dahil sa ganitong pangyayari. Kung gayon, ang mga umiibig sa katuwiran ay kailangang makinig sa mga salitang: “Lumabas kayo [sa huwad na relihiyon] . . . kung hindi ninyo nais na maparamay sa kaniya sa kaniyang mga kasalanan, at kung hindi ninyo nais na tumanggap ng bahagi ng kaniyang mga salot.”—Apocalipsis 18:4, 9, 11.
Malapit Nang Matapos
“Pagpatay na isinasagawa ng Estado” ang pagkatukoy ng mga ilang pahayagan sa mga pagpatay na ginagawa ng mga pamahalaan o mga organisasyong protektado nila. Sa katunayan, noong 1988, ang sabi ng kinatawan ng Amnesty International na si Gerry O’Connel, ay “nagkaroon ng unti-unting pagdami ang mga paglabag sa mga karapatan ng tao, na nagpatuloy noong 1989.” Pagkatapos ay isinusog niya: “Ang pagpatay na labag sa kinikilala sa buong lupa na mga batas ay umabot na sa sukdulan.”
Sang-ayon sa taunang report ng Amnesty, totoong kakila-kilabot ang bilang: Noong 1988 nasa pagitan ng 50,000 at 100,000 katao sa 29 na mga bansa ang pinaslang samantalang kampanteng pinagmamasdan ng Estado. Kabilang sa mga ito ang mga bata, matatandang tao, at mga babae, na walang nagawang kamalian kundi ang pagsapi sa isang lapiang pulitikal o sila’y kabilang sa mga minoridad etniko o naninirahan sa mga lugar na kinukontesta ng mga grupong salungat sa kanila. Sa mga responsable sa gayong mga pagpatay ay kasali ang mga death squads, rebolusyonaryo, mga komersiyante ng narkotiko, at iba pang mga grupo na gumagamit ng karahasan sa mga layuning pulitikal. “Kadalasan ang Estado mismo ay nagkukubli sa likod ng mga armadong grupo upang mailigpit nang husto ang kanilang mga kalaban at ang mga elementong alanganin,” ang sabi ng La Repubblica.
Samakatuwid, may katuwiran ang kinasihang Salita ni Jehova na ang mga pamahalaan ng tao ay ihalintulad sa isang “mabangis na hayop.” (Apocalipsis 13:2) Gayunman, ang gayong kalupitan na maisisisi sa mga pulitiko ay hindi magpapatuloy nang walang katapusan. Gaya ng sinasabi ng Awit 92:7: “Pagka ang masama ay lumilitaw na parang damo at pagka gumiginhawa ang lahat ng manggagawa ng kasamaan, ito’y upang mangalipol sila magpakailanman.” Ang makalangit na Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Kristo Jesus, ang “Prinsipe ng Kapayapaan,” ang magsasagawa nito.—Isaias 9:6; Daniel 2:44.