Takot ang Bumabalot sa Daigdig
ANG pagsabog ng isang napakalaking bombang ikinubli sa isang kotse ay yumanig sa 110-palapag na World Trade Center sa New York City noong Pebrero 26, 1993. Libu-libong manggagawa ang nakulong sa humintong mga elebeytor o kinailangang tumakas pababa sa mga hagdang punúng-punô ng usok. Nadama nila ang takot na laganap ngayon sa marahas na sanlibutang ito.
Ang mga tao sa maraming lupain ay pinangilabot ng mga bomba, anupat ang mga ito ay naging pangkaraniwan na sa mga bansa gaya ng Irlandya at Lebanon. Aba, 13 ang sumabog sa loob lamang ng isang araw—Marso 12, 1993—sa Bombay, India, na kumitil ng mga 200 katao! Isang nakapagmasid ang nagsabi: “Nagkakagulo sa buong Bombay.” Ayon sa magasing Newsweek, ang “pagiging lubhang pangkaraniwan [ng bomba sa kotse] ay nagpapangyaring lalong katakutan iyon.”
Nagpapatuloy ang Takot sa Nuklear
May pangamba na ang mga nuclear reactor ay tatamaan ng mga bomba. Ang isang matagumpay na pagsalakay sa isang plantang nuklear ay maaaring lumikha ng napakalaking pinsala at pagdurusa. Isang patunay sa pagkatakot na ito ay ang pagtatangka ng isang tao na ibangga ang kaniyang kotse sa isang tarangkahan ng plantang nuklear sa Three Mile Island sa Estados Unidos.
Marami ang nangangamba na ang mga terorista at mga tagapamahalang gutom sa kapangyarihan ay makapagtitipon ng mga armas nuklear. Nangangamba ang ilan na libu-libong nuclear scientist na Sobyet na walang trabaho ang magsisikap na ipagbili ang kanilang pagkadalubhasa. Isa pa, bagaman ang START treaty at iba pang mga kasunduan ay humihiling ng malaking pagbabawas ng estratihikong armas nuklear, ang pagpapatupad ng gayong mga kasunduan ay hindi makukumpleto sa loob ng maraming taon. Samantala, ang posibleng paggamit sa mga armas na ito ng mga panatikong mapagmalaki ay nariyan pa rin gaya ng isang ulap ng nagbabantang unos sa sangkatauhan.
Ang Karahasan ay Naghahasik ng Takot
Ang malaganap na pagdami ng marahas na krimen ay nagdudulot ng takot sa mga tao sa kanilang tahanan at sa mga lansangan. Tinatayang 23,200 Amerikano ang pinaslang noong 1990. Halimbawa, sa siyudad ng Chicago, ang pagdami sa gumagamit ng purong cocaine ang siyang sanhi ng 700 pamamaslang sa isang taon. May mga lugar sa ilang siyudad na naging mistulang mga larangan ng digmaan na kung saan ang mga dumaraan, kasali na ang mga bata, ay namamatay sa mga pagbabarilan. Ganito ang sabi ng isang magasin: “Ang karahasan ay mabilis na dumarami sa mga siyudad na katamtaman ang laki. . . . Walang sinumang nalilibre habang ang mga komunidad sa buong [Estados Unidos] ay dinadagsaan ng droga at mga kabataang basag-ulero. Taun-taon 1 sa bawat 4 na sambahayang Amerikano ang dumaranas ng marahas na krimen o nakawan.”—U.S.News & World Report, Oktubre 7, 1991.
Ang takot na magahasà ay nagdudulot ng pangamba sa mga babae. Ang naiulat na mga panggagahasà sa Pransya ay tumaas ng 62 porsiyento mula noong 1985 hanggang 1990. Sa loob ng anim na taon ang bilang ng mga hinalay ay nadoble hanggang sa 27,000 sa Canada. Ang Alemanya ay nag-ulat ng isang panghahalay sa isang babae bawat pitong minuto.
Nangangamba rin ang mga bata ukol sa kanilang kaligtasan. Nag-uulat ang Newsweek na sa Estados Unidos, “ang mga bata, kahit na ang mga nasa ikaapat at ikalimang grado, ay nagdadala ng armas, at ang mga guro at mga opisyal ng paaralan ay takot na takot.” Ang kalagayan ay totoong malubha kung kaya isang kaapat ng malalaking distrito ng mga paaralan sa mga siyudad ay gumagamit ng mga metal detector, subalit ang determinadong mga bata ay nakasusumpong ng isang paraan upang malusutan ang mga ito sa pamamagitan ng pag-aabot sa iba ng mga baril na pinararaan sa mga bintana.
Pagkatakot sa AIDS
Parami nang parami ang natatakot na dapuan ng AIDS. Nagkaroon ng mahigit 230,000 kaso sa Estados Unidos lamang. Ang AIDS ang naging ikaanim na pangunahing sanhi ng kamatayan sa mga nasa edad na 15 hanggang 24 na taóng gulang. “Higit pang malaganap na mga sakit ang maaasahan sa hinaharap,” ang sabi ng Newsweek.
Patuloy na dumarami ang namamatay sanhi ng AIDS sa mga taong ang propesyon ay ang sayaw, tanghalan, pelikula, musika, moda, telebisyon, sining, at ang katulad ng mga ito. Sinabi ng isang ulat na 60 porsiyento ng nangamatay na mga lalaking taga-Paris sa larangan ng pamamahayag, sining, at libangan na may edad na 25 hanggang 44 ay biktima ng AIDS. Nag-uulat ang WHO (World Health Organization) na mula 8 milyon hanggang 15 milyong katao sa buong daigdig ang nahawahan na ng HIV. Ganito ang sabi ni Dr. Michael Merson, isang direktor ng WHO: “Ngayon ay maliwanag na ang pinsala ng impeksiyon ng HIV sa buong globo ay mabilis na lumalala, lalo na sa nagpapaunlad na mga bansa.”
Mangyari pa, mayroon ding pangamba tungkol sa kapaligiran at iba pang mga pagkatakot. Gayunman, ang naunang pag-uulat lamang ay nagpapatunay na takot ang bumabalot sa daigdig. Mayroon bang isang bagay na lalo nang makahulugan tungkol dito? Tayo ba’y makaaasang magtatamasa ng kalayaan buhat sa takot?
[Picture Credit Line sa pahina 2]
Cover photos: Left: Tom Haley/Sipa Press; Bottom: Malanca/Sipa Press
[Picture Credit Line sa pahina 3]
Bob Strong/Sipa Press