Mga Pag-aaral sa Bibliya na Nagbubunga ng mga Alagad
1 “Ano ang nakapipigil sa akin upang mabautismuhan?” ang tanong ng bating na Etiope kay Felipe pagkatapos na “ipahayag niya sa kaniya ang mabuting balita tungkol kay Jesus.” (Gawa 8:27-39) Sa kaso ng bating, mayroon na siyang pag-ibig sa kinasihang mga kasulatan ng Diyos, at pagkatapos na tumanggap ng espirituwal na tulong kay Felipe, handa na siyang maging isang alagad. Subalit hindi lahat ng tao ay kumbinsido na kailangan nilang suriin ang mga Kasulatan sa ganang sarili.
2 Salamat na lamang, ang organisasyon ni Jehova ay naglaan ng brosyur na, Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin?, upang mapasigla ang mga tao na suriin ang mensahe ng Bibliya sa ganang sarili. Sa ilang maiikling pahina lamang, malaki ang matututuhan ng mga tao hinggil sa Kasulatan. Gayundin, ang mga Araling 15 at 16 ay tutulong sa kanila na makita kung ano ang hinihiling ng Diyos sa kanila. Ang mainam na instrumentong ito ay dinisenyo upang sa sandaling panahon ay mapasigla ang mga tao na kumuha ng mga hakbangin na paluguran si Jehova.
3 Kapag nagpapasimula ng isang pag-aaral sa Bibliya, makatutulong na repasuhin ang napakaiinam na mungkahi na inilathala sa insert ng Hunyo 1996 ng Ating Ministeryo sa Kaharian kung paano maidaraos ang isang mabungang pag-aaral sa aklat na Kaalaman. Habang nag-aaral, tingnan ang pagsulong na nagagawa ng estudyante upang matiyak ninyo kung alin pang mga larangan ang nangangailangan ng karagdagang pansin. Pasiglahin ang estudyante na patiunang maghanda ng mga aralin, na tinitingnan ang mga kasulatan. Ang mga komentong ginawa sa kaniyang sariling pananalita ay magpapakita ng kaniyang taos-pusong pagpapahalaga sa katotohanan. Ang mabilis na pagsulong ay kadalasang naisasagawa niyaong mga gumagawa ng karagdagang pagbabasa ng mga publikasyon ng Samahan at palagiang dumadalo sa mga pulong ng kongregasyon. Pasiglahin siyang magsalita sa iba sa impormal na paraan tungkol sa mga natututuhan niya. May kabaitang ipakita sa kaniya kung ano ang kailangan pa niyang gawin upang makagawa ng espirituwal na pagsulong. Hindi natin dapat ipagpatuloy nang matagal ang mga pag-aaral sa mga ayaw magpasiya. Dapat magsikap ang mga estudyante na matuto, magkaroon ng matatag na paninindigan sa katotohanan, at sumulong tungo sa pag-aalay at bautismo.
4 Sa ilang sambahayan, mahigit sa isang pag-aaral ang idinaraos, palibhasa’y may hiwa-hiwalay na pag-aaral ang iba’t ibang miyembro ng pamilya. Gayunman, ang pagkakaroon ng iisang pag-aaral para sa buong pamilya ay mas mabuti sa maraming kaso, yamang ito’y makatutulong na mabuklod ang pamilya sa espirituwal na paraan.
5 Ang utos ni Jesus ay humayo tayo at gumawa ng mga alagad. (Mat. 28:19) Upang magawa ito, kailangan tayong magdaos ng mga pag-aaral sa Bibliya na makatutulong sa iba pa na sumulong hanggang sa punto na sila’y magtanong ng, “Ano ang nakapipigil sa akin upang mabautismuhan?”