Hinahalinhan Ba ng mga Paaralan ang mga Magulang?
NGAYON, ang mga paaralan ay inaasahan na higit pa ang gagawin kaysa magturo lamang ng pagbasa, pagsulat, at aritmetika. Ang marami ay naglalaan ng mga pagkain, moral na patnubay, at iba pang paglilingkod na dati’y inaasikaso sa tahanan. “Inaasahan ng parami nang paraming mga magulang ang mga paaralan, lalo na ang mga tagapayo o guidance counselor, na gawin ang tungkulin ng magulang para sa kanila,” sabi ni Jim McClure, hepe sa departamento ng pamamatnubay sa isang high school.
Gayunman, nakakaharap ng maraming magulang ang problema ng pagpili sa pagitan ng paggawa ng sapat na ikabubuhay at pangangalaga sa kanilang mga anak. Di-gaya noong nakalipas na salinlahi, ang paghahanapbuhay ngayon ay kadalasang nangangahulugan ng pag-iiwan sa mga bata nang walang ninanais na pangangasiwa ng magulang. Sa kabilang dako, ang paglalaan ng gayong atensiyon ay maaaring mangahulugan ng hindi paggawa ng sapat na ikabubuhay para sa pamilya. Ang kapuwa mga kalagayan ay hindi kanais-nais.
Simula ng Pagbaba ng Kalakaran
Yaong mga nag-aaral sa mga problema na nakakaapekto sa modernong edukasyon ay naniniwala na ang pagbaba ng kalakaran ay nagsimula mahigit na 40 taon na ang nakalipas, karaka-raka pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II. Itinaguyod ng mga babae ang pagsisikap ng digmaan sa pamamagitan ng pagtatrabaho sa industriyal na mga pagawaan. Pagkatapos, nang magwakas ang digmaan, marami ang hindi na nagbalik sa kanilang dating papel bilang ina at pangunahing tagapagturo ng kanilang mga anak. Sila’y nanatili sa trabaho.
Sa paglipas ng mga taon, pinalubha pa ng ibang mga pagbabago sa lipunan ang mga bagay-bagay. Ang mga pagpapahalaga sa moral ay gumuho. Ang diborsiyo ay tinatanggap, na nag-iiwan ng dumaraming bilang ng mga tahanan ng nagsosolong-magulang. At, mas maraming mga magulang ang napipilitang magtrabaho nang mas mahahabang oras dahil sa tumataas na halaga ng pamumuhay. Lubhang tinakdaan ng gayong mga kalakaran ang natitirang oras ng mga magulang para pangalagaan ang intelektuwal, pisikal, emosyonal, at espirituwal na mga pangangailangan ng kanilang mga anak. Kaya naman ang mga magulang ay lubhang dumidepende sa mga paaralan upang punán ang bakanteng ito. Subalit, sa totoo lang, ito ba ay pananagutan ng mga paaralan?
Mga Katotohanan Ngayon
“Ang bagong katotohanan,” paliwanag ng manunulat sa edukasyon na si Gene I. Maeroff, “ay na ang ama na dati-rati’y umuuwi ng bahay gabi-gabi mula sa maghapong trabaho sa kaniyang nag-aasikaso sa tahanan na asawa at sa kanilang dalawang maayos na anak ay malamang na namumuhay ngayon nang mag-isa sa isang malungkot na apartment na nag-iisip kung paano niya babayaran ang kaniyang nakaimpake at iinitin na lamang na pagkain pagkatapos sulatan ang tseke para sa lingguhang sustento. Ang ina, na naiwang kasama ng mga bata . . . ay nagtatrabaho tatlong araw sa isang linggo.” Taglay ang anong resulta?
“Nakakaharap ng mga bata,” sabi ni Maeroff “ang pagkalaki-laking atas na pagtatayo ng kanilang edukasyonal na kinabukasan sa isang wasak na sistema ng suporta.” Halimbawa, ganito ang sabi ng isang guro sa mababang-paaralan sa Estados Unidos: “Mahigit na 20 porsiyento ng aming mga mag-aaral ay pumapasok sa paaralan araw-araw nang hindi nag-aagahan.” Yamang ang agahan ay mahalaga sa pagkatuto, ang gurong ito ay nanangis: “Sinisikap naming lutasin ang problema sa pamamagitan ng paglalagay ng isang programa para sa agahan.” Sa paaralan ding iyon, isang estudyante ang nilagnat. Ang ina, na nakausap sa kaniyang dako ng trabaho, ay tumugon: “Hindi ko siya masusundo. Nagtatrabaho ako.” Sa wakas ay naisaayos din niyang iwan ang trabaho, subalit siya ay “nasiphayo” na siya ay napilitang mamili sa pagitan ng pag-aalaga sa kaniyang maysakit na anak at pagkita ng pera.
Mga Kalagayan sa Paaralan
Ang pagkabulok sa moral ng lipunan ay malubhang nakapinsala sa kakayahan ng mga paaralan na magturo. Ginawa nitong halos imposible para sa mga ito na magbigay ng moral na patnubay. Inilalarawan ang nagbagong kapaligiran sa paaralan ay ang talaan ng 7 pangunahing suliranin sa mga paaralang bayan sa E.U. noong 1940 kung ihahambing sa pangunahing 17 noong 1982. Ang pangunahing mga problema sa paaralan noong 1940 ay: (1) pagdaldal, (2) pagngata ng chewing gum, (3) pag-iingay, (4) pagtakbo sa bulwagan, (5) pagsingit sa pila, (6) pagsuot ng di-wastong pananamit, at (7) hindi pagtapon ng papel sa basurahan.
Sa kabilang dako, ang pangunahing mga problema sa paaralan noong 1982 ay: (1) panggagahasa, (2) pagnanakaw, (3) pagsalakay, (4) panloloob, (5) panununog, (6) pagbomba, (7) pagpatay, (8) pagpapatiwakal, (9) pagliban sa klase, (10) bandalismo, (11) pangingikil, (12) pag-abuso sa droga, (13) pag-abuso sa alkohol, (14) labanan ng barkada, (15) pagdadalang-tao, (16) aborsiyon, at (17) sakit benereal.
Si Deborah, ina ng apat na anak, ay nag-aalala sa maaaring maging impluwensiya ng nagbagong kapaligirang ito sa paaralan sa kaniyang mga anak. “Lumaki akong alagang-alaga,” nagugunita niya. “Halos lahat ng tao at lahat ng bagay sa paligid ko ay isang alalay upang tulungan akong lumaki. Tayong mga pinalaki sa gayong paraan ay dapat na nakababatid sa bagay na ang ating mga anak ay nakalantad sa isang lubhang naiibang daigdig.”
Oo, sa mga paaralan sa ilang mataong-lunsod sa Estados Unidos, ang mga estudyante ay karaniwang nagdadala ng mga patalim at mga baril; sila’y gumagamit at nagbibili ng mga droga; at ang mga salitang gaya ng “coke head” (gumagamit ng cocaine) ay bahagi ng pang-araw-araw na bokabularyo. Ang mga guro ay kadalasang nasisiyahan, hindi dahil sa sila ay matagumpay na nakapagturo sa kanilang mga estudyante, kundi dahil sa naligtasan na naman nila ang isang araw nang walang gulo.
Ang nakalulungkot na mga kalagayan sa loob ng mga paaralan ay nagbibigay-diin sa katotohanan na hindi nito kayang halinhan ang mga magulang sa pagbibigay ng patnubay at alalay na kinakailangan ng mga bata upang mamuhay nang matagumpay na buhay. Gayunman, anuman ang kalagayan, may mga matagumpay na mga estudyante sa lahat ng uri ng mga paaralan sa buong daigdig.
‘Ano ang kailangan upang magtagumpay? maitatanong mo. ‘Bilang isang magulang, paano ako makatutulong sa aking anak na magtagumpay? At ano ang kailangang gawin ng aking anak?