Mula sa Aming mga Mambabasa
Mga Kapansanan Ako’y dumaranas ng malubhang farsightedness sapol pa nang ako’y anim na taon. Kinainggitan ko ang sinumang may normal na paningin at halos ikinahihiya kong isuot ang aking salamin—napakakapal ang mga lente. Ang artikulo tungkol sa pantanging mga pangangailangan (Agosto 22, 1989) ay tumulong sa akin upang matanto na ang iba, tulad ng bulag at binging babaeng si Janice, ay nakapaglilingkuran sa Diyos sa kabila ng pagkakaroon ng higit na mga kahirapan kaysa sa akin.
S. J., Pransiya
Mga Maton Ang artikulo ng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . ” tungkol sa mga maton (Agosto 8, 1989) ay lumabas sa tamang panahon! Noong nakaraang taon inapi ako ng halos lahat ng buong klase dahil sa palagay nila ako’y hindi “cool.” At ako’y kanilang tinukso. Minsan labis na nasaktan ang aking damdamin anupa’t ang mga luha ay namuo sa aking mga mata. Ngayong ako’y may panibagong pasimula sa bagong taóng ito ng pag-aaral, susubukin ko ang ilan sa mga payo.
Y. P., Estados Unidos
Ligtas na Pagkain Nasiyahan ako sa inyong mga artikulo tungkol sa paghahanda ng pagkain (Hunyo 22, 1989), subalit ako’y nababahala tungkol sa payo na pakuluan ang nakapagdúdúdang tubig. Totoo ngang pinapatay ng pagpapakulo ang bacteria, subalit ang tubig sa ilang mga lugar, gaya ng sa rural na Midwestern na Estados Unidos, ay maaaring malubhang nadumhan ng nitrate. Ang pagpapakulo sa tubig na iyon at paggamit nito bilang tubig-inumin ay maaaring napakamapanganib, lalung-lalo na para sa mga sanggol. Ang mga nitrates ay hindi naaalis ng pagpapakulo, kaya lalo lamang pinalulubha ng pagpapakulo ang pagkaipon ng mga nitrates sa tubig. Pakisuyong ipaalam sa mga mambabasa na kanilang ipasuri ang mga pinagmumulan ng kanilang tubig (kung praktikal) para sa dumi ng nitrate bago pakuluan ito upang inumin.
M. C., Estados Unidos
Sinabi ng U.S. Environmental Protection Agency sa “Gumising!” na maaaring hindi nga matalinong pakuluan ang tubig na nadumhan ng mga nitrates na mula sa abono o imburnal. Malaki ang nakasalalay sa antas ng dumi na kasangkot. Sa mga umuunlad na lupain, kadalasa’y maaaring napakahirap, kung hindi man imposible, para sa mga mambabasa upang wastong ipasuri ang lokal na mga pinagmumulan ng tubig para sa posibleng pagkakaroon ng nitrates. Gayumpaman, ang pagpapakulo ng nakapagdúdúdang tubig na inumin ay siya pa ring pantas na pag-iingat sa mga lupain na kung saan ang mga panganib ng pagkarumi na likha ng bacteria ay nakahihigit kaysa yaong sa polusyon ng nitrate.—ED.
Pagliligawan Iniwan akong lito ng Abril 22, 1989, artikulo tungkol sa pagliligawan. Maging ang kaunting paghahawakan ng mga kamay, pagyayakapan, o paghahalikan ay maaaring magpasidhi sa pagnanais na gumawa ng higit pa. Ang magkatipan ay dapat na himuking iwasan ang anumang di-kinakailangang paghahawakan.
K. R., Estados Unidos
Kinakailangan ang pagiging timbang tungkol sa bagay na ito. Ang mga naunang artikulo ay espesipikong tumalakay sa paksa ng pananatiling malinis. (Tingnan ang “Gumising!” ng Nobyembre 8 at Disyembre 8, 1985.) At ang artikulong tinutukoy ay nagbabala rin na ang mga pagpapahayag ng pag-ibig ay hindi dapat gawin bunga ng makasariling simbuyo. Gayumpaman, ang wastong mga pagpapahayag ng pag-ibig bago ikasal ay hindi ipinagbabawal sa mga Kasulatan. (Awit ng mga Awit 1:2; 2:6; 8:5) Ang mga indibiduwal ay nararapat gumawa ng personal na pasiya sa bagay na ito, isinasaisip ang kanilang mga damdamin at limitasyon, ang mga pangmalas ng iba, at ang kanilang pananagutan na manatiling malinis sa mga mata ng Diyos.—ED.
Paghinto sa Paninigarilyo Salamat po sa artikulong “Sampung Paraan Upang Ihinto ang Paninigarilyo.” (Hulyo 8, 1989) Ginagamit ko ito upang tulungan ang isang tao na matagal nang naninigarilyo at hindi pa ito naihihinto. Nagdala rin ako ng ilang pinalakihang kopya ng artikulo at inilagay ang mga iyon sa lugar ng aking trabaho, kung saan nagdaraan ang maraming mga naninigarilyo. Sila’y napahanga sa materyal, at ang ilan ay ikinakapit na ang kanilang nabasa.
R. L. B. S., Brazil