Ang Pinakamahinang Biktima ng Tabako
IPINAKIKITA ng Surgeon General’s Report ng 1989 na mientras mas batang magsimulang manigarilyo ang isang tao, mas malamang na siya ay mamatay dahil sa kanser sa bagà. “Ang mga maninigarilyong nagsisimula pagtuntong ng 25 ay nagkakaroon ng kanser sa bagà na limang ulit ang dami kaysa hindi naninigarilyo; ang mga maninigarilyong nagsisimula sa pagitan ng 20 at 24 na taóng gulang ay 9 na ulit na mas marami. Ang mga maninigarilyong nagsisimula sa pagitan ng 15 at 19 ay 14 na ulit na mas marami at yaong nagsisimula bago 15 anyos ay nagkakaroon ng kanser na 19 na ulit na mas marami kaysa hindi naninigarilyo.”
Sa maraming kaso ang paninigarilyo ay simula lamang ng pagkalulong sa droga. Ang mga kabataan na nasa pagitan ng edad 12 at 17 na naninigarilyo ay nasumpungang 10 beses na malamang gagamit ng marijuana at 14 na beses na malamang na gagamit ng cocaine, hallucinogens, o heroin. Ipinakikita ng maraming pag-aaral na mahigit 90 porsiyento ng mga alkoholiko at mga sugapa sa heroin ay malalakas manigarilyo.
Ipinakikita ng isang Gallup na surbey kamakailan na 64 na porsiyento ng mga tin-edyer ay sang-ayon sa pagbabawal ng mga sigarilyo sa mga wala pang 21 anyos at na “ang tanging mahalagang pagtutol sa gayong mga batas sa batasan ay nanggagaling sa mga adulto na kumikita sa pagbibili ng mga sigarilyo sa mga kabataan.”—Psychiatric, Mental Health, and Behavioral Medicine News Update, Marso-Abril 1990, pahina 1.