Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 12/8 p. 12-13
  • Bukás Na ang mga Lihim na Artsibo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bukás Na ang mga Lihim na Artsibo
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ano ba ang Laman ng mga Ito?
  • Kritisismo
  • ‘Walang Lihim na Hindi Nabubunyag’
  • Ang Inkisisyong Kastila—Paano Ito Nangyari?
    Gumising!—1987
  • Ang Paglitis at Pagbitay sa Isang “Erehe”
    Gumising!—1997
  • Ang Kakila-kilabot na Inkisisyon
    Gumising!—1986
  • Mga Instrumento sa Di-Maubos-Maisip na Pagpapahirap
    Gumising!—1998
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 12/8 p. 12-13

Bukás Na ang mga Lihim na Artsibo

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA ITALYA

“Bukás na ang mga artsibo (archives) tungkol sa Inkisisyon.” Ganito ang pagkakaulat ng media hinggil sa pagpapahintulot ng Batikano sa mga iskolar na makita ang mga artsibo ng Kongregasyon para sa Doktrina ng Pananampalataya, na nakilala hanggang noong 1965 bilang ang Banal na Pangasiwaan.

BINANGGIT na ang aksiyong ito ay dapat unawain “ayon sa konteksto ng isang mahaba at napakaorganisadong proseso ng pagrerebisa sa kasaysayan na ibig tapusin ni John Paul II bago ang taóng 2000.”a Bakit gayon na lamang ang interes sa mga artsibong ito? Anong mga lihim ang inaakala nilang nakapaloob dito?

Ang Banal na Pangasiwaan ay itinatag ni Papa Paul III noong 1542. Ang papadong ahensiyang ito para sa pagsugpo ng “erehiya” ay tinawag ding Inkisisyong Romano, upang ipakita ang pagkakaiba nito sa Inkisisyong Kastila na pinasimulan noong 1478.b Ang kongregasyon ng mga kardinal na itinatag noong 1542 ay itinalaga upang “pangasiwaan ang mga bagay na may kinalaman sa erehiya sa buong Sangkakristiyanuhan,” paliwanag ni Adriano Prosperi, isang awtoridad sa gayong paksa. Sa mga Inkisisyong umiral noong ika-16 na siglo, tanging ang Inkisisyong Romano na lamang ang aktibo, bagaman may iba nang pangalan at naiibang mga katungkulan.

Ang mga rekord tungkol sa Inkisisyon ay tinipon. Nang maglaon, nakabuo sila ng mga lihim na artsibo ng Banal na Pangasiwaan. Noong 1559, ang mga artsibo ay ninakaw ng ilang mga tao sa Roma, na naghimagsik upang “ipagdiwang” ang kamatayan ni Papa Paul IV, na itinuring na pangunahing tagapagtaguyod ng Inkisisyong Romano. Noong 1810, kasunod ng kaniyang pagsakop sa Roma, inilipat ni Napoléon I ang mga artsibo sa Paris. Noon at sa panahon ng sumunod na pagsasauli ng mga ito sa papa, napakarami nang materyales ang nawala at nasira.

Ano ba ang Laman ng mga Ito?

Ang mahigit na 4,300 dokumento na bumubuo sa mga artsibo ay nasa dalawang silid malapit sa St. Peter’s Basilica. Ayon kay kardinal Joseph Ratzinger​—pinuno ng ahensiyang ito ng Batikano​—ang mga nakapaloob sa mga artsibo ay di-tuwirang may kaugnayan sa mga makasaysayang isyu ngunit “pangunahin nang may kinalaman sa teolohiya.”

Nagkakaisa ang mga istoryador na walang gaanong maaasahang liwanag na isisiwalat ang mga artsibo. Ipinaliwanag ni Propesor Prosperi na ang mga tala ng pinagpulungan ng Inkisisyong Romano ay naroroon ngunit “ang mga papeles, mga rekord, at halos lahat ng mga dokumentong pinagpulungan ay nawawala. Karamihan ay sinira sa pagitan ng 1815 at 1817 sa Paris sa utos ni Monsenyor Marino Marini, na isinugo mula sa Roma upang kuning muli ang mga papeles na inalis ni Napoléon.”

Pinahintulutan ng Batikano ang mga iskolar na makita ang mga dokumentong tinipon bago ang kamatayan ni Leo XIII noong Hulyo 1903. Upang makita iyon, ang mga mananaliksik ay kailangan munang magbigay ng mga liham ng pagpapakilala mula sa relihiyoso o akademikong mga awtoridad.

Kritisismo

Bagaman ipinagbunyi ang balita tungkol sa pagbubukas sa mga artsibo, narinig din naman ang mga pagbatikos. Palibhasa’y nag-iisip kung bakit ang mga dokumento lamang mula bago ang 1903 ang maaaring makita, nagtanong ang Katolikong teologo na si Hans Küng: “Maaari kayang dahil sa mas kapana-panabik ang mga ulat noong 1903 mismo, yamang noong taóng iyon pinasimulan ni Papa Pius X, na kauupo lamang sa trono bilang papa, ang isang anti-Modernistang kampanya, na ang naging mga biktima ay ang napakaraming teologo at lumikha ng mga suliranin sa mga obispo ng Italya, Pransiya, at Alemanya, anupat inilayo ang di-mabilang na mga tao mula sa simbahan?”

Para sa istoryador sa batas na si Italo Mereu, sa kabila ng pagpapalit nila ng pangalan at pagbubukas sa mga artsibo, “ang ginagawa [ng Kongregasyon para sa Doktrina ng Pananampalataya] ay katulad din ng Inkisisyon noon, taglay ang lumang sistema nito,” gaya ng hindi pagpapahintulot na makita ng mga nasa ilalim ng pagsisiyasat ang mga dokumento na may kaugnayan sa kanila.

‘Walang Lihim na Hindi Nabubunyag’

Sa pangkalahatan, hindi naniniwala ang mga istoryador na sila’y makasusumpong ng nakagugulat na mga tuklas sa “mga artsibo tungkol sa Inkisisyon.” Ngunit, mahalaga rin naman na ang Simbahang Katoliko ay makadama ng obligasyon na magpasailalim sa paghusga ng opinyon ng publiko.

Gayunman, lalong nakahihigit ang opinyon ng Diyos. Darating ang panahon na hahatulan niya ang isang relihiyon na nag-aangking Kristiyano ngunit kung ilang siglo nang sumisira sa mga utos ng Diyos at lumalabag sa diwa ng turo ni Jesus sa pamamagitan ng pagsasagawa ng malulupit na Inkisisyon. Sa mga ito, di-mabilang na mga walang-malay na tao ang pinahirapan nang husto at pinaslang, dahil lamang sa ayaw nilang tanggapin ang mga doktrina at gawain ng simbahan.​—Mateo 26:52; Juan 14:15; Roma 14:12.

Gaano man kalalim ang gawing pagsusuri ng mga iskolar sa mga artsibo, patuloy pa rin itong mananatiling kulang. Sa kabilang dako naman, “walang nilalang na hindi hayag sa paningin [ng Diyos], kundi ang lahat ng mga bagay ay hubad at hayagang nakalantad sa mga mata niya na pagsusulitan natin.” (Hebreo 4:13) Iyan ang dahilan kung bakit si Jesus, nang tinutukoy ang mga lider ng relihiyon na sumasalansang sa kaniya, ay nagsabi sa kaniyang mga alagad: “Huwag ninyo silang katakutan; sapagkat walang anumang natatakpan na hindi malalantad, at lihim na hindi malalaman.”​—Mateo 10:26.

[Mga talababa]

a Tingnan Ang Bantayan, Marso 1, 1998, pahina 3-7.

b Bagaman iilan lamang ang pagkakaiba sa mga sistema at mga epekto ng mga ito, ang dalawang institusyong ito ay bago kung ang pag-uusapan ay ang Inkisisyon noong Edad Medya na nagsimula noong 1231 sa Italya at Pransiya.

[Picture Credit Lines sa pahina 12]

Palasyo ng Banal na Pangasiwaan, Roma, Italya

Mga larawang-guhit: Mula sa aklat na Bildersaal deutscher Geschichte

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share