Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 9/22 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Hindi Pag-aasawa​—Bakit?
  • Pagpatay sa Pamamagitan ng Pangangaladkad ng Lambat
  • Mga Kemikal sa Laruan
  • Mga Parokyang Walang Pari
  • Dumaraming Pagkabangkarote
  • Pananamit na Walang Amoy?
  • Higit Pang Pagkabahala sa Tubig
  • Dumaraming Bilanggo sa Estados Unidos
  • Pinagpupustahan ang Armagedon
  • Mga Kemikal—Kaibigan at Kaaway?
    Gumising!—1998
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1998
  • Mga Laruan—Noon at Ngayon
    Gumising!—2005
  • Panatang Hindi Pag-aasawa—Bakit Iginigiit?
    Gumising!—1986
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 9/22 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Hindi Pag-aasawa​—Bakit?

“Isa sa pinakamalaking hamon sa pagkapari ang pagtatalo tungkol sa hindi pag-aasawa sa Simbahang Katoliko,” ang ulat ng magasing Veja. “Noong 1970, 10,000 pari ang naitalang umalis sa kanilang posisyon upang mag-asawa. Sa ngayon, may 120,000​—12 ulit ng bilang na iyon. Sa Brazil, sa panahon ding iyon, dumami ng 20 ulit ang bilang ng mga paring gumawa ng ganitong pasiya.” Bagaman walang saligan sa Kasulatan ang kanilang pangangatuwiran, ipinagtatanggol ng mga lider ng simbahan sa Katolisismong Romano ang hindi pag-aasawa sa pagsasabing ito’y nagpapahintulot sa pari na “magbigay ng higit na pansin sa Diyos” at magtuon ng pansin sa kaniyang gawain. “Subalit ang tunay na pangangatuwiran na umaalalay sa hindi pag-aasawa ay napakapangkaraniwan,” ang sabi ng Veja. “Lumitaw ang ideya noong Edad Medya upang ingatan ang materyal na ari-ariang pamana ng simbahan, anupat hinahadlangang makuha ng mga inapo ang lupain at iba pang pag-aari.”

Pagpatay sa Pamamagitan ng Pangangaladkad ng Lambat

“Taun-taon, isang dako sa sahig ng dagat ng daigdig na mas malaki pa sa buong Canada ang kinakaladkaran ng lambat,” ang sabi ng isang ulat sa The Globe and Mail. “Sa pangangaladkad ng lambat at pagdadraga, ang mabibigat na lambat ay hinihila sa sahig ng dagat, anupat walang pasintabing pumapatay sa mga isda at sa mga hayop na nakatira sa sahig ng dagat, na mahalaga sa kawing ng pagkain sa karagatan. Maraming uri ng isda na hindi naman hinahanap ng mga mangingisda ay nahuhuli rin sa mga lambat at napapatay.” Tinataya ng mga mananaliksik na “bawat hipon na nahuhuli sa pamamagitan ng pangangaladkad ng lambat, 10 o higit pang maliliit na turbot o maliliit na isdang bakalaw ang nahuhuli sa mga lambat at namamatay.” Sa sahig ng dagat na kinaladkaran ng lambat, halos nawala na ang mga espongha, tulya, at mga hayop-tubig na may matigas na balat na gaya ng hipon at alimasag, sabi ng ulat. Ganito ang paliwanag ng propesor sa oceanography sa University of Maine na si Les Watling: “Hindi kailangang maging marine biologist ang isa upang matanto na ang mga pamamaraang ito sa pangingisda ay lubhang nakapipinsala sa mga hayop sa dagat. Ito na ang pinakamalubhang pinsalang nagawa ng tao sa dagat.” Itinutulad ang pagkawasak sa pagkakaingin sa lupa, ang mga biyologo ay nananawagan na magtakda ng ilang dako bilang mga reserbadong dako sa dagat.

Mga Kemikal sa Laruan

“Isang grupo ng mga kemikal na karaniwang ginagamit upang gawing malambot ang laruan ng mga bata ay halos 20 ulit na mas mapanganib kaysa sa dating inaakala,” ang ulat ng The Independent, isang pahayagan sa London. Ipinakikita ng pananaliksik sa Netherlands na ang mga phthalate​—mga nagpapalambot sa matitigas na plastik, gaya ng polyvinyl chloride​—ay masusumpungan sa mga teething ring at iba pang laruan na nginangata ng mga batang musmos at na ang mga kemikal na ito ay agad na sumasama sa laway. Isinisiwalat ng mga pagsubok na ang mataas na dosis ng dalawang karaniwang phthalate “ay maaaring magdulot ng kanser sa atay at sa bato, at magpaliit ng bayag.” Lalo nang nanganganib ang maliliit na bata dahil sa ang kanilang “mababang timbang, papalaki pa lamang na pangangatawan at ang posibleng matagal nilang pagkalantad dito ay nagpapangyari sa kanila na maging mas sensitibo sa mga kemikal,” ang sabi ng artikulo. Si Propesor James Bridges, isang siyentipikong Britano na nagrerepaso ng problema para sa European Commission, ay nagpahayag ng pagkabahala lalo na sa “mga bata na nasa institusyon, halimbawa sa isang day-care centre na hindi maayos ang pagpapatakbo o sa ospital, yamang may hilig silang ngatngatin ang mga laruan sapagkat wala silang magawa.” Ipinagbawal na ng anim na bansa ang mga kemikal sa mga laruan, at apat pa ang naghahandang ipagbawal ito.

Mga Parokyang Walang Pari

Maraming parokyang Katoliko sa Italya​—3,800, ang eksaktong bilang​—ang walang isang residenteng kura paroko, sabi ng isang surbey na isinagawa ng Pastoral Orientation Center ng simbahan. At hindi lamang ito mga parokya sa lalawigan o sa nabubukod na mga dako. Ayon sa pahayagang La Repubblica, “madalas na walang isang ‘residenteng kura paroko’ kahit na sa katamtamang-laki na mga sentro sa lunsod (na may isa hanggang tatlong libong naninirahan).” Upang ikubli ang kakulangan, ang mga grupo ng parokya ay karaniwang ipinagkakatiwala sa iisang hinirang o sa isang grupo ng mga pari. “Subalit, sa ganitong paraan,” paliwanag ng pahayagan, “nawawala ang tuwiran at pang-araw-araw na pakikihalubilo ng kura paroko sa mga sakop ng kaniyang parokya, at . . . ang mga pari’y napipilitang tumakbo, nagmamadali, mula sa isang parokya tungo sa isang parokya.” Ang kakapusan ay nilulutas sa iba’t ibang paraan. Ang malalaking lunsod na gaya ng Roma ay nangalap ng mga paring banyaga. Hindi kukulanging dalawang parokya sa Italya ngayon ang nakaatas sa mga karaniwang tao, na hindi maaaring Magmisa at maaari lamang magbigay ng Komunyon o magbinyag sa mga kaso ng biglang pangangailangan.

Dumaraming Pagkabangkarote

“Nasa gitna ng krisis sa pagkabangkarote ang Amerika,” ang sabi ng senador sa Estados Unidos na si Charles Grassley. Mula nang itatag ang mga batas sa pagkabangkarote sa Estados Unidos isang siglo na ang nakalipas, mga 20 milyong Amerikano ang nagsumite na ng personal na pagkabangkarote, at ginawa ito ng mahigit sa kalahati sa kanila mula noong 1985. Noong kalagitnaan ng 1998, umabot sa pinakamataas na bilang ang nagsumite ng pagkabangkarote na 1.42 milyon sa naunang 12 buwan. Bakit dumarami ang bilang? Ayon sa tagapangulo ng U.S. Federal Reserve na si Alan Greenspan, ang biglang pagdami ng mga pagkabangkarote ay maipapaliwanag na dulot ng mga pagbabago “sa kahihiyan na iniuugnay sa isyu ng pagkabangkarote.” Sinasabing ang isa pang salik ay “ang pagbangon ng kulturang mahilig umutang kung saan ang mga mamimili ay nasanay na magdala ng tumatambak na personal na mga utang,” ang sabi ng The Wall Street Journal.

Pananamit na Walang Amoy?

“Sa dalawang taong nakalipas, natalos ng mga propesyonal sa tela ang kahalagahan ng telang bioactive, na may iba’t ibang katawagan bilang sumusugpo sa baktirya . . . o sumusugpo sa amoy,” ang sabi ng pahayagang Pranses na Le Monde. Lumalakas ang pangangailangan para sa telang sumusugpo sa baktirya. Bagaman ang materyales na ito ay pangunahin nang ginagamit sa mga kubrekama, ginagamit na rin ito ngayon upang gumawa ng mga medyas at mga kasuutang panloob. Subalit, hindi nagugustuhan ng lahat ng tao ang paggamit ng telang may phenol (pandisempekta) at maraming metal na bumabago sa pagkilos ng baktirya, yamang maraming baktirya na kapaki-pakinabang sa mga tao. “Upang maisagawa ang mga gawain nito nang wasto, kailangan ng ating balat ang lahat ng kapaki-pakinabang na mga baktirya nito,” ang sabi ng Le Monde. “Kailangang kilalanin at pakitunguhan ng mga gumagawa ng mga telang sumusugpo sa baktirya ang tunay na problema”​—kung paano tatakdaan ang pagdami ng nakapipinsalang baktirya nang hindi pinapatay ang baktirya na kailangan upang labanan ang impeksiyon.

Higit Pang Pagkabahala sa Tubig

“Ang ating iniinom na tubig ay hindi lamang punô ng mga pestisidyo, kundi sa ngayo’y mukhang punô rin ito ng gamot,” sabi ng New Scientist. Maraming pinagmulan ang mga gamot na ito. Kung minsa’y itinatapon ang di-kinakailangang mga gamot sa pamamagitan ng pagbubuhos nito sa inodoro. Bukod pa rito, ang mga gamot ay inilalabas sa pamamagitan ng ihi. “Sa pagitan ng 30 at 90 porsiyento ng ibinigay na dosis ng antibayotik sa mga tao at mga hayop ay inilalabas na kasama ng ihi,” ang sabi ni Bent Halling-Sorensen, ng Royal Danish School of Pharmacy. Ugali na ng mga magsasakang gamitin ang ihi at dumi ng hayop sa kanilang mga bukid. Kapag umabot na sa kapaligiran ang gamot, maaaring ang mga ito’y nasa orihinal na anyo, o binago na ng katawan ng tao, maaaring ang mga ito’y nasa anyo na mas agad tumutugon o nakalalason kaysa sa dati at isa na kadalasang mas sumasama sa tubig. “Ang mga gamot ay isa sa ilang pangkat ng mga kemikal sa tubig na hindi namin sinusubaybayan,” sabi ni Steve Killeen, ng Environment Agency ng Britanya.

Dumaraming Bilanggo sa Estados Unidos

“Ang dami ng pagkabilanggo ngayon sa Amerika ay walang-katulad sa anumang demokrasya, at mas marami pa kahit sa kailanma’y sinikap ng mga pinakatotalitaryong mga pamahalaan,” sabi ng The Economist. “Noong nakaraang taon, isa sa bawat 150 residente [sa Estados Unidos] (kasali ang mga bata) ay nabilanggo.” Ang dami ng pagkabilanggo ay 20 ulit kaysa sa Hapón, 6 na ulit kaysa sa Canada, at mula 5 hanggang 10 ulit kaysa sa mga bansa sa Kanlurang Europa. Ang bilang ng mga bilanggo sa Estados Unidos ay dumami nang apat na beses mula noong 1980. Mahigit na 400,000 ng mga nakakulong ngayon ay naroon dahil sa mga paglabag may kaugnayan sa droga, gayunman ang dami ng mga taong nag-aabuso sa droga ay nanatiling hindi nagbabago mula noong 1988. Ganito ang tanong ng The Economist: “Mabisa man o hindi ang bilangguan bilang isang kasangkapan upang labanan ang krimen, hanggang kailan pa makakaya ng Amerika ang lalong dumaraming pagkabilanggo?”

Pinagpupustahan ang Armagedon

Linggu-linggo, napakaraming tao sa Britanya ang “tumataya sa Armagedon,” ang ulat ng The Guardian. Isinisiwalat ng isang surbey sa 1,001 adulto na 33 porsiyento ang may palagay na darating ang katapusan ng mundo bilang resulta ng isang digmaang pandaigdig, samantalang 26 na porsiyento naman ang nag-aakalang ang katapusan ay pangyayarihin ng pag-init ng globo. Ipinalalagay naman ng iba na ang pagbunggo sa isang asteroid ang magiging dahilan. Sa katunayan, 59 na porsiyento ng mga tinanong ang “nag-aakalang mayroon silang mas malaking tsansa na makaranas ng katapusan ng mundo kaysa manalo sa Pambansang Loterya,” ang sabi ng The Guardian. Bakit may ganitong pala-palagay tungkol sa Armagedon? “Malamang na naimpluwensiyahan [ang mga tao] ng Milenyo at ng damdamin ng pagkawasak na nakapaloob dito,” komento ng pahayagan.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share