Pagmamasid sa Daigdig
Nagpapaligsahan sa Pagkain ang mga Daga at mga Tao
Ayon sa Australian Commonwealth Scientific and Industrial Research Organization (CSIRO), sa buong daigdig ay sampung bubuwit ang isinisilang sa bawat isang sanggol na isinisilang. Bawat araw, mga 360,000 bagong-silang na tao ang kailangang pakainin, ngunit 3,600,000 bagong-silang na daga naman ang nangangailangan din ng pagkain. Halimbawa, ang Indonesia ay may populasyon na mga 230 milyon katao, at mga 60 porsiyento sa kanila ay dumedepende sa bigas para sa kanilang araw-araw na pangangailangan ng lakas. Gayunman, sa bansa ring iyon, mga 15 porsiyento ng inaaning bigas ay kinakain ng mga daga taun-taon. “Nangangahulugan iyan na ang kinakaing bigas ng mga daga ay sapat na upang pakainin ang mahigit na 20 milyong taga-Indonesia sa isang buong taon,” ang sabi ng siyentipiko ng CSIRO na si Dr. Grant Singleton.
Sabaw ng Manok—Isang Likas na Gamot sa Sipon
Ang sabaw ng manok ay matagal nang ginagamit bilang tradisyonal na gamot sa mga karamdaman sa palahingahan tulad ng sipon. Gaya ng iniulat ng aklat na Food—Your Miracle Medicine, ipinaliliwanag ni Dr. Irwin Ziment, espesyalista sa baga sa University of California sa Los Angeles, kung paano ito umeepekto: “Ang manok, tulad ng karamihan sa mga pagkaing may protina, ay nagtataglay ng isang likas na amino acid na tinatawag na cysteine, na lumalabas kapag niluluto ang sabaw. Ang cysteine ay may kapansin-pansing pagkakahawig sa kemikal na kayarian ng isang gamot na tinatawag na acetylcysteine, na inirereseta ng mga doktor para sa kanilang mga pasyente na may brongkitis at mga impeksiyon sa palahingahan.” Ang gamot na ito, na noong una ay nanggagaling sa mga balahibo at balat ng manok, ay isang mucolytic, na ang ibig sabihin, pinaninipis nito at pinabibilis ang pagdaloy ng uhog mula sa ilong, lalamunan, at mga baga. Halos gayung-gayon ang epekto ng sabaw ng manok. Upang ang sabaw ay maging isang lalong epektibong panlaban sa pagbara ng uhog, iminumungkahi ni Dr. Ziment ang pagdaragdag ng bawang, sibuyas, at maaanghang na pampalasa gaya ng sili.
Ang mga Pranses at ang Paranórmal
Sa kabila ng kanilang reputasyon bilang mga mahilig sa lohika, maraming Pranses ang naniniwala pa rin sa paranórmal. Ayon sa isang ulat sa pahayagan ng Pransiya na Le Monde, nasumpungan ng mga mananaliksik na “sangkatlo ng populasyon ay naniniwala na makikilala ang mga ugali sa pamamagitan ng mga tanda sa astrolohiya, samantalang sangkapat naman ang naniniwala sa mga hula ng horoscope.” Mga 50 porsiyento ang naniniwala sa pagpapagaling sa pamamagitan ng pananampalataya at sa telepathy. Ang nakapagtataka, isiniwalat ng pananaliksik na ang interes sa siyensiya ay hindi pumawi sa paniniwala sa paranórmal. Sa kabaligtaran, kadalasan nang mas hindi gaanong mapaniwalain yaong may napakakaunting kaalaman sa siyensiya kaysa sa mga may maraming kaalaman sa siyensiya.
Nakamamatay na Heatstroke
Sa pagkokomento sa pagkamatay ng tanyag na manlalaro sa Estados Unidos na si Korey Stringer dahil sa heatstroke, ipinaliwanag ng magasing Time na sa mainit at mahalumigmig na klima, maaaring hindi mabilis sumingaw ang pawis upang mapalamig ang katawan sa panahon ng matinding pagpapagal. Maaaring magbunga ito ng heatstroke, na nakikilala sa potensiyal na nakamamatay na pagtaas ng temperatura ng katawan. Maaaring kabilang sa nagbababalang mga palatandaan ng heatstroke ang pagkahilo, pananakit ng ulo, pagduduwal, panghihina, pagkalito ng isipan, pagbilis ng pintig ng pulso, at ang mainit, tuyo, at mamula-mulang balat. Kailangan ang agad na pagpapalamig sa katawan sa pamamagitan ng napakalamig na tubig, mga bulsa de yelo, o iba pang mga paraan upang mailigtas ang buhay ng biktima. Subalit mas mabuti ang pag-iwas kaysa sa paglunas. “Sikaping iwasang mag-ehersisyo sa pinakamainit na bahagi ng maghapon. Magsuot ng maluluwang na damit na nagpapahintulot sa pagtagos ng hangin sa palibot ng iyong katawan. At tiyaking uminom ng maraming likido,” lalo na ng tubig, ang mungkahi ng Time. “Ang inuming de-alkohol, tsa at mga kola, na nagsisilbing pampadalas sa pag-ihi, ay lalo pa ngang makababawas ng likido sa katawan.”
Kahina-hinalang Gawain ng mga Kompanya ng Tabako
Isinisiwalat ng mga lihim na dokumento ng kompanya ng tabako na “sadyang nililinlang [ng mga kompanya ng tabako] ang mga naninigarilyo na isiping sila ay humihitit ng mga sigarilyo na nagtataglay ng mas mabababang antas ng tar at nikotina kaysa sa talagang hinihitit nila,” ang ulat ng magasing New Scientist ng Britanya. Bilang halimbawa nito, isang utos mula sa European Union noong 1990 ang nagtakda na hanggang 15 miligramo lamang ng tar ang maaaring isangkap sa bawat sigarilyo at may limitasyon din sa pagsasangkap ng nikotina. Gayunman, upang masunod ang mga limitasyong iyon sa tar at nikotina, isinisiwalat ng mga dokumento ng isang kompanya na sa halip na baguhin ang mga sigarilyo, sinadya ng kompanya na manipulahin ang mga pamantayan sa pamamagitan ng pagbabago sa paraan ng kanilang pagsukat sa mga sangkap. Paano nila nagawa ito nang hindi napaparusahan? “Nagawa ito ng mga kompanya dahil mabisa nilang nakokontrol ang komite ng tabako [na] nagtatakda ng gayong mga pagsusuri,” ang ulat ng New Scientist. Ganito ang sabi ni Stella Bialous ng World Health Organization: “Ipinakikita nito kung gaano kawalang-saysay ang mga regulasyong ito para ipagsanggalang ang publiko.”
Pinakalumang Inilimbag na Anunsiyo
Natagpuan ng mga arkeologong Tsino ang pinakalumang kilaláng anunsiyo na inilimbag sa papel, ang ulat ng People’s Daily Online ng Tsina. Dalawang piraso ng pambalot na papel, na mula pa noong nakalipas na mga 700 taon at lumilitaw na ginamit na pambalot ng pangulay na oleo, ang nahukay mula sa isang libingan sa Lalawigan ng Hunan sa Tsina. “May 70 titik na Tsino sa kanang itaas ng papel na naglalarawan sa pagkasari-sari, kalidad at katangian ng kalakal, at ang direksiyon ng tindahan ay nakalimbag din sa papel,” ang sabi ng ulat. Ang ilan sa pananalita ng anunsiyo ay kapansin-pansing nahahawig sa makabagong mga anunsiyo. Ang bahagi nito ay kababasahan ng ganito: “Kung ihahambing sa ibang mga oleo, kakaiba ang kulay ng aming produkto.” Palibhasa’y batid na dumating ang papel sa Europa noong ika-12 siglo at naimbento naman ni Gutenberg ang tipograpya noon lamang ika-15 siglo, ganito ang sinasabi ng ulat: “Sa Tsina, ang paggawa ng papel ay matatalunton mula pa noong AD 105, nang unang gawin ni Ts’ai Lun ang isang pilyego ng papel; kung tungkol naman sa paglilimbag, ang Tsina ay naglilimbag na sa pamamagitan ng bloke ng kahoy noong ika-9 na siglo.”
Pagnenegosyo ng Simbahan
Palibhasa’y hindi dumarami ang dumadalo at umuunti ang mga abuloy, ang mga simbahan sa Estados Unidos ay nagbubukas ng mga sekular na negosyo upang makatulong sa pagbabayad ng mga gastusin. “Ito ang kinabukasan ng bawat agresibong simbahan,” ang sabi ni Stephen Munsey, isang matagal nang pastor sa Family Christian Center sa Munster, Indiana. Ayon sa The Wall Street Journal, ang mga komersiyal na gawain ng mga simbahan ay mula sa pagbebenta ng kape at mga doughnut sa bulwagang hintayan hanggang sa pagpapatakbo ng kumpleto-sa-serbisyong mga restawran sa beranda ng simbahan. Isang simbahan sa Jacksonville, Florida, ang nagbukas ng isang shopping mall malapit sa mismong gusali ng simbahan. Kabilang sa mga nasa loob ng mall ang isang travel agency, isang beauty salon, at isang soul-food na restawran. Ang tagapagtatag at obispo ng simbahan, si Vaughn McLaughlin, ay nagsabi: “Nais ni Jesus na kunin ang mga kaloob na ibinibigay niya sa atin, at kumuha ng interes.” Idinagdag pa niya na noong taóng 2000, ang mga negosyo ng simbahan ay kumita ng mahigit sa dalawang milyong dolyar.
Di-nakapipinsalang Cannabis?
“Ang mga pag-aangkin na di-nakapipinsala ang cannabis ay pinabubulaanan ng isang bagong ulat na nagbababala na ang droga ay nagiging higit na malakas at maaaring umakay sa malulubha at nagtatagal na pinsala sa kalusugan,” ang ulat ng The Independent ng London. Si Propesor Heather Ashton ng Newcastle University, Inglatera, ay nagsasabi: “Naaapektuhan ng cannabis ang halos lahat ng sistema ng katawan. Pinaghahalu-halo nito ang marami sa mga sangkap ng alkohol, pampakalmang gamot, gamot na may opyo at mga gamot na lumilikha ng halusinasyon.” Kilalá ito na malubhang nagpapahina sa kakayahang magmaneho. Maaari rin itong magdulot ng malaláng sakit sa isip, lakip na ang schizophrenia; limang beses na mas matinding puminsala sa mga baga kaysa sa sigarilyo; maaaring maging sanhi ng bihirang mga kanser sa lalamunan; at maaaring magdulot ng nakamamatay na atake sa puso sa ilang kabataan na gumagamit nito. Noong dekada ng 1960, ang isang sigarilyong marihuwana ay karaniwan nang naglalaman ng 10 miligramo ng THC, isang kemikal na nakaaapekto sa utak. “Ngayon, dahil sa mas makabagong pagtatanim at pagpaparami ng halaman, ang isang sigarilyong marihuwana ay maaaring maglaman ng 150mg ng THC at hanggang sa 300mg kung ito ay hinaluan ng konting langis ng hashish,” ang paliwanag ng pahayagan.
Nauunawaan Mo ba ang Iyong Doktor?
“May problema sa komunikasyon sa pagitan ng mga doktor at mga pasyente,” ang ulat ng Folha de S. Paulo ng Brazil. Sa isang surbey na ginawa sa pangkagipitang silid-pagamutan para sa mga bata sa isang ospital sa São Paulo, 25 porsiyento ng mga magulang na nagpatingin ng mga anak ang umalis sa tanggapan ng doktor nang hindi nauunawaan kung ano ang resulta ng pagsusuri, 24 na porsiyento ang hindi makabasa sa reseta dahil sa di-maintindihang sulat-kamay, at 90 porsiyento ang hindi makaalaala sa pangalan ng doktor. May ilang salik na nagiging sanhi ng pagkasirang ito ng komunikasyon. Kabilang sa mga ito ang “mabilis at walang malasakit” na mga konsultasyon na nagiging dahilan upang ang mga pasyente ay “mawalan ng tiwala at di-masiyahan sa pagsusuri ng doktor,” ang labis na paggamit ng terminong pangmedisina, at ang katotohanan na ang makabagong mga pagsusuri sa medisina ay nagpapangyari na hindi na kailangang magtanong nang marami ang mga doktor na gaya ng dating ginagawa nila. Ayon sa ulat, binanggit ng isang saykayatris ang isa pang salik—ang “pananggalang sa damdamin” na nililinang ng maraming doktor “upang ipagsanggalang ang kanilang sarili laban sa kirot, pagdurusa, hapis, at takot sa kamatayan.”