Tulungan ang mga Baguhan na Gumawa ng Espirituwal na Pagsulong
1 Nagkaroon na ba kayo ng kaligayahan na makipag-aral sa isa hanggang sa punto na nanindigan siya sa panig ni Jehova? Isang napakahalagang sandali kapag sinagisagan ng isa ang kaniyang pag-aalay sa pamamagitan ng bautismo sa tubig. Subali’t kung paanong ang mga bata ay nangangailangan ng patnubay habang sila ay lumalaki, ang mga baguhan ay nangangailangan din ng tulong upang magkaroon ng espirituwal na pagsulong.—1 Cor. 4:14-17; 2 Cor. 6:13.
2 Walang pagsalang tayong lahat ay nagalak na makitang napakaraming baguhan ang dumalo sa pagdiriwang ng Memoryal noong Abril 12. Ngayon ay kailangan nating tulungan silang higit na makilala si Jehova at ang kaniyang organisasyon. Paano? Sa pamamagitan ng pag-aanyaya sa kanila sa mga pulong ng kongregasyon nang palagian, at makilala nila ang iba pa sa kongregasyon. Gamiting mabuti ang impormasyon sa mga pahina 14-15 at 18-19 ng brochure na Paggawa ng Kalooban ng Diyos. Huwag mag-atubili sa pag-aakalang sila‘y hindi pa handa. Marami ang nagpasimulang makisama nang palagian sa loob lamang ng maikling panahon pagkatapos na una nilang masumpungan ang katotohanan.
PAGTULONG SA MGA ESTUDIYANTE NG BIBLIYA
3 Maaari bang higit pang matulungan ang ating mga estudiyante ng Bibliya? Naturuan na ba ninyo sila kung paano mag-aaral? Nangangailangan ba sila ng tulong sa paghahanda para sa mga pulong? Pasiglahin silang sumali sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro kapag sila’y naging kuwalipikado. Ang palagiang pakikibahagi sa mga pulong ay nakatutulong nang malaki sa espirituwal na pagsulong.
4 Sikaping makilala nang mabuti ang inyong estudiyante nang hindi nanghihimasok sa kaniyang personal na buhay. Mayroon bang hadlang na nakapipigil sa kaniyang sumulong sa espirituwal? Kung may ilang pagbabago sa Kristiyanong pamumuhay ang kailangan, mataktikang tulungan siya sa bagay na ito.
5 Maaaring isaayos ng mga konduktor sa Pag-aaral ng Aklat na makilala ang mga nagsisipag-aral at pasiglahin silang dumalo nang palagian sa pag-aaral ng aklat. Kapag dumadalaw sa isang grupo ng pag-aaral sa aklat, nanaisin ng tagapangasiwa sa paglilingkod na samahan ang ilang mamamahayag sa kanilang mga pag-aaral sa Bibliya at magbigay ng pampatibay-loob. Gayundin, malulugod ang tagapangasiwa ng sirkito at ang kaniyang asawa na samahan ang mga mamamahayag sa mga pag-aaral sa Bibliya sa panahon ng kaniyang dalaw. Maaaring repasuhin ng tagapangasiwa sa paglilingkod ang mga ulat ng pag-aaral sa Bibliya at isaayos ito bago ang dalaw ng tagapangasiwa ng sirkito.—Roma 1:11; Fil. 1:25; tingnan din ang km 5/81, p. 4.
6 Pagkatapos na mabautismuhan ang isang baguhan, patuloy na tulungan siyang gumawa ng karagdagang pagsulong. (Gal. 6:10; 1 Ped. 1:22; 4:8; Fil. 3:13-16) Tiyaking matapos ang dalawang iminungkahing publikasyon sa estudiyante kahit na siya’y nakadalo na sa Pag-aaral sa Aklat ng Kongregasyon nang pag-aralan ang mga publikasyong ito. (km 11/83, p. 7) Kapag hindi naisagawa ito ay maaaring hindi maihanda ang estudiyante sa espirituwal upang makatayo sa ganang sarili. Kung may makadamang hindi niya matutulungan ang estudiyante sa Bibliya na maabot ang espirituwal na pagkamaygulang, dapat siyang makipag-usap sa mga matatanda tungkol dito.—Tingnan ang km 6/86, p. 3.
7 Ang kagalakang ating natatamo na makitang sumusulong ang isang baguhan sa daan ng buhay ay humahangga sa pagkakita nating siya ay sumusulong sa Kristiyanong pagkamaygulang. Siya’y mapapalagay din sa kalagayang makatulong sa iba pang baguhan na gumawa ng pagsulong habang tayong lahat ay nagkakaisang gumagawa sa tunguhin ng buhay.—1 Tim. 4:16.