Paghaharap ng Mabuting Balita—Sa mga Baguhan
1 Anong kamangha-manghang bentaha ang magkaroon ng mga may karanasang mamamahayag sa gitna natin! Sila’y tunay na mahalagang bagay sa kongregasyon habang ginagamit nila ang kanilang karanasan sa pagtulong sa maraming baguhan na pumapasok sa organisasyon ni Jehova ngayon. Isinasapuso nila ang payo: “Na ayon sa kaloob na tinanggap ng bawa’t isa, ay ipaglingkod sa inyo-inyo rin.”—1 Ped. 4:10.
2 Ang mga sinang-ayunang kasama at yaong mga bagong nabautismuhan ay karapatdapat na papurihan sa kanilang lubusang paggawa sa ministeryo. Gayumpaman, ang kanilang karanasan ay limitado lamang sa isa o dalawang bahagi ng gawaing pangangaral, gaya ng pamamahagi ng magasin at impormal na pagpapatotoo. Upang ang kanilang pagsulong ay mahayag, kailangan nilang isagawa ang iba’t ibang bahagi ng ministeryo hangga’t kaya nila. Ang mga baguhan ay matutulungang maging dalubhasang mga ministro ng Kaharian sa pamamagitan ng paggawang kasama niyaong mga may higit na karanasan.—Ecles. 4:9, 10.
GAMITIN ANG INYONG SARILI
3 Maaari ba ninyong gamitin ang inyong sarili sa pagtulong sa iba sa ministeryo? Ang mga baguhan ay kailangang matuto kung paano gagamitin ang Bibliya sa pagbabahay-bahay. Kailangan silang matutong makipag-usap sa maybahay. Ang baguhan ay maaaring matakot sa pagsasagawa ng mga pagdalaw-muli at pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya. Subali’t ang mga nagnanais ay maaaring matuto kung sila’y tatanggap ng kinakailangang tulong at pampatibay-loob.
PAANO KAYO MAKATUTULONG?
4 Ang isang paraan upang kayo ay makatulong ay ang paglapit sa isang kulang pa ang karanasan at talakayin ang mga presentasyon sa Ating Ministeryo sa Kaharian. Gamitin ang aklat na Reasoning, pumili ng angkop na mga pambungad at mag-ensayo kung paano haharapin ang mga pagtutol. Maaari ninyong pag-usapan kung paano tatapusin ang unang pagdalaw upang mailagay ang pundasyon para sa isang pagdalaw-muli, o maaari ninyong ipakita kung paanong ang isang pag-aaral sa Bibliya ay mapasisimulan. Ang gayong paghahanda ay magbibigay sa baguhan ng pagtitiwala na makipag-usap sa mga tao tungkol sa Salita ng Diyos.
5 Gumawa ng tiyak na kaayusan sa paggawa sa ministeryo sa larangan. Sa pasimula ay nanaisin ng baguhan na magmasid muna. Pagkatapos ay maaari niyang gawin kung ano ang inihanda sa pag-eensayo. Talakayin kung paano makagagawa pa ng pagsulong. Maging nakapagpapatibay at umaalalay. Ipaalaala sa baguhan na ito’y gawain ni Jehova at pagpapalain niya ang ating tapat-pusong pagsisikap.—Mat. 11:29, 30.
GUMAWA DIN KASAMA NG MGA KABATAAN
6 Lalong nasisiyahan ang mga kabataan kapag ang kanilang presentasyon ay lubos na naihanda. Ang mga kabataan ay maaaring mapasigla na gumawa ng isang payak na presentasyon sa magasin. Kung maaari, sila ay mabibigyan ng pagkakataon na bumasa ng isang teksto mula sa Bibliya. Tulungan ang bawa’t isa na sumulong ayon sa kaniyang edad at kakayahan.
7 Ang mga nagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya ay magnanais na akayin ang kanilang mga tinuturuan sa paglilingkod sa larangan sa lalong madaling panahon kapag sila’y kuwalipikado na. Ang mga matatanda, ministeryal na lingkod, mga payunir, at mga magulang ay dapat na maging gising sa pagbibigay ng tulong sa mga nagpapasimula pa lamang na makibahagi sa gawaing pangangaral. Maaari ba ninyong gamitin ang inyong sarili sa pagtulong sa mga baguhan? Sa pamamagitan ng paggawa ng lahat na may pagkakasuwato, ang pagsulong tungo sa pagkamaygulang ay mamamalas.—Efe. 4:16.