Magtakda ng mga Tunguhin Upang Mapanatiling Malakas ang Inyong Pananampalataya
1 Ang malakas na pananampalataya kay Jehova ay kailangan upang makalugod sa Diyos. (Heb. 11:6) Subali’t gaya ng ipinaliwanag ni apostol Pablo, “hindi lahat ay mayroong pananampalataya.” Yamang nalalaman natin na kung walang pananampalataya ay hindi maaaring makalugod sa Diyos at ang buhay ay nakataya, may mabubuting dahilan kung bakit dapat nating panatilihin ang malakas na pananampalataya samantalang tayo ay nakaharap sa “katapusan ng sistemang ito ng mga bagay.”—2 Tes. 3:2; Mat. 24:3, 36.
2 Ano ang makatutulong sa atin upang mapanatili ang malakas na pananampalataya sa 1989 taon ng paglilingkod? Ang mga teokratikong tunguhin ay makatutulong. Kapag naitakda ang makatuwirang mga tunguhin may kaugnayan sa ministeryo sa larangan at sa iba pang larangan ng pamumuhay, malaki ang maisasagawa ukol sa ating kapakinabangan at sa ikaluluwalhati ng ating makalangit na Ama.
SA MINISTERYO AT SA PERSONAL NA PAG-AARAL
3 Ang ating magagawa bilang indibiduwal sa ministeryo ay maaaring malaki ang pagkakaiba. Subali’t ang masikap na paglilingkod, bagaman limitado, ay nakalulugod kay Jehova. (Luc. 21:1-4) Gayunman, maaaring may mga paraan upang higit na panahon ang magamit ng bawa’t isa sa ministeryo sa bagong taon ng paglilingkod. Halimbawa, maaari ba kayong magsaayos ng eskedyul na magpapangyaring kayo ay makapag-auxiliary payunir sa loob ng isang buwan o higit pa sa buong taon? O maaari bang pagsikapan ninyong maging isang regular payunir?
4 Ang isa pang mahalagang tunguhin ay ang magtamo nang higit pa mula sa personal na pag-aaral. Upang tamuhin ito, maaari ninyong isaayos na basahin ang Bibliya sa isang itinakdang panahon. Maaari kayong maglaan ng tiyak na panahon bawa’t linggo para sa personal na pag-aaral at manatili sa inyong eskedyul. Gamitin ang inyong natutuhan sa paglilingkod, talakayin iyon sa iba, o gumawa ng personal na pagkakapit sa iba pang paraan.
MGA KABATAAN AT MGA MAGULANG
5 Ang tunguhin na maaaring isaalang-alang ng mga kabataan ay ang makapagbigay ng mabisang patotoo sa mga guro at mga kamag-aral. Hinggil sa School brochure, isang kabataang Saksi ang nagsabi: “Ginawa nito na lalong madali para sa amin na makipag-usap sa mga guro at kapuwa mga estudiyante tungkol sa aming paniniwala.” Sinubukan na ba ninyo ang paraang ito?
6 Kayong mga kabataan, gawing tunguhin na huwag pahintulutang ang masasamang kasama, droga, at imoralidad ay makaapekto sa inyo sa mga buwang darating! Gamitin ang School brochure upang tulungan kayo na mapagtagumpayan ang mga pagsubok sa katapatan na maaaring mapaharap sa inyo sa paaralan.
7 Ang pag-abot sa mga tunguhin ninyo at ng inyong pamilya ay mangangailangan ng pagsasakripisyo. Subali’t yamang ang sanlibutan ay “lumilipas,” nanaisin ninyo na gumawa ng lahat ng pagsisikap upang tamuhin ang pagsang-ayon ng Diyos. (1 Juan 2:17) Kaya habang kayo ay tumitingin sa hinaharap sa 1989 taon ng paglilingkod, maging determinado na maingatang malakas ang inyong pananampalataya at ang sa inyong pamilya. Magtakda ng mga tunguhin para sa inyong sarili, at pagsikapang maabot ang mga iyon.