Kayo ba ay Gumagawa Bilang Isang Pamilya Tungo sa mga Espirituwal na Tunguhin?
1 Bilang isang naaalay na bayan tayo ay may tunguhin na maglingkod nang tapat kay Jehova, at tumanggap ng kaloob na buhay na walang hanggan. Sabihin pa, hindi tayo interesado lamang sa ating sariling katapatan at kaligtasan. Nais nating tulungan ang iba pa na abutin din ang mga tunguhing ito, lalo na ng ating sariling pamilya.—Juan 1:40, 41; 1 Tim. 5:8.
2 Kung papaanong ang bundok ay inaakyat nang baytang-baytang, tayo rin naman ay susulong nang baytang-baytang sa ating Kristiyanong landasin. Sa bagay na ito maaari nating ilagay ang mga espirituwal na tunguhin para sa ating sarili. Ang mga pamilya ay maaaring magkaroon ng mga tunguhin may kaugnayan sa mga pulong, paglilingkod sa larangan at pampamilyang pag-aaral. Mayroon bang mga pagsulong na magagawa pa? Maaari bang ang ilang miyembro ng pamilya ay matulungang abutin ang tunguhin ng buong-panahong paglilingkod? Maaaring pag-usapan ng pamilya na magkakasama kung papaano aabutin ang mga tunguhing ito. Kapag naabot na ang mga ito, ang iba pang teokratikong tunguhin ay maaaring ilagay. Kaya, baytang-baytang, ang espirituwal na pagsulong ay maisasagawa.
MGA PULONG
3 Ang ilang pamilya ay maaaring mangailangang ilagay na tunguhin ang pagiging nasa oras sa mga pulong. Ito ay maaaring maging isang tunay na hamon sa malalaking pamilya, sa mga may mahihirap na eskedyul sa trabaho, o kapag ang sasakyan ay isang suliranin. Ang pagtutulungan at mabuting organisasyon ay mahalaga.
4 Ang isa pang praktikal na tunguhin para sa pamilya na maisasaalang-alang ay ang pagkokomento sa mga pulong. Ang paggawa ng maikli at espesipikong mga komento sa sariling pangungusap ng isa ay nagpapakita ng espirituwal na pagsulong at kapakipakinabang. Ang mga miyembro ng pamilya ay maaaring tumulong sa isa’t isa sa paghahanda ng kanilang komento.. Maaari ding tulungan nila ang isa’t isa na makagawa ng pagsulong sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro. Maaaring saklawin nito ang pakikinig sa kabataang miyembro ng pamilya sa pag-eensayo ng kanilang mga atas, na ipinakikita sa kanila kung papaano gagawa ng isang balangkas, pagtutuwid sa kanilang pagbigkas, abp. Ang tunguhin ng pagiging isang mabuting guro o tagapagbasa sa madla ay karapatdapat sa lubusang pagsisikap.—1 Tim. 4:13.
PAGLILINGKOD SA LARANGAN
5 Ang inyo bang buong sambahayan ay nakikibahagi sa paglilingkod sa larangan sa unang Linggo ng bawa’t buwan? Ano naman ang tungkol sa tunguhing tulungan ang mga miyembro ng pamilya na matutuhan ang kasalukuyang Paksang Mapag-uusapan o isang bagong presentasyon sa magasin? Naririyan din ang tunguhing makapagpasimula ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya o maging higit na palagian sa pangangasiwa ng isang tatag na pag-aaral.
PAMPAMILYANG PAG-AARAL
6 Para sa ilang pamilya maaaring maging isang hamon ang manatiling regular ang eskedyul ng pampamilyang pag-aaral. Kung minsan kakailanganin na gumawa ng panibagong eskedyul sa pag-aaral. Subali’t ito ay isang eksepsiyon. Ang isa pang tunguhin ay ang lingguhang pagbabasa ng atas sa Bibliya nang palagian, marahil ay ilalakip ito sa pampamilyang pag-aaral. Sa karamihang mga tao, ang pagbabasa ng iniatas na materyal para sa linggo ay gumugugol lamang ng 20 hanggang 25 minuto. Ito ay magdaragdag sa inyong kaalaman at magpapangyaring ang repaso ng mga tampok na bahagi ng Bibliya ay lalong kapanapanabik.
7 Marami pang ibang tunguhin na maaaring ilagay ng mga indibiduwal at ng mga pamilya para sa kanilang sarili. Halimbawa, ano naman ang tungkol sa pampamilyang pagsisikap na mag-auxiliary payunir sa mga pantanging buwan, tulad ng Nobyembre o Abril? Gayundin, maaari bang itaguyod ng pamilya ang kahit na isa man lamang miyembro bilang isang regular payunir? Naririyan din ang tunguhin ng pagiging isang ministeryal na lingkod o matanda. Ang mga tunguhing ito ay nangangailangan ng pagsisikap at lubusang paggawa. Habang tayo ay nagsisikap na abutin ang ating personal at pampamilyang mga tunguhin, ang uri ng ating paglilingkod kay Jehova ay susulong ukol sa kaniyang kapurihan at kaluwalhatian.—Awit 96:7, 8.