Gamitin ang mga Bagong Publikasyon sa Paggawa ng Kalooban ng Diyos
1 Walang alinlangan, ang Diyos na Jehova ay ‘sinasangkapan tayo ng bawa’t mabubuting bagay upang gawin ang kaniyang kalooban.’ (Heb. 13:20, 21) Ang makabagong kasaysayan ng kaniyang bayan ay malinaw na nagpapakita na si Jehova ay naglaan ng patnubay at nagsangkap sa atin ng mga publikasyon na kailangan natin upang ganapin ang kaniyang gawain. (Mat. 24:14; 28:19, 20; Apoc. 9:17, 19) Pinagpala ni Jehova ang paggamit sa mga paglalaang ito, at ang Kristiyanong kongregasyon ay patuloy na nakakaranas ng namumukod-tanging pagsulong.
MGA BAGONG PUBLIKASYON
2 Kamakailan, sa ating “Magtiwala kay Jehova” na mga Pandistritong Kombensiyon, may pananabik nating tinanggap ang mga bagong publikasyon upang tulungan ang iba na magkaroon ng tiwala sa Diyos. Noong Biyernes ng umaga ang tsirman ay naglabas ng isang bagong tract, Kung Bakit Ikaw ay Makapagtitiwala sa Bibliya. Pagkatapos, sa hapon ay itinanghal sa atin kung papaano gagamitin ito.
3 Ginagamit na ba ninyo ang tract na ito? Ang ilan na nangangailangang gumamit ng simpleng presentasyon ay masusumpungan itong tunay na nakatutulong. Ang karamihan sa atin ay magagamit ito sa iba’t ibang paraan—marahil ay upang magpasimula sa ating presentasyon, upang mag-alok kapag abala ang maybahay, at iwanan ito kapag walang tao sa bahay.
4 Kasiyasiyang malaman na may tatlo pang tract ang maaari nang makuha. Ang mga ito ay Ano ang Paniwala ng mga Saksi ni Jehova?, Ang Buhay sa Mapayapang Bagong Sanlibutan, at Ano ang Pag-asa Para sa Namatay na mga Minamahal? Tiyaking pumidido kaagad ng mga ito at magdala ng ilan sa mga ito upang magamit sa kapuwa regular at impormal na pagpapatotoo.
5 Ang isang mahalagang bagong publikasyon na inilabas sa kombensiyon ay ang pambulsang edisyon ng New World Translation of the Holy Scriptures. Mayroon na ngayon tayong Bibliyang maaaring dalhin sa ating bulsa o pitaka. Ito’y isa na namang patotoo na si Jehova ay ‘sinasangkapan tayo ng bawa’t mabubuting bagay upang gawin ang kaniyang kalooban.’ Kaya tayo man ay nagsasagawa ng regular na bahagi ng paglilingkod o nagpapatotoo nang impormal, maaaring dalhin natin ang kopya ng Salita ng Diyos upang patunayan ang ating sinasabi.
GAMITIN ITONG MABUTI
6 Mula sa aral ng talinhaga ni Jesus hinggil sa mga talento, nalalaman natin na inaasahan ni Jehova na gagamitin nating mabuti ang lahat ng ipinagkakaloob niya sa atin. Kaya, lubusan nating isagawa ang ating ministeryo sa pamamagitan ng paggamit ng kaniyang mga paglalaan, lakip na ang mga bagong publikasyong ito. Habang ginagamit natin ito nang lubusan, maaasahan nating susulong ang ating kagalakan dahilan sa pagsang-ayon ng ating Panginoon at sa mainam na bunga ng Kaharian na idudulot niyaon.—Mat. 25:21; Juan 15:8.