Pakikinabang Nang Lubusan Mula sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro
1 Ang Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro ay nagsasanay sa atin sa “sining ng pagtuturo” upang tayo’y makapagturo ng mga katotohanan ng Bibliya sa mabisang paraan. (2 Tim. 4:2) Tayo ay tumatanggap ng kaunawaan sa iba’t ibang mga paksa sa Bibliya bawat linggo. Papaano tayo lubusang makikinabang mula sa pagtuturong inilalaan ng paaralang ito?
2 Makinig sa pambungad na komento ng tagapangasiwa sa paaralan habang itinatampok niya ang mga punto na maaaring matutuhan ninyo sa pulong. Pag-isipan ang anumang katanungan na kaniyang ibabangon at kung papaano ninyo sasagutin ang mga ito sa inyong ministeryo.
3 Ang pahayag ng nagtuturo ay hindi lamang isang pagrerepaso ng materyal. Ito’y nakatuon sa praktikal na kahalagahan ng impormasyon para sa inyo nang personal. Ang patiunang paghahanda ay tutulong sa inyo na pag-isipang mabuti ang mga pangunahing punto at upang makabahagi sa bibigang pagrerepaso na kasunod nito.
4 Ang pag-alinsabay sa lingguhang pagbabasa ng Bibliya ay magpapalalim sa inyong pagpapahalaga sa Salita ng Diyos. Ang karagdagang pagsasaliksik ay maaaring maghayag sa inyo ng maraming kapanapanabik na detalye na magpapatalas sa inyong kaunawaan sa katotohanan. Ang mga tampok na bahagi ng Bibliya ay higit pa kaysa pag-uulit lamang sa ulat ng Bibliya. Pagkatapos ng maikling pangkalahatang pagrerepaso, itatampok ng tagapagsalita ang mga pangunahing punto at ipakikita kung ano ang kaugnayan nito sa ating buhay at pagsamba. Matamang makinig upang matutuhan kung papaano ikakapit ang tagubilin ng Bibliya.—Awit 119:105.
5 Kung kayo ay naatasan ng pahayag ng estudyante, pansinin kung ano ang ipinayo sa inyo na dapat pasulungin. Basahin ang mga mungkahi sa Giya sa Paaralan sa puntong iyon, at sikaping ikapit ang mga iyon. Kapag pumipili ng materyal, idiin ang mga punto na maaaring gamitin sa larangan.—sg p. 96-9.
6 Kung kayo ay isang kapatid na babae na naatasan ng Pahayag Blg. 3 o Pahayag Blg. 4, iharap ang materyal sa isang makatotohanang tagpo. Ang maybahay ay maaaring sumang-ayon o hindi sa lahat ng inyong sinasabi; ipakita kung papaano ninyo tutulungan ang indibiduwal na mangatuwiran sa mga simulain ng Bibliya. (sg p. 153-8) Ito’y tutulong sa tagapakinig na harapin ang gayunding pagtutol sa larangan ng paglilingkod. Ihanda at ensayuhin ang pahayag nang patiuna. Hindi dapat mag-ensayo kapag nagpasimula na ang pulong.
7 Ang mga estudyante na nagbibigay ng mga pahayag ay pinasisiglang umupong malapit sa unahan ng bulwagan. Ito’y makapagtitipid ng panahon at magpapangyari sa tagapangasiwa sa paaralan na magbigay ng kaniyang mga komento sa isang higit na personal na paraan. Ang lahat ay maaaring makinabang mula sa mabait, espisipikong mga mungkahi na kaniyang ibibigay salig sa Giya sa Paaralan. Maaaring hindi niya sunding sunod-sunod ang hanay sa Speech Counsel slip; siya’y pipili ng payo salig sa inyong kasalukuyang pangangailangan na makatutulong sa pinakamabuting pagsulong.
8 Ang lahat ng ito ay mabubuting dahilan upang tayo’y maghanda at dumalo sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro linggu-linggo. Ang pagtuturong ating tinatanggap ay maaaring makatulong sa atin upang maging matalino at bihasa sa ating ministeryo.—Kaw. 1:5.