Mga Brochure—Mahahalagang Kasangkapan sa Ministeryo
1 Ang isang dalubhasang manggagawa ay nagdadala ng iba’t ibang kasangkapan, na bawat isa’y idinisenyo para sa isang espisipikong gawain. Bilang mga tagapaghayag ng Kaharian, tayo’y may iba’t ibang brochure na makatutulong sa atin upang maging dalubhasa sa ating gawain. (Kaw. 22:29) Sa isang pintuan maaaring makasumpong kayo ng isang taong nanlulumo. Sa iba naman ay maybahay na matagal nang nagnanais ng tapat na pamahalaan, habang ang iba pa ay nag-iisip kung may layunin ang buhay. Papaano natin magagamit ang ating mga brochure upang tulungan ang mga taong ito?
2 Kapag iniaalok ang brochure na “Talaga Bang Minamahal Tayo ng Diyos?,” maaari ninyong sabihin ang gaya nito:
◼ “Sinisisi ng ilang tao ang Diyos dahilan sa pagdurusa at kawalang katarungan sa sanlibutan. Sila’y nangangatuwiran na yamang ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat, wawakasan niya ang pagdurusa kung talagang minamahal niya tayo. Ano ang palagay ninyo rito? [Hayaang magkomento.] Ipinakikita ng Awit 72:12-14 na ang Diyos ay talagang nagmamalasakit sa atin. Ang pagdurusa at kawalang katarungan ay hindi niya kasalanan. Kaniyang ipinangako na ang mga manggagawa ng kasamaan ay malapit nang alisin. Ang brochure na ito, Talaga Bang Minamahal Tayo ng Diyos?, ay nagpapakita kung ano ang kaniyang gagawin at kung papaano tayo maaaring makinabang.” Maaari ninyong ipagpatuloy ang pagtalakay sa pamamagitan ng mga komento sa pahina 27, parapo 22.
3 Kung kayo ay gumagamit ng brochure na “Layunin ng Buhay,” maaaring magsimula kayo sa ganitong paraan:
◼ “Halos lahat ay nag-iisip kung ano ang layunin ng buhay. Ito ba’y basta mabuhay lamang ng 70 o 80 taon at pagkatapos ay magtungo sa libingan? O may higit pa rito sa buhay? Ano sa palagay ninyo? [Hayaang sumagot.] Dito sa Awit 37:29, ating makikita ang magandang layunin ng Diyos para sa tao at sa lupa.” Basahin ang teksto, at pagkatapos ay bumaling sa ilustrasyon sa pahina 31, at saka magpatuloy sa inyong pag-uusap.
4 Ang brochure na “Narito!” ay maaaring iharap sa pamamagitan ng pagpapakita ng buong ilustrasyon sa takip at pagtatanong:
◼ “Ano sa palagay ninyo ang kailangan upang maging ganito ang lupa? [Hayaang magkomento.] Nasusumpungan ng mga pamahalaan ng tao na imposibleng mapairal nila ang ganitong klase ng sanlibutan. Gayunpaman, tinitiyak sa atin ng Bibliya na kalooban ng Diyos na ‘gawing bago ang lahat ng mga bagay.’ [Bumaling sa pahina 30, at basahin ang Apocalipsis 21:3, 4.] Ang brochure na ito ay makatutulong sa inyo na matutuhan kung ano ang kailangan ninyong gawin upang makapamuhay sa ganitong bagong sanlibutan.” Bumaling sa pahina 3, at itanghal kung papaano natin isinasagawa ang isang pag-aaral sa Bibliya.
5 Maaari ninyong gamitin ang ganitong paglapit taglay ang brochure na “Buhay sa Lupa”:
◼ “Maraming tao ang nag-iisip na sila’y magtutungo sa langit upang tamasahin ang buhay magpakailanman, subalit ano sa palagay ninyo ang hinggil sa pamumuhay sa lupa magpakailanman? [Hayaang sumagot.] Ang Bibliya ay nagsasabi sa atin kung papaano tayo magkakamit ng buhay na walang hanggan.” Basahin ang Juan 17:3. Pagkatapos ay ipakita sa maybahay ang ilustrasyon sa #49, at magtanong: “Nais ba ninyong mabuhay sa isang sanlibutang gaya nito?” Ialok ang brochure, at isaayos ang isang pagdalaw muli.
6 Ang mga brochure ay nagtatampok ng napapanahong mga paksa, sumasagot sa mga katanungan ng tao, at nagbibigay ng kaaliwan. Sa dalubhasang paggamit sa mga kasangkapang ito, maaari nating matulungan ang taimtim na mga tao na “sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.”—1 Tim. 2:4.