Personal na Pag-aaral—Bagay na Dapat Pag-isipan
1 Anong mga bagay ang dapat na seryosong pag-isipan? Dapat nating pag-isipan ang pagkakaroon at pagpananatili ng isang malapit na kaugnayan kay Jehova. Ang personal na pag-aaral ay gumaganap ng isang mahalagang papel sa pagkakaroon ng gayong malapit na kaugnayan. Sa ngayon, hindi marami sa atin ang maaaring gumugol ng mahabang panahon sa personal na pag-aaral. Kaya, kung hindi tayo palagiang magbabasa ng Salita ng Diyos, lubha tayong manghihina para labanan ang espiritu ng sanlibutan at ang mga pita nito sa laman.
2 Magkaroon ng Pananabik sa Salita: Nang una nating matutuhan ang mga layunin ng Diyos, malamang na tayo’y may pananabik na magtamo ng higit pang kaalaman. Gayunpaman, paglipas ng panahon, ang ating gutom sa espirituwal na pagkain ay maaaring naglalaho. Maaaring may pangangailangan para “magkaroon ng pananabik” sa espirituwal na pagkain. (1 Ped. 2:2) Papaano tayo magkakaroon ng gayong pananabik?
3 Ang amoy ng isang paboritong pagkain ay maaaring umantig sa ating gana. Sa gayon ding paraan ang maiikling panahon ng pag-aaral ay maaaring makaapekto sa atin sa espirituwal na paraan. Ang pagkakaroon ng kasiyahan sa ilang espirituwal na punto ay maaaring magpasigla sa ating gana para sa mas malalalim na katotohanan.
4 Magkaroon ng Rutina na Angkop sa Inyo: Inilalaan ng iba ang buong gabi para sa personal na pag-aaral, samantalang gusto naman ng iba ang maiigsi at madalas na yugto ng pag-aaral. Kung sa palagay ninyo’y mas higit kayong makapag-iisip na mabuti sa madaling araw, maaari kayong mag-aral bago mag-almusal. Kung higit kayong alisto sa gabi, maaari kayong mag-aral bago matulog. Ang mahalaga ay maging regular at manatili sa rutina na angkop sa inyong pangangailangan.
5 Kapag tayo’y hinihimok na gumawa ng higit na personal na pag-aaral, maaari nating sabihin kaagad na puno na ang ating eskedyul. Gayunpaman, dapat na may katapatang suriin kung papaano natin ginagamit ang ating panahon. Marami bang oras ang ginagamit bawat araw sa panonood ng telebisyon? Ang tapat na pagsusuri sa ating eskedyul ay malamang na magpakita na may panahong maaaring gamitin sa personal na pag-aaral araw-araw.—Efe. 5:15, 16.
6 Ang pag-aaral sa Salita ng Diyos ay karapatdapat sa ating di nababahaging pansin. Kung mahilig tayong mag-aral habang kumakain, nakikinig sa radyo, o nanonood ng telebisyon, malamang na hindi natin maintindihan ang sinisikap nating matutuhan. (1 Tim. 4:15) Kaya may pangangailangang alisin ang mga kaabalahan.—Tingnan ang Giya sa Paaralan, pahina 33-4.
7 Ang pag-aaral sa araw-araw ng payo ng Bibliya ay mahalaga sapagkat ito ang paraan upang tanggapin natin ang patnubay ni Jehova. Samantalahin ang bawat pagkakataon, gaano mang kaikli, na basahin, repasuhin, o bulay-bulayin ang espirituwal na mga bagay.—Deut. 6:6-8; Col. 1:9, 10.